7,604 total views
Binigyang diin ng Department of Education ang kahalagahan ng ugnayan ng simbahan at pamahalaan sa pagtataguyod ng magandang edukasyon upang mapalago ang pagkatao at kaalaman ng bawat mamamayan, lalo na ng mga nasa malalayong pamayanan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng simbahan at pamahalaan na makapaghatid ng mataas na kalidad ng edukasyon at paggabay sa mga kabataan.
Ginawa ni Angara ang pahayag kasunod ng naging talakayan sa ginanap na executive course para sa mga lider ng simbahan sa Caritas Philippines Academy sa Tagaytay City.
“Very valuable ‘yung naging talakayan namin dahil nalaman ko ‘yung mga concerns at the various areas sa ating Pilipinas dahil alam n’yo naman ‘yung simbahan, sabi ko nga from Bontoc to Tagum, pati sa BARMM (Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao), nandiyan po ‘yung simbahan,” pahayag ni Angara sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag ng kalihim, maraming aspeto ng edukasyon ang maaaring mapabuti sa pamamagitan ng pagtutulungan, tulad ng mga voucher system, alternative learning systems, at pagsasanay para sa mga guro.
Iginiit ni Angara na ang kasalukuyang sistema ng edukasyon ay maaaring palakasin at mapalawak sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng suporta, partikular na sa mga lugar na umaasa sa tulong mula sa pamahalaan para magpatuloy ang operasyon ng mga paaralan.
“I think ‘yung current system can be strengthened and increased. ‘Yung suporta natin dapat, palakasin natin through the voucher system, I think. Sabi nga ng ibang diocese na a lot of the schools, they survive because of this assistance. ‘Yung survival nila kapag wala itong suporta mula sa estado, baka magsara sila,” ayon kay Angara.
Kinilala rin ng kalihim ang ilang programa ng simbahan sa edukasyon, kabilang ang community schools, technical-vocational training, alternative learning system programs, at mga proyekto para sa pangangalaga ng kabataan.
Nakatuon ang five-point agenda ng DepEd sa paglikha ng maayos na lugar para sa pag-aaral, kapakanan ng mga guro, kalagayan ng mga mag-aaral, mabilis at epektibong paraan ng pagtuturo, at kahandaan upang makasabay sa mga pagbabago sa hinaharap.