196 total views
Walang maayos na evacuation centers ang mga residenteng nasiraan ng tahanan matapos ang 6.7-magnitude na lindol sa Surigao City, Surigao del Norte.
Ayon kay Ms. Shierly Seguis – Social Action Center Coordinator ng Diocese of Surigao, nakikitira lamang sa mga kapitbahay at iba pang mga kamag-anak na hindi lubos na naapektuhan ng lindol ang mga residenteng nawalan ng tahanan.
“Sa ngayon po wala pa pong evacuation, nakikitira lang po sa mga kapitbahay na may magandang kalooban. Wala naman po silang evacuation center. Hindi po namin alam kung may assistance na ibinigay ang gobyerno kasi hindi pa talaga kami nakakilos..” pahayag ni Seguis sa Radio Veritas.
Pagbabahagi pa ni Seguis, matapos ang isinagawang assesstment sa mga apektadong barangay ay magsasagawa na ng intervention ang diyosesis para tulungan ang mga apektadong mamamayan.
Inamin ni Seguis na nahirapan silang magsagawa ng intervention dahil sa nananatiling hindi tiyak na sitwasyon sa lalawigan dulot ng patuloy na mga aftershocks.
“Pag-uusapan po ngayon ang intervention sa pagtitipon ng mga clergy. Ang aming director ay na-trap sa Dinagat island”.pahayag ni Seguis.
Sa kabila ng pinsala ng lindol at panganib ng aftershocks, inihayag ni Seguis na patuloy pa rin ang mga misa at mga gawaing Simbahan sa lalawigan kung saan una ng nagpaabot ng panalangin si Diocese of Surigao Bishop Antonito Cabahog para sa katatagan at patuloy na pananampalataya ng mga mamamayan.
Nabatid na naibalik na ang kuryente sa may 195-barangay habang wala pa ring kuryente sa 16 na mga barangay ng lungsod.
Bukod dito, problema pa rin ng mga residente ang pagkukunan ng inuming tubig matapos na masira at maapektuhan ang water supply sa malaking bahagi ng lalawigan.
Batay sa tala, nasa 1,035-pamilya ang apektado ng naganap na 6.7-magnitude na lindol kung saan una ng nagpalabas ng 2-bilyong piso ang pamahalaan para sa relief operation sa lalawigan.
Nauna rito, ipinagdarasal ng mga lider ng simbahan ang pagdadamayan at pagtutulungan para sa katatagan at pagbangon ng mga apektado ng lindol.
read:http://www.veritas846.ph/obispo-ng-surigao-nagpaabot-ng-panalangin-sa-mga-biktima-ng-lindol/