80,750 total views
Mga Kapanalig, ano ang isasagot mo sa tanong na ito ng Social Weather Stations (o SWS): “Saan ninyo ilalagay ang inyong pamilya sa kard na ito: hindi mahirap o mahirap?”
Nang huling tinanong ‘yan ng SWS noong Marso, 46% ang nagsabing sila ay “mahirap” habang 23% ang nagsabing silay ay “hindi mahirap”. Ang natitirang 33% ay nasa borderline o sa pagitan ng dalawang pagpipiliian. Ang 46% na nagsabing sila ay mahirap ay katumbas ng 12.9 milyong pamilya. Ito ang tinatawag na self-rated poverty—kung ano sa tingin ng tinatanong sa survey ang kalagayan ng kanyang pamilya. Hindi ito simpleng pagtatantya dahil karanasan ng tao ang batayan ng sagot.
Sa tanong na ito, ano naman ang iyong isasagot: “Nitong nakaraang tatlong buwan, nangyari ba kahit minsan na ang inyong pamilya ay nakaranas ng gutom at wala kayong makain?” Kung ang sagot ninyo ay “oo”, “nangyari po ba ‘yan ng minsan lamang, mga ilang beses, madalas, o palagi?”
Sinusukat naman ng mga tanong na ito ang tinatawag na involuntary hunger o kagutumang hindi sinasadya. Sa resulta ng survey na ginawa rin noong Marso, lumabas na 14.2% ng mga pamilya ay nakaranas ng gutom o hindi nakakain nang kahit isang beses. Isa sa matitingkad na indikasyon ng kahirapan ang kawalan ng kakayahang may maihaing pagkain sa hapag.
Pero kung si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Atty Larry Gadon ang tatanungin, haka-haka lang daw ng mga tao na mahirap sila.
Paano niya ito nasabi?
Pumunta lang daw tayo sa mall, makikita nating nagsisiksikan doon ang mga tao. Ibig sabihin, may kakayahang bumili ng mga bagay-bagay ang mga tao. Sa mga probinsya naman, ang pagsulpot ng mga fast food chains doon ay indikasyon ding maginhawa ang buhay sa Pilipinas. Ang matinding trapik sa mga lansangan, patunay daw na may pambili ng kotse ang mga Pilipino. Sa madaling salita, paniwala ni Atty Gadon, “maganda ang [ating] ekonomiya.”
Ang buhay na mayroon si Atty Gadon ay isang buhay na inaasam-asam lamang ng napakarami sa atin—may sariling tirahan at sasakyan, nakapag-aaral ang mga anak sa magandang eskwelahan, may suweldong nakabubuhay sa kanyang pamilya, may pampagamot o pampaospital sakaling kailangan nila, at iba pa. Marahil, nagsumikap siya para makamit ang mga ito.
Pero tandaan nating hindi lamang sipag at tiyaga ang kailangan para maiwasan ang kahirapan. Kung ang mga ito lang naman ang kailangan, dapat mayaman na ngayon ang ating mga manggagawang gumigising nang maaga para magtrabaho. Dapat mayaman na rin ang ating mga magsasaka at mangingisdang buong araw na nagbabanat ng buto. Dapat mayaman na rin ang mga nasa impormal na sektor na walang pagod na kumakayod para sa kanilang pamilya.
Ang totoo, marami sa mga hadlang upang umasenso tayo sa buhay ay bunga ng mga tinatawag nating sinful social structures, mga makasalanang panlipunang istruktura. Ito ang mga istrukturang hindi kinikilala ang dignidad ng tao, walang pagpapahalaga sa buhay, at nagsasantabi sa mga tao. Pinalalakas ang mga ito ng mga taong nais na malamangan ang kanilang kapwa para yumaman o maging makapangyarihan.
May mahihirap dahil ipinagdadamot sa kanila ang kita ng kanilang pinagtatrabahuhan. May mahihirap dahil kinukuha sa kanila ang lupang dapat nilang palaguin. May mahihirap dahil kumikiling ang ating ekonomiya sa mga maykaya at may impluwensya. May mahihirap dahil, ayon nga sa Lucas 11:42, may mga “kinakaligtaan… ang katarungan.”
Mga Kapanalig, hindi haka-haka lang ang kahirapan. Tunay ito. Malalim ang ugat nito sa ating lipunan. Hindi lang nakasalalay sa pananaw sa buhay ng mga tao ang kanilang pag-unlad. Dapat ding itama ang mga istrukturang nakaiimpluwensya sa buhay nila, at ang nangunguna dapat rito ay ang gobyernong kinabibilangan ni Atty Gadon.
Sumainyo ang katotohanan.