1,799 total reads
Hinimok ni Cebu Archbishop Alberto Uy ang mga mananampalataya na patuloy na gumawa ng mabuti at maglingkod sa kapwa nang hindi naghihintay ng pagkilala o kapalit.
Sa kanyang pagninilay sa Ebanghelyo, binigyang-diin ng arsobispo na ang tunay na paglilingkod ay dapat nagmumula sa pagmamahal at hindi sa paghahangad ng papuri o pasasalamat mula sa ibang tao.
“Jesus tells us that after doing everything entrusted to us, we should humbly say, ‘We are unworthy servants; we have only done our duty.’ This does not mean that our service has no value. Rather, Jesus is reminding us that genuine love does not keep counting what it has done,” ayon sa mensahe ni Archbishop Uy.
Ayon kay Archbishop Uy, gaya ng paalala ni Hesus, matapos gawin ang lahat ng tungkulin, dapat manatiling mapagpakumbaba at kilalaning ginagawa lamang natin ang nararapat nating gawin.
Ipinaliwanag ng arsobispo na hindi nangangahulugang walang halaga ang ating paglilingkod, kundi ay ipinapaalala nito na ang tunay na pagmamahal ay hindi nagbibilang ng mga nagawa at hindi naghihintay ng kapalit.
Paliwanag pa ng arsobispo, “But please, do not allow the lack of appreciation to discourage you from doing good. People may forget what you have done, but God never forgets the love with which you have done it.”
Binigyang-diin din ni Archbishop Uy na lahat ng kakayahan, lakas at pagkakataong maglingkod ay biyaya ng Diyos.
“Lord, thank You for giving me another day to love and serve You. I have only done what I ought to do,” dagdag pa ng arsobispo.
Hinimok din niya ang mga magulang, pari at mga manggagawa ng Simbahan na huwag panghinaan ng loob kahit hindi napapansin o pinahahalagahan ang kanilang mga sakripisyo.
Aniya, maaaring makalimutan ng mga tao ang ating mga nagawa, ngunit hindi kailanman nalilimutan ng Diyos ang pagmamahal na ipinakita natin sa paglilingkod.




