484 total views
Mga Kapanalig, nakapag-share na ba kayo ng fake news? O nakatanggap na ba kayo ng fake news mula sa inyong friends sa Facebook? Fake news o mga pekeng balita ang pangunahing tuon ng pinakahuling pastoral exhortation ng ating mga obispo na pinamagatang “Consecrate Them in the Truth.”
Napapanahon ang liham na ito dahil sa paglaganap ng fake news nitong mga nakalipas na buwan. Gaya na lamang ng paglalabas ng kalihim ng Department of Justice o DOJ ng larawan ng isang senador habang nakikipagpulong sa Marawi at sinabing may kaugnayan daw ang mambabatas sa sumiklab na gulo roon. Ngunit lumitaw na ilang taon na ang nakalipas nang kunan ang nasabing larawan ng senador. Fake news ito.
May isa namang opisyal ng Presidential Communications Operations Office o PCOO na nag-post ng larawan ng aniya’y mga sundalong nakaluhod at nagdarasal. Maganda ang intensyon ng nasabing opisyal: hinikayat niyang ipagdasal din natin ang ating mga sundalo. Ngunit lumitaw na mga sundalo sa bansang Honduras ang nasa larawan at kinunan iyon noon pang 2015. Fake news din ito.
Nakakalungkot, mga Kapanalig, na kabilang ang mga opisyal ng pamahalaan sa mga pinagmumulan ng fake news. Hindi naman siguro labis kung asahan natin ang ating mga lingkod-bayan o public servants na maging matapat sa kanilang mga sinasabi at lagi nilang beripikahin ang pinagmumulan ng kanilang impormasyon bago nila ilabas ang mga ito sa media. Ang mas nakalulungkot pa, wala tayong narinig na paumanhin mula sa kanila para sa inilabas nilang fake news, at marami pa ang nagsasabing honest mistake ang kanilang ginawa at hindi na raw sila kailangang papanagutin.
Ang pagkalat ng fake news at ang mistulang pagsasantabi natin sa tunay na katotohanan ang nais bigyang-liwanag ng pastoral exhortation ng ating mga obispo. Pinapaalala nila sa ating si Hesus ay pastol ng katotohanan, at panalangin Niyang gawing banal ang Kaniyang mga disipulo sa pamamagitan ng pagdadala ng katotohanan. Tayong mga Kristiyano ay Kanya ring mga disipulo, kaya’t tungkulin nating sabihin ang katotohanan. Hindi tayo dapat maging bahagi ng kasinungalingan at panlilinlang sa ating kapwa. Ang pagsasabi ng totoo, dagdag ng ating mga obispo, ay nasa puso ng isang napakahalagang prinsipyo ng moralidad: “Do good; avoid evil.” Gumawa ng mabuti, iwasan ang kasamaan.
Sabi pa sa liham, hindi lamang paglapastangan sa dunong o talino nating mga tao ang pagpapakalat ng fake news. Maituturing din itong pagtalikod sa ating pagkakawanggawa o charity dahil hinahadlangan ng kasinungalingan ang kakayahan nating piliin at gawin ang tama at itinutulak tayo nitong magkamali.
May apat na mungkahi ang ating mga obispo upang maging tunay tayong disipulo ng katotohanan sa panahong napapalibutan tayo ng fake news. Una, huwag nating tangkilikin at palaganapin ang mga fake news. Pangalawa, ituwid natin ang mga maling impormasyon, haka-haka, at mga malisyosong paratang sa social media sa pamamagitan ng pagkalap ng tamang datos. Pangatlo, huwag tayong magbahagi ng mga nababasa nating hindi pa napatutunayang totoo o walang matibay na ebidensya. Panghuli, alamin natin kung sinu-sino ang mga nagpapakalat ng fake news at paalalahanan natin ang ating mga kaibigan at kapamilya na huwag tangkilikin o paniwalaan ang mga ito.
May panukalang batas rin sa Senado na naglalayong labanan ang fake news sa pamamagitan ng pagpapataw ng parusa sa mga taong nagpapakalat ng mga balitang walang batayan at nagdudulot ng galit at kalituhan sa mga tao. Mas mabigat naman ang parusa sa mga opisyal ng pamahalaang nagpapalaganap ng fake news dahil maituturing itong pagtalikod sa kanilang sinumpaang tungkulin. Ngunit hindi na natin kailangan pang hintaying maisabatas ang anumang patakarang lalaban sa fake news. Mga Kapanalig, kung tunay na pinahahalagahan natin ang katotohanan bilang mga mamamayan at, higit sa lahat, bilang mga tagasunod ni Hesus, tayo na mismo ang tutuldok sa pagkalat ng fake news.
Sumainyo ang katotohanan.