441 total views
Hinikayat ni Archdiocese of Manila Administrator Bishop Broderick Pabillo ang mga mananampalataya na patuloy na suportahan ang Pondo ng Pinoy kasabay ng pagdiriwang nito ng ika-17 taon na pagkakatatag.
Ayon kay Bishop Pabillo, ang Pondo ng Pinoy ay isang pagpapatunay na kahit mga ordinaryong mamamayan at mga mahihirap ay maaring magbahagi ng kanilang kakayanan para makatulnog sa kapwa.
Nagagalak aniya na ang Pondo ng Pinoy ay maituturing na hindi lamang isang programa na naglalayong mangarap ng pondo sa halip ay nagsisilbi na itong instrumento ng Simbahang katolika sa pagpapalaganap ng ebanghelisasyon.
“ang Pondo ng Pinoy hindi lang ito fund raising wala naman fund raising na tatagal ng 17 years ito po ay evangelizing work na sa pamamagitan ng ating pananampalataya ang kaharian ng Diyos ay kumikilos sa mga maliliit na gawain.” Pahayag ni Bishop PAbillo sa panayam ng programang Caritas in Action.
“tayo po ay nakakalikom at nakakatulong sa mga tao kaya mahalaga dito yun component ng evangelization, component ng pag-aaral ano ba itong Pondo ng Pinoy dito po ay ine-encourage na tayo ay maging generous na kahit maliit lang basta malimit ay patungong langit.” Dagdag pa ng Obispo.
Umaasa si Bishop Pabillo na magpapatuloy pa ang programa ng Pondo ng Pinoy at mas marami ang matutulungan nito sa mga darating na panahon.
Sinabi pa ng Obispo na ang pagbibigay at pagbabahagi sa kapwa ay dapat nang maging isang kasayanan.
“ang mahalaga po dito hindi lang yun bente singko ang mahalaga dito yun palagian everyday magbibigay tayo para ma-develop yun habit of giving, the habit of thinking not only about ourselves but also about others yan ang isang gusto itanim ng Pondo ng Pinoy.”
Magugunitang taong 2004 nang simulan ni noo’y Manila Archbishop Cardinal Gaudencio Rosales ang Pondo ng Pinoy kung saan sa pamamagitan ng kinokolektang 25 sentimos ay nagkakaroon ng iba’t ibang programa ang Simbahang Katolika para sa mga mahihirap.