179 total views
Mga Kapanalig, noong ika-5 ng Pebrero, binasa sa maraming parokya ang isang liham ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP. Ang pamagat ng liham ay hango sa Ezekiel 18:32: “Hindi ko gustong mamatay ang sinuman, wika ng Panginoon!” Kinukondena ng ating mga obispo, sa pamamagitan ng nasabing liham, ang pagpaslang sa libu-libo sa ngalan ng kampanya ng administrasyon laban sa masamang droga.
Makalipas ang dalawang araw, naglathala ng editoryal ang pahayagang Philippine Daily Inquirer na pinamagatang “Bishops find their voice”; sa Filipino, “Nahanap ng mga obispo ang kanilang tinig.” Sinuportahan ng editoryal ang panawagan ng CBCP na itigil ang patayan. Ngunit sinumbatan din nito ang pananahimik daw ng mga obispo sa loob ng nakaraang pitong buwan.
Ibang-iba ang tono ng editoryal na ito sa tono ng bukás na liham sa mga obispo na inilathala sa parehong pahayagan noong ika-28 ng Enero, bago pa nalagdaan ang liham ng CBCP. Ang sulat sa mga obispo ay pinamagatang “Our shepherds have not been silent”; sa Filipino, “Hindi nanahimik ang ating mga pastol.” Dito nagpasalamat ang mga pinuno ng tatlong organisasyong katuwang ng Kapisanan ni Hesus (o ng mga Heswita) dahil sa patuloy na pagsaksi ng mga obispo laban sa patayan.
Ginunita nila ang unang liham ng CBCP noong Hunyo 2016, noong nagsisimula pa lang ang kaliwa’t kanang patayan. Sa liham na iyon, nakiusap ang CBCP sa kapulisan na ingatan ang karapatan at buhay ng mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga. Pinaalalahanan din ng CBCP ang mga mananamapalatayang huwag hayaan, lahukan, o ayudahan ang vigilantismo.
Pinuri ng sulat sa mga obispo ang pahayag ng pakikiramay at pakikiisa ng CBCP Permanent Council, noong Setyembre 2016, sa mga pamilya ng pinapaslang. Gayundin ang pahayag laban sa patayan ng tatlong obispo at isang administrador ng mga diyosesis sa Negros noong Oktubre, at ang indibidwal na pahayag ng mga obispo sa iba’t ibang lugar.
Samakatuwid, mga Kapanalig, hindi nanahimik ang ating mga obispo sa loob ng nakaraang pitong buwan. Patuloy silang sumasaksi sa kasagraduhan ng buhay, kahit batikusin sila ng mga opisyal at tagasuporta ng administrasyon, at kahit tila hindi sila pinakikinggan ng iba.
Marami ring laiko, pari, at madre ang maagang sumalungat sa karahasan ng kampanya laban sa droga. Sa unang buwan ng administrasyong Duterte, Hulyo 2016, nagpahayag laban sa mga pagpaslang ang mga pangulo ng dalawang pamantasang Katoliko, ang Ateneo at La Salle. Noong ikalawang buwan, Agosto 2016, nagpahayag din ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas o LAIKO, ang organisasyong nagbibigkis sa lahat ng samahang laiko ng Simbahan. Agosto 2016 din nagpahayag ang Association of Major Religious Superiors of the Philippines o AMRSP, ang organisasyon ng mga pinuno ng pinakamalalaking kongregasyong relihiyoso sa bansa.
Ngunit nakalulungkot na nakararami pa ring Katoliko ang nananahimik o pinapalakpakan pa ang mga pagpaslang. Ang mistulang pagkunsinting ito ng maraming Katoliko sa patayan ay ikinabahala ng CBCP sa huli nilang liham. Anila, “Kapag sinang-ayunan o pinabayaan natin ang patuloy na pagpapapatay sa mga itinuturing na lulong sa droga at mga nagtutulak nito, kasama na tayong mananagot sa pagpatay sa kanila.”
Ang araw na ito, ika-13 ng Pebrero, ang ika-31 anibersaryo ng makasaysayang “Post-Election Statement” ng CBCP noong 1986. Naging inspirasyon ito sa maraming Katoliko na buwagin ang diktadura. Hindi pa humahantong sa diktadura ang kalagayan natin ngayon. Hindi napapanahong buwagin, kahit sa payapang paraan, ang isang administrasyong marami mang pagkukulang ay lehitimong naihalal. Maaari pang maghanap ng paraang napapaloob sa proseso ng Saligang Batas upang itama ang mga patakarang hindi gumagalang sa buhay.
Ngunit maaari nating hanguin sa “Post-Election Statement” noong 1986 ang paanyaya ng mga obispo noon sa sambayanan: na bumuo ng hatol tungkol sa mga nangyayari; at kung ang hatol natin ay tulad ng sa mga obispo, sama-samang pagdasalan at pagnilayan ang tamang pagkilos ayon sa diwa ni Hesus.
Sumainyo ang katotohanan.