2,112 total reads
Binigyang-diin ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na ang mga minor basilica ay nagsisilbing tahanan kung saan nararanasan ang presensiya ng kaharian ng Diyos.
Ito ang mensahe ni Cardinal Advincula sa unang anibersaryo ng pagtatalaga sa Archdiocesan Shrine Parish of Sto. Niño sa Tondo, Maynila bilang basilika menor.
Iginiit ng Kardinal na ang pagkilala sa dambana bilang Basilika Menor ay hindi lamang sa pagiging tanyag sa debosyon at pagdami ng mga peregrinong dumadalaw kundi maging tahanan ng pagkakawanggawa, pagkakaisa, at malasakit. Gayundin, hamon sa mga deboto na dalhin ang pag-asang matatanggap sa pagdalaw sa basilika, at maging daluyan nito sa kapwa.
“Ito rin ang hamon sa atin bilang isang minor basilica. Hindi sapat na ang ating simbahan ay maging maringal na tahanan ng debosyon. Dapat din itong maging tahanan ng pagkakawanggawa, pagkakaisa at malasakit. Hindi sapat na maraming peregrino ang pumupunta rito upang makatagpo ng pag-asa. Dapat din silang umalis na may dalang pag-asang maibabahagi sa iba,” ayon sa homiliya ni Cardinal Advincula.
Iginiit pa ng punong pastol ng Archdiocese of Manila na bilang presensiya ng kaharian ng Diyos, ang mga basilika menor ay dapat na maging kanlungan ng pag-asa para sa mga pinanghihinaan ng loob, at isang bukal ng pagmamahal na dumadaloy para sa mga labis na nangangailangan.
“Sa gayon, ang ating basilika ay hindi lamang magiging tanda ng kaharian ng Diyos sa karangalan at kagandahan ng gusali, kundi higit sa lahat sa buhay ng mga taong nagtitipon dito. Mga taong may matatag na pananampalataya sa Diyos at bukas-palad sa pagmamahal sa kapwa,” dagdag pa ng Kardinal.
Isinagawa ang Misa Mayor sa karangalan ng unang anibersaryo ng deklarasyon sa dambana bilang Basilika Menor noong Linggo, ika-8 ng Nobyembre, 2026 kung saan naging katuwang ni Cardinal Advincula sa pagdiriwang ang iba’t-ibang pari sa ilalim ng Arkidiyosesis.
November 09, 2025 nang aprubahan ng Kanyang Kabanalan Leon XIV ang dekretong opisyal na nagdedeklara sa Sto. Niño de Tondo Church bilang Basilica Menor, kasabay ng Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Tahanan sa Laterano, Roma.
Nito lamang ika-11 ng Mayo, 2026 nang opisyal na italaga ang dambana bilang Basilika sa isang ritu na pinangunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles Brown.
Co Author: Kenneth Corbilla




