13,529 total views
5th Sunday of Lent Cycle C
Is 43:16-21 Phil 3:8-14 Jn 8:1-11
“Gawa ng Diyos ay dakila kaya tayo’y natutuwa.” Ito ang tugon natin sa salmong tugunan. Natutuwa tayo dahil sa gawa ng Diyos, at ang gawa ng Diyos ay dakila at hindi natin ito ini-expect. Iyan iyong sinabi ni propeta Isaias sa ating unang pagbasa. Sumusulat siya sa mga Israelita na napatapon sa iba’t ibang bansa. Sinabi ng propeta na noon naranasan nila ang dakilang pagliligtas ng Diyos. Mula sa Egipto sila ay nakatakas sa pagkaalipin. Gumawa ang Diyos ng landas sa gitna ng dagat. Tumawid sila sa dagat na hindi nababasa. Bumuka ang tubig at tumakas sila sa tuyong lupa sa gitna ng dagat. Hinabol sila ng mga Egipciano na nakasakay sa mga karwaheng pangdigma. Bumalik ang tubig ng dagat at nalunod ang mga Egipciano. Ito ang karanasan nila ng kaligtasan. Naging malaya na sila sa pagkaalipin.
Ngayon abangan nila. Ililigtas uli sila ng Diyos. Ibabalik sila sa kanilang lupain mula sa mga bansang pinagtapunan sa kanila. Pero kakaiba ito. Hindi na ang dagat ang magliligtas sa kanila kundi ang disyerto. Tatawirin nila ang disyerto. Magkakaroon ng landas doon at patutubigan ang disyerto upang hindi sila mamatay sa uhaw. Hindi sila aanuhin ng mga mababangis at maiilap na mga hayop ng ilang. Makakabalik uli sila sa kanilang bayan. Talagang dakila ang gawa ng Diyos na manliligtas. Asahan at abangan natin ang kaligtasang ito.
Ito rin ang naranasan ni Pablo. Bilang isang mabuting Hudyo umaasa siya na magiging mabuti siya sa harap ng Diyos sa kanyang pagtupad sa mga kautusan ni Moises. Kaya masigasig siya rito. Ang kaniyang pagsisikap na maging masunurin ay ang kanyang ipinagmamalaki. At galit na galit siya sa mga hindi sumusunod sa Kautusan ni Moises. Kaya pinag-uusig niya ang mga Kristiyano na binabalewala ang mga kautusan. Pero ngayon nabuksan ang kanyang isip. Ang pinagmamalaki niya ay kanya na ngayong ikinahihiya. Hindi pala siya maliligtas ng pagsunod sa mga kautusan. Maliligtas siya dahil namatay na si Jesus para sa kanyang mga kasalanan.
Tanggapin natin ang grasya na binigay ni Jesus. Siya ang magliligtas sa atin, at hindi ang ating sariling pagsisikap. Kaya itinuturing na niyang basura ang pinagmamalaki niya noon na kautusan. Natutuwa na siya sa kanyang pananampalataya kay Kristo at sa ginawa ni Kristo sa kanya.
Iba talaga ang paaraan ng Diyos. Ang pagkakaibang ito ay pinakita din ni Jesus sa ating ebanghelyo. Habang siya ay nagtuturo sa templo may dinala kay Jesus na isang babaeng nahuli na nangangalunya. Malaking kasalanan ito. Upang matanggal ang kasamaang ito sa bayan ng Diyos, kailangan batuhin hanggang mamatay ang nagkakasala ng ganito. Kung ang babae ay nahuling nangangalunya, bakit siya lang ang dinala ng mga Hudyo. Nasaan ang kapartner niya sa pagkakasalang ito? Kawawa naman ang babae. Inilapit ang babae kay Jesus upang subukin si Jesus kung sasang-ayon siya sa batas ni Moises. Gusto nilang tingnan kung hanggan saan ang pagpapahalaga ni Jesus sa mga makasalanan.
Hindi sila pinansin ni Jesus. Pero noong nagpumilit sila, naupo si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. Dito lang natin nalaman na si Jesus ay marunong palang sumulat. Hindi natin alam kung ano ang kanyang sinulat ngunit noong sinabi ni Jesus: “Sinuman sa inyo ang walang kasalanan ay siyang unang bumato sa kanya,” isa-isa nang umalis ang nag-aakusa sa babae. Maaari ba kaya na sinulat ni Jesus sa lupa ang mga kasalanan nila? Sino ba naman tayo na humusga at magparusa sa kasalanan ng ibang tao. Lahat ay may kasalanan ding pananagutan. May karapatan ba tayong magparusa sa iba at pumatay sa kanila dahil sila ay makasalanan? Dito natin makikita ang kasamaan ng EJK o extra judicial killing. Sino ba ang pulis o ang military na makasasabi na kailangin nang patayin ang drug addicts o ang mga rebels?
Isipin natin ang babae. Talagang makasalanan siya. Masama ang kanyang ginawa. Maliwanag ang batas. Kailangang batuhin ang mga gaya niya. Baka nag-aantay na lang siya ng unang bato na tumama sa kanyang ulo. Pero hindi! Walang bato na dumating. At ang lalong nakakagulat ay si Jesus na walang kasalanan ay nasabi sa kanya: “Hindi rin kita parurusahan.” Si Jesus lang ang may karapatang humagis ng bato sa kanya. Hindi lang na hindi siya pinarusahan. May tiwala pa si Jesus kanya. Sabi niya: “Humayo ka, at huwag nang magkasala.” Naniwala si Jesus na magbabago siya!
Ito iyong bagong paraan ng Diyos upang sugpuin ang kasalanan – hindi ang pagparusa kundi ang pagpatawad. At lahat po tayo ay nakikinabang sa bagong paraang ito. Kinalaban, tinanggal ni Jesus ang kasamaan natin hindi sa paghihiganti sa atin, hindi sa pagpaparusa sa atin kundi sa pagpapatawad sa atin. Dakila ang habag ng Diyos! Ito ay binibigyan ng diin ngayong taon ng Jubileo, taon ng pagtanggal ng parusa at pagpapatawad. Ang habag ng Diyos ay hindi tanda ng kanyang kahinaan. Ito ay tanda ng kanyang kadakilaan. Nalalampasan ng kanyang pagmamahal ang anumang kasamaan natin.
Dahil dito ay may pag-asa tayo. Kaya we are pilgrims of hope. Ang pag-asa natin ay hindi dahil sa wala tayong kasalanan – sino ba sa atin ang makasasabi na wala siyang kasalanan. Wala sa atin ang malinis. Hindi rin natin matatanggal ang dagta ng ating pagkakasala sa anumang mabubuting gawa natin. Hindi natin kayang linisin ang ating kasamaan. Ang pag-asa natin ay nakabase sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa atin at sa kanyang maraming pamamaraan na iligtas tayo. Malikhain ang Diyos sa mga pamamaraan ng pagliligtas. Talagang ang gawa ng Diyos ay dakila, kaya tayo’y natutuwa!