67,859 total views
Mga Kapanalig, isa sa mga pangunahing aksyon ng ikalawang administrasyon ni US President Donald Trump ay ang pag-freeze sa mga proyekto ng United States Agency for International Development (o USAID). Hindi umano umaayon sa interes o values ng Amerika ang mga pinaglalaanan ng pondo ng ahensya.
Kabilang ang Pilipinas sa maraming bansang may mga proyektong pinopondohan ng USAID at apektado ng pansamantalang pagpapatigil sa tulong mula sa gobyerno ng Amerika. Nagkakahalaga ng 15 bilyong pisong ang mga proyektong apektado ng USAID freeze sa ating bansa. Pinakaapektado ang mga sektor ng kaunlaran at ekonomiya; edukasyon, lalo na ang five-point reform agenda ng DepEd; at kalusugan, partikular ang mga programa ng DOH kontra sa HIV/AIDS, malaria, at tuberculosis.
Ngunit nitong nakaraang linggo, tiniyak at ipinangako ng administrasyong Trump kay Philippine Ambassador to the United States na si Jose Manuel Romualdez ang 336 milyong dolyar na military assistance mula sa USAID. Gagamitin ang pondong ito para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard upang igiit ang ating soberanya sa West Philippine Sea.
Bagamat nakapapanatag ang hakbang na ito para sa pagpapanatili ng ating ugnayan sa Amerika at sa pagpapalakas ng ating Sandatahang Lakas, may pagkukulang o kamalian pa rin ang hangarin ng administrayong Trump para sa pagsusustento ng USAID. Kinikuwestyon man ng administrasyong Trump ang USAID, ang mga alegasyon nito laban sa mga programa at proyektong pinaglalaanan ng pondo ng ahensya, ayon sa mga eksperto, ay haka-haka lamang at walang sapat na batayan ang pagpapahinto sa mga ito.
Nakapag-aalala ang biglaang pag-freeze sa USAID dahil inilalagay nito sa alanganin ang mahahalagang proyekto sa edukasyon, ekonomiya, at kalusugan—mga pangunahing pangangailangan ng mga tao. Sa kaso natin, higit na nakapagtatakang mas binigyang-prayoridad pa ang pagpondo sa militar kaysa sa mga proyekto sa edukasyon at kalusugan.
Pinaaalalahanan tayo ni Pope Benedict XVI na ang mga international aid, katulad ng USAID, ay hindi dapat maging “utang na loob” ng mga bansang nakakatanggap ng pondo mula sa mga bansang nagpapahiram o nagbibigay. Higit pa rito, sa usaping pangkapayapaan, ang mga sustentong ito ay dapat nakaugat sa human values katulad ng pag-ibig at pag-uunawaan. Halimbawa nito ay ang pakikinig sa mga taong maaapektuhan ng aid freeze.
Kaya talagang nakalulungkot at nakababahala ang hakbang na ito ng Amerika hindi lamang para sa ating bansa kundi pati na rin sa buong mundo. Armas at bala lang ba ang kailangan ng ating bansa upang mapanatili ang kapayapaan? At tayo ba ay dapat gipitin ng Amerika kung ituturing nila ang sustento bilang “utang na loob” natin sa kanila? Ang kasunduang ito ng Estados Unidos at Pilipinas ay dapat na makatutulong sa kapayapaan at kaunlaran ng parehong bansa, hindi upang pagsamantalahan ang bawat isa.
Lehitimo at nararapat naman ang pagpapalakas sa ating militar, lalo na kung ang ating soberanya at teritoryo ay marahas na ginigipit. Lehitimo rin ang nais ng Amerika na mapanatili ang mabuting ugnayan sa ating bansa. Ngunit ang pagpapairal ng kaunlaran ay higit sa pulitika at militarisasyon. Tunay at ganap ang kapayapaan kung ang mga mahihirap ay tinutulungang mabuhay nang makatao, ang edukasyon ay humuhubog ng mabubuting mag-aaral, at ang kalusugan ng lahat ay maayos at ligtas.
Mga Kapanalig, ang pagpapairal ng kapayapaan sa ating bansa ay higit pa sa pagbili ng armas at bala. Sa Mga Awit 147, inaanyayahan tayo ng Diyos na kilalaning ang kapayapaan ay kung kailan “ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan, ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan.” Sa kaso ng mga tinutulungan ng USAID, ang “kagalingan” na ito ay mula sa pagkakaroon ng trabaho, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan.
Sumainyo ang katotohanan.