402 total views
21st Sunday Cycle C
Is 66:18-21 Heb 12:5-7.11-13 Lk 13:22-30
“Kakaunti po ba ang maliligtas?” Ang tanong na ito ng isang tao kay Jesus ay maaaring tanong din natin. Ilan po ba ang maliligtas? Hindi sinagot ni Jesus ang tanong na ito. Sa halip, ang sabi niya ay magsikap na pumasok sa makipot na daan. Ang bilang kung ilan ang maliligtas ay isang tanong ng isang taong curious lang. Ang mas mahalagang tanong ay, kasama ka ba sa maliligtas? Kahit na marami ang maliligtas kung hindi ka naman kasama dito, wala pakinabang sa iyo ang sagot.
Magsikap na maligtas kasi hindi madali ang kaligtasan. Hindi ito automatic. Hindi dahil sa kilala natin si Jesus, ligtas na tayo. Kilala ba niya tayo? Hindi dahil sa tayo ay Katoliko, automatic na ligtas na tayo. Hindi dahil sa ako ay obispo, ligtas na ako. Hindi dahil sa ako ay nagpapahayag ng Magandang Balita ay ligtas na ako. Sinabi ni San Pablo na siya mismo ay nagsisikap na idisiplina ang kanyang sarili kasi baka mangyari na siya na nanghihikayat sa iba sa kaligtasan ay hindi makarating sa finish line. Hindi rin natin maidadahilan na tayo ay miyembro ng isang samahan, na tayo ay nagdonate sa isang simbahan, o tayo ay kamag-anak ng isang madre o anak ng isang taong may tungkulin sa simbahan na assured na tayo ng kaligtasan. Walang ganitong assurance. Kaya ang bawat isa ay dapat magsikap na makinig sa Salita ng Diyos at sumunod dito. Ang bawat isa ay dapat sumunod sa kalooban ng Ama at magpakabanal.
Ang nakakalungkot nga na tayo na umaasa sa kaligtasan ay mapagsarhan ng pinto at ang mga taong hindi natin inaasahan ay siya pang nasa loob – ang mga taga-ibang bansa, ang mga dayuhan o nasa ibang sekta na minamata natin habang pinagmamayabang natin na tayo ay katolikong sarado ay napagsarhan.
Sinabi ni propeta Isaias sa unang pagbasa na darating ang Panginoon upang tipunin ang lahat ng bansa, at mga tao sa iba’t ibang bansa. Kaya ang mga tao na galing sa Tarsis, sa Pul, sa Lydia, sa Tuban at sa Lavan ay darating na sakay ng lahat na uri ng transportasyon – ng mga kabayo, asno, kamelyo, karwahe at kariton – ay magdadala na iba’t-ibang mga handog papunta sa templo. Ang iba sa kanila ay gagawin pang mga pari at mga levita na maaaring mag-alay sa Diyos. Talagang ang Diyos ay pupurihin ng lahat ng tao sa balat ng lupa.
Oo, ang kaligtasan ay para sa lahat. Ito ay bukas sa lahat. Sana kasama tayo doon. Ang wish na “sana all” ay tinutupad ng Diyos. Ang malaking tanong ay, nabibilang ba tayo sa “all”?
Minsan nagdududa tayo kung kasama tayo sa mga naililigtas kapag tayo ay nakakaranas ng kahirapan sa ating buhay. Parang nakakaligtaan tayo ng Diyos o hindi niya tayo pinapansin. We feel the absence of God when we experience difficulties and sufferings. Mga kapatid, hindi absence of God ang sufferings. Baka doon mas lalong present ang Diyos. Saan ba mas present ang Diyos? Doon kay Jesus na nakabitin sa krus!
Kaya tingnan natin ang suffering not as punishment of God o ang pagtalikod niya sa atin. Sinasabi sa atin sa sulat sa mga Hebreo ng ating ikalawang pagbasa na tingnan natin ang kahirapan bilang pagpapahalaga sa atin ng Diyos Ama bilang kanyang mga anak. Ganoon niya tayo kamahal na hindi niya tayo pinapababayaan, sa halip itinutuwid niya tayo kasi ayaw niyang mapasama pa tayo o maligaw tayo ng landas. He cares enough to correct us.
May mga bata na nagsisigawan at nagmumurahan sa kanilang maingay na paglalaro. Dumating ang isang nanay na hinablot ang kanyang anak pauwi ng bahay na pinapagalitan at pinatitigil na magmura. Nangatuwiran ang bata. “Nanay, ang dami naming mga nagmumura sa daan, bakit ako ang pinapagalitan mo?” Ang sagot ng nanay: “Ikaw kasi ang anak ko!” Dahil sa mahal niya ang anak niya, siya ang itinutuwid niya.
Magpasalamat tayo na itinutuwid tayo ng Diyos. Mahal niya tayo. Nasasaktan ang taong itinutuwid pero ma-re-realize natin later on ang wisdom at ang love ng nagtutuwid sa atin.
Ngayong linggo ay ang mga araw na pinagdiriwang natin ang biyaya ng kaligtasan dito sa Palawan. Apat na daang taon na na tayo ay Kristiyano. DEMDEMEN TA ang biyaya ng kaligtasan at ang mga tao na nag-ambag upang itanim ang pag-ibig ng Diyos dito sa Palawan. ICELEBRA TA ang dakilang pag-ibig ng Diyos at ang ating pagkakaisa bilang Palaweno. IPADAYON TA ang pagpapalalim at pagiging mabunga ng pananampalataya. Sa lahat ng mga ito dapat natin tanungin ang ating sarili kung nagbubunga ba ang pag-ibig ng Diyos sa aking buhay at sa ating lalawigan.
After 400 years, mas nagiging kristiyano ba ang ating pamumuhay? Ito ay hindi lang nangangahulugan na mas marami ang nagsisimba o nakikibahagi sa gawain ng simbahan. Nakakaugat ba sa paghahari ng Diyos ang mga kalakaran sa ating lipunan? To be practical: napapangalagaan ba ang kagandahan ng nilikha ng Diyos na nararanasan pa natin sa ilang parte ng Palawan? Mas lalo bang napapahalagahan ang mga mahihirap at ang mga katutubo na mas dumadami sa atin? Ang yaman ng lalawigan ay nababahagi ba sa lahat at hindi nahihigop ng mga dayuhan at ng may mga pera? Napapangalagaan ba ang makataong pakikitungo at pagtutulungan ng mamamayan?
Ang pananampalatayang Kristiyano ay Katoliko, na ang ibig sabihin, ito ay inclusive. Ang kaligtasan at kaunlaran ay para sa lahat. Sama-sama tayong naglalakbay patungo sa kaharian ng Diyos. Kaya abutin natin ang mga katutubo at maliliit na tao na madalas ay nakakaligtaan. Kasama din sila sa hapag ng paghahari ng Diyos. IPAGPADAYON TA ANG ATENG TARABIDAN NGA PAGPANAW PAPAKON SA INADIAN ANG DIOS.