1,146 total views
Mga Kapanalig, umani ng iba’t ibang reaksyon ang naging pasya ng Kataas-taasang Hukuman hinggil sa paglalagak ng mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Sa 15 mahistrado ng Korte Suprema, siyam ang sumang-ayon sa pagpapalibing sa dating pangulo sa nasabing himlayan. Lima ang tumutol (kabilang si Chief Justice Serreno), habang isa sa kanila ang nag-abstain o hindi lumahok sa pagpapasya dahil sa conflict of interest.
Gaya ng inaasahan, ikinagalak ng pamilya Marcos at kanilang mga tagasuporta ang naging desisyon ng Korte Suprema. Tila naman pinagsakluban ng langit at lupa ang mga taong naniniwalang walang lugar sa himlayang para sa mga bayani ang isang taong sumupil sa demokrasya at yumurak sa karapatang pantao ng napakarami noong panahon ng Batas Militar. Ngunit sa kabila ng matinding pagkakahati-hati ng opinyon ng mga Pilipino, nanindigan si Pangulong Duterte sa kanyang kagustuhang ilibing ang kinikilala niyang idolo sa Libingan ng mga Bayani.
Batas ang sinasabing naging batayan ng mas maraming mahistrado upang sabihing walang problema kung ililibing ang dating pangulo sa libingang laan para sa mga taong nagbuwis ng buhay at nag-alay ng kanilang husay para sa bayan. Ayon sa desisyon, hindi naman daw itinanggi ng mga nagpetisyon laban sa pagpapalibing na si Marcos ay naging pangulo, commander-in-chief ng Hukbong Sandatahan, mambabatas, at kalihim ng Ministry of National Defense. Hindi rin umano napasubalian na siya ay naging sundalo at beterano ng digmaan. Sapat na raw ang pagkakaroon ng isa lamang sa mga nabanggit na titulo upang ihimlay ang mga labi ng sinuman sa Libingan ng mga Bayani batay na rin sa mga panuntunan kung sinu-sino ang mga maaaring ilibing roon.
Batid ng ating mga mahistrado ang pagkakasangkot ni dating Pangulong Marcos sa napakaraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao at mga gawaing may kinalaman sa pagnanakaw sa kaban ng bayan sa loob ng mahigit dalawang dekada niyang pananatili sa kapangyarihan. Ngunit para sa siyam na mahistrado, mas matimbang ang kanyang pagiging dating pangulo at ang paggagawad sa kanya ng “medal of valor”, ang pinakamataas na parangal para sa isang sundalong Pilipino.
Katwiran pa ng siyam na mahistrado: “While he was not all good, he was not pure evil either. Certainly, just a human who erred like us.” Sa Filipino: “Samantalang hindi siya lubos na mabuti, hindi rin siya lubos na masama. Sa katunayan, siya ay taong nagkamali tulad nating lahat.” Dapat daw tingnan ang buong pagkatao ni Marcos, hindi lamang ang mga nagawa niyang kasalanan at kasamaan sa bayan. Ayon pa sa kanila, dapat umanong kilalanin ang mga mabuting nagawa ng isang tao at kalimutan ang mga naging pagkakamali nito gaano man kalaki at kasama ang mga ito. Sa ganitong paraan, makakausad daw po tayo.
Kayo, mga Kapanalig, ano ang inyong pananaw sa isyung ito?
Binibigyang-diin ng mga katuruang panlipunan ng Simbahan ang kahalagahan ng pakikilahok natin sa mga pagpapasya ng mga institusyong panlipunan, katulad ng pamahalaan, lalo na’t malaki ang implikasyon ng kanilang mga pinagtitibay sa maayos na pamumuhay ng mga mamamayan at sa kinabukasan natin bilang isang bayan. Gayunman, ang pakikilahok ay isang tungkuling dapat gampanan nang may pagkiling sa kabutihang panlahat o common good, at hindi lamang upang isulong ang kagustuhan ng iilan, lalo na ng mga nasa kapangyarihan.
Tunay bang mabuti para sa lahat at sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino ang pagkaitan ng katarungan ang mga taong isinakripisyo ang sarili sa ngalan ng kalayaan at katotohanan? Tunay na katarungan ba ang makakamit kung lilimutin na lamang natin ang kasalanan ng mga taong walang pag-ako sa mga nagawang pagkakamali? Tuluyan bang mahihilom ng paglimot ang malalim na sugat ng nakaraan?
Mga Kapanalig, huwag po tayong mapapagod sumubaybay. Magsuri tayo at kumilos upang ang ating mga hakbang bilang isang bayan ay tunay na pasulóng sa halip na paatras.
Sumainyo ang katotohanan.