Send your Love Offering

SAVINGS ACCOUNT NAME

DZRV Radio Veritas Foundation, Inc.

  1. Metrobank Savings Account No.: 076-3-076270210
  2. Banco De Oro Savings Account No.: 001-630011876
  3. BPI Savings Account No.: 0213-3251-91
  4. PNB – Savings account No.: 105-910-013-091

 13,299 total reads

4th Sunday of Lent Cycle A
Laetare Sunday
1 Sam 16:1.6-7.10-13 Eph 5:8-14 Jn 9:1-41

Napansin ba ninyo na 25 days na ang dumaan mula noong binuksan natin ang Kuwaresma noong Miyerkules ng Abo? Mahigit na tayo sa kalahati ng apatnapung araw ng Kuwaresma. Kamusta na ang ating pagpepenitensya, ang ating pagdarasal at ang ating pagkakawanggawa? Patuloy pa ba nating ginagawa? Nagbubunga na ba ito ng pagbabago? Ngayon po ay Laetare Sunday, ibig sabihin, Linggo ng Pagsasaya kaya pink o rosas ang kulay natin at hindi violet. Ito ay nagpapahiwatig na masaya ang kahihinatnan ng Kuwaresma kung seryoso tayo sa ating pagpepenitensiya, pagdarasal at pagkakawanggawa. Magiging masaya ang Muling Pagkabuhay na ating inaasahan. Mauuwi sa kasiyahan ang ating pagpepenitensya at pagtitimpi.

Talagang magiging masaya ang kahihinatnan natin. Liwanag ang ating aabutin. Ang kadiliman ng libingan ay liliwanagan ng Muling Pagkabuhay. Si Jesus na ating sinusundan ay ang Liwanag ng mundo. Sinulat ni San Pablo: “Dati, nasa kadiliman kayo ngunit ngayo’y nasa liwanag sapagkat kayo’y sa Panginoon. Mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga taong naliwanagan sapagkat ang ibinubunga ng pamumuhay sa liwanag ay pawang mabuti, matuwid at totoo.”

Pinagaling ni Jesus ang taong ipinanganak na bulag na walang magagawa kundi namamalimos lang sa templo. Wala siyang ibang magawa. Nasa kadiliman siya. Hindi lang niya natanggap ang liwanag sa kanyang mata. Natanggap din niya ang liwanag tungkol kay Jesus. Tulad nang hindi biglang nakakita ang kanyang mata, ganoon din na hindi bigla ang pagkakilala niya kay Jesus. Lumura si Jesus sa lupa, gumawa ng putik at pinahid sa kanyang mata. Pinapunta pa siya sa tubig sa Siloe at pinaghilamos at doon lang siya nakakita. Dahan-dahan ang proseso ng pagbigay sa kanya ng kanyang paningin. Ganoon din ang pagkakita niya ng liwanag tungkol kay Jesus. Noong una hindi niya kilala si Jesus. Alam lang niya na Jesus ang kanyang pangalan. Pero dahil sa nangyari sa kanya, ipinahayag niya sa mga nag-iimbestiga na siya ay isang propeta. Kahit na siya ay bulag at siguro walang pinag-aralan, noong pinagbibintangan na makasalanan ang nagpagaling sa kanya, nanindigan siya na hindi maaaring makasalanan siya. Sabi niya, “Walang magagawa ang taong iyon kung hindi siya mula sa Diyos.” Mula sa Diyos na ang pagkakilala niya sa taong iyon. At noong matagpuan siya ni Jesus at tinanong siya kung sumasampalataya siya sa Anak ng Tao, pinakita niya ang kanyang kahandaan na manampalataya. At noong sinabi ni Jesus na siya na nga na nakikita niya, siya na nagkikipag-usap sa kanya, ang Anak ng Tao, ang ganda ng kanyang sinabi: “Sumasampalataya po ako, Panginoon” at sinamba niya si Jesus. Nabuksan ang mata ng kanyang isip at puso. Hindi lang niya nakita si Jesus. Natanggap niya na siya ay ang Panginoon at sinamba siya.

Hindi sapat na may paningin upang makarating sa liwanag. Ang mga Pariseo at mga Eskriba ay nakakakita pero nanatili silang bulag, nanatili sa kadiliman dahil sa hindi nila pagtanggap sa klarong pangyayari, na si Jesus ay nakabibigay ng paningin sa bulag kasi siya ay galing sa Diyos. Nabulagan sila ng kanilang pagtanggi sa kanya. Nabulagan sila ng kanilang kasalanan.

Si propeta Samuel ay nabulagan din dahil sa kanyang maling expectation. Pinadala siya ng Diyos sa Betlehem upang pahiran ng langis ang isang anak ni Jesse sa Betlehem na maging hari na kapalit ni Saul. Ang kanyang akala sa isang hari ay isang lalaking magiting at malakas. Ganoon si Saul noong unang pinili siyang hari. Siya ang pinakamatangkad sa lahat, malakas at pinakagwapo. Kaya noong makita ni Samuel si Eliab, ang panganay na anak ni Jesse, nasabi niya sa kanyang sarili na ito na siguro ang hinirang ng Diyos kasi magiting, malakas at gwapo siya. Pero hindi siya ang pinili ng Diyos, at hindi ni isa man sa pitong anak na dinala ni Jesse sa harap niya. Wala sa kanila ang pinili ng Diyos kasi iba ang batayan ng Diyos. Hindi panlabas na anyo ang tinitignan ng Diyos kundi ang puso. Ang napili ng Diyos ay si David, ang pinakabunso na hindi nga pinahalagahan ng tatay niya. Pinaiwan siya na mag-alaga ng mga tupa. Maliit pa siya at walang pakinabang. Siya ang napili ng Diyos.

Nananatili tayo sa kadiliman kung tayo ay nabubulagan ng ating kasalanan at nabubulagan ng ating mga biases o expectations. Upang makapunta tayo sa liwanag, pag-aralan natin ang kalooban ng Diyos at ano ang kalugud-lugod sa kanya, hindi ang nasa ating gusto o ang ating hilig. At kung makita na natin ang kagustuhan ng Diyos, mamuhay tayo ng nararapat sa mga taong naliwanagan na, iyong mga nasa liwanag na. Ang ibinubunga nitong pamumuhay ay mabuti, matuwid at totoo.

May isa pa tayong pananagutan kung makita na natin ang liwanag. Hindi lang sapat na mamuhay ayon sa liwanag kundi dapat din ilantad ang mga gawain ng kadiliman – ang masasama. Kailangan nating gawin ito ngayong panahon na maraming kasamaan ay nagagawa sa kadiliman at kasinungalingan. Ayaw ng mga tao, lalo na ng mga nasa poder, na maliwanagan at lumabas ang katotohanan. Natatakot sila sa liwanag. Kaya ayaw ipasa ng mga kongresista at mga senador natin ang batas na Freedom of Information na magbibigay ng karapatan sa sinumang mamamayan na humingi ng mga datos sa mga namamahala. Ayaw nila ng transparency kasi nagtatago sila sa kadiliman. Ang daming mga imbestigasyon pero nakikita natin na nililito ang tao sa mga imbestigasyon. Kitang-kita ito sa imbestigasyon ngayon ng International Court tungkol sa extrajudicial killings ng War on Drugs. Ang mga bagay na klaro na, ginagawa pang malabo dahil sa baluktot na pangangatuwiran. Mabuti na lang na may International Court na hindi madadala ng pananakot o mabibili ng mga suhol, at hayagan ang imbestigasyon na napapanood ng lahat.

Kung nasa liwanag tayo, liwanagan natin ang mga gawain ng kadiliman. Patuloy tayong manawagan ng katarungan. Ilantad ang mga panlilinlang. Magsalita at manawagan tayo ng accountability! Huwag tayo matakot na manawagan ng katotohanan kahit na sino ang masasagasaan.

Mga kapatid, nakakatakot ang liwanag. Pero si Jesus ang liwanag ng mundo. Binubuksan niya ang mata ng bulag. Inilalantad niya ang mga gawain ng kadiliman. Kaya sinasabi sa atin: “Gumising ka, ikaw na natutulog, magbangon ka mula sa mga patay, at liliwanagan ka ni Kristo.”

BE OUR PARTNERS

THIS PORTION IS BROUGHT YOU BY

ADVOCATE

Radyo Veritas Advocacy Category by Author

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Nagmamahal, Judith

 116,241 total reads

 116,241 total reads Mga Kapanalig, dumating na ba sa inyo si Judith? Kung hindi ninyo siya kilala, si Judith ang buwan-buwan na dumadalaw sa atin para

Read More »

Mas malusog na Pilipino?

 149,570 total reads

 149,570 total reads Mga Kapanalig, dumarami ang mga Pilipinong overweight at obese. Ayon sa Food and Nutrition Research Institute, 16% ng mga batang edad 5 hanggang

Read More »

Mas mabigat kaysa teknikalidad

 181,714 total reads

 181,714 total reads Mga Kapanalig, sa Ebanghelyo ni San Mateo, matutunghayan natin ang pagtuligsa ni Hesus sa mga tagapagturo ng kautusan at sa mga Pariseo. Mababasa

Read More »

Sense of entitlement!

 247,776 total reads

 247,776 total reads Kapanalig, laganap sa ating bayan.. sa ating mga Pilipino, lalu na sa mga lider ng bansa ang ‘culture of superiority’, maging sa loob

Read More »

SIMPLENG LOHIKA

 259,576 total reads

 259,576 total reads Kapanalig, simpleng lohika lamang ang kailangan ng mga Senador-judges para pagbotohan kung iko-convict o hindi si Vice-President Sara Duterte. Ito ang kasagutan ni

Read More »

Watch Live

RELATED ARTICLES

Homily September 20 2026

 13,468 total reads

 13,468 total reads 25th Sunday in Ordinary Time Cycle A Is 55:6-9 Phil 1:20-24.27 Mt 20:1-16 Ang Diyos ay dakila. Ibang iba siya sa lahat. Napakataas

Read More »

Homily September 13, 2026

 12,144 total reads

 12,144 total reads 24th Sunday in Ordinary Time Cycle A National Catechetical Day Sir 27:30-28:7 Rom 14:7-9 Mt 18:21-35 Sa ating pagdarasal ng Ama Namin, ang

Read More »

Homily September 6, 2026

 18,058 total reads

 18,058 total reads 23rd Sunday in Ordinary Time Cycle A Ez 33:7-7 Rom 13:8-10 Mt 18:14-20 Huwag kayong magkaroon ng anumang utang kanino man liban sa

Read More »

Homily August 30, 2026

 28,991 total reads

 28,991 total reads 22nd Sunday in Ordinary Time Cycle A Jer 20:7-9 Rom 12:1-2 Mt 16:21-27 Sinabi si San Pablo sa ating ikalawang pagbasa: “Huwag kayong

Read More »
Scroll to Top