244 total views
Easter Sunday Cycle A
Acts 10:34.37-43 Col 3:1-4 Jn 20:1-9
Happy Easter sa inyong lahat! Ito ang pinakadakilang kapistahan sa buong taon para sa ating mga Kristiyano. Si Jesukristo ay muling nabuhay! Alleluia! Purihin ang Diyos!
Ang dakilang pangyayaring ito ng ating kaligtasan ay hindi inaasahan ng lahat! Sinabi na ni Jesus na siya ay pupunta sa Jerusalem. Doon siya ay dadakpin at papasakitan. Siya ay papatayin ngunit siya’y muling mabubuhay. Narinig ito ng lahat pero hindi nila naintindihan kung ano ang ibig sabihin na siya ay muling mabubuhay. Oo, may mga tao na muling binuhay sa Bibliya. Ang isang batang lalaki ay muling binuhay ni Propeta Eliseo. Muling binuhay ni Jesus ang batang babae na anak ni Jairo at ang binatang anak ng balo sa lunsod ng Nain. Lalong tanyag ay ang muling pagbuhay kay Lazaro na kaibigan ni Jesus. Sila ay muling binuhay lamang. May nagbuhay na kanila. Si Jesus ay basta na lang muling nabuhay ng kanyang sarili. Ang iba ay bumalik lang sa kanilang dating buhay at sila ay namatay din. Si Jesus ay hindi lang nabuhay na bumalik sa dating buhay niya. Nagkaroon siya ng bagong buhay. Hindi na siya mamamatay! Nakakapunta na siya sa iba’t-ibang lugar at panahon. There are no more limitations of time and space. Siya pa rin nga iyon pero hindi na siya madaling makilala ng kanyang mga alagad na kasa-kasama niya ng tatlong taon. Iba na siya, pero siya pa rin iyon! Iyan ang muling pagkabuhay ni Jesus – isang bagong realidad!
Ang unang reaction ng mga tao sa muling pagkabuhay ni Jesus ay ninakaw ang kanyang bangkay. Ang pinaka-ebidensiya lang ng pagkabuhay ay wala na ang bangkay niya sa libingan. Walang laman ang libingan. Bakit walang laman? Kaya immediately ang naisip ay ninakaw ang bangkay. Ito ang kinatatakutan ng mga kaaway ni Jesus na gagawin ng kanyang mga alagad, na nanakawin ang kanyang bangkay, kaya sila naglagay ng mga sundalo sa tapat ng entrance ng libingan. At noong nabulagta ang mga kawal pagdating ng mga anghel at hindi na nakita ang bangkay, ang sabi ng mga leaders ng mga Judio sa kanila ay ipamalita na lamang na habang sila ay natutulog ninakaw ng mga alagad ang bangkay. Bantay sila, at natutulog sila? At kung natutulog sila paano nila masasabi na ninakaw ng mga alagad ang bangkay?
Iyan din ang unang akala ni Maria Magdalena, na naunang dumalaw sa libingan ng madaling araw pa at nakita itong walang laman. Ang paniniwala niya ay: ninakaw ang bangkay, at iyan ang paliwanag niya kina Pedro at Juan. At maaaring iyan din ang akala ni Pedro pagpasok niya sa libingan. Pero siguro napapaisip siya. Kung ninakaw ang bangkay bakit iniwan ang kayong lino na nakabalot sa bangkay? Bakit nakatiklop pa sa tabi ang nakabalot sa kanyang ulo?
Talagang hindi inaasahan ang muling pagkabuhay ni Jesus. Hindi ito inaasahan kasi ito ay isang pangyayari na mauunawaan lang ng bahagya, hindi lubusan, ng taong may pananampalataya. Hindi ito naiintindihan lang sa pamamagitan ng mata ng tao kundi pamamamagitan ng pananampalataya.
Si Jesus na muling nabuhay ay hindi nagpakita sa lahat ng tao kundi sa mga piling tao lang, lalo na sa mga alagad niya, sa labing isang apostol. Sila ang magiging saksi niya sa lahat na siya nga ay buhay. Makakapagsaksi sila dahil sa nakita nila si Jesus, dahil si Jesus ay nakipagsalamuha pa nga at kumain pa kasama nila. Sa lahat magsasaksi sila sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kanyang mga utos, sa pamamagitan ng mga himala na magagawa nila sa pangalan ni Jesus, at pagpapahayag nila ng buong tapang at sigla tungkol kay Jesus. Kaya nga ang ating pananampalataya ay apostolika, kasi galing ito sa pagpapatotoo ng mga apostol.
Pero ano naman ang ibig sabihin ng muling pagkabuhay ni Jesus para sa atin? Nagbago ang buhay natin dahil sa pagkabuhay ni Jesus. Napagtagumpayan ni Jesus ang kamatayan sa kanyang pagkabuhay na muli. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan at ang kasamaan. Sa ating pakikiisa kay Jesus ang kapangyarihan na bumuhay kay Jesus ay kumikilos na rin sa ating buhay. Noong tayo ay bininyagan, namatay na tayo sa kasamaan. Napatawad na ang ating mga kasalanan. Natanggap na natin ang bagong buhay. Kaya sa misang ito sasariwain natin ang ating binyag kasi ito ang pakikiisa natin kay Jesus na muling nabuhay.
Kaya huwag na tayong matakot sa kasamaan. Mapagtatagumpayan natin ito sa ating buhay basta lumapit at kumapit lamang tayo kay Jesus. Huwag natin masyadong pag-ukulan ng pansin ang mga bagay ng lupang ito. Lilipas ang mga ito. Hindi na lang tayo makalupa. Ituon na natin ang ating pansin sa mga bagay ng langit kung nasaan si Jesus. Makikiisa tayo sa kanyang karangalan doon tulad ng ngayon, nakikiisa na tayo sa kapangyarihan ng muling pagkabuhay sa pagtalo sa kasalanan sa ating buhay.
Marami tayong nararanasan na kasamaan sa mundo natin at sa ating buhay. Malakas ang hila ng bisyo at ng barkada. Maaaring ang iba ay alipin pa rin ng galit, ng kawalang pag-asa, o ng takot. May mga nagdadala na karamdaman o pangamba para sa kinabukasan. Nandiyan pa nga ang kasamaan. Pero manalig tayo. Ang kapangyarihan ng muling pagkabuhay ay kumikilos sa mundo at sa buhay natin. Lumapit tayo kay Jesus. Kumapit tayo sa kanya. Tularan natin siya. Tanggapin natin siya sa ating buhay. Alam niya ang ating kalagayan bilang tao at napagtagumpayan niya ang kasamaan. Sinabi niya: “Magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!” (Jn 16:30)
Si Jesus ay muling nabuhay! Alleluia!