1,778 total reads
Pinapakilos ng Aksyon Klima Pilipinas ang pamahalaan sa pangangailangan ng pangmatagalan at makatarungang solusyon sa krisis sa klima, kasabay ng panawagan para sa higit na transparency at pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga komunidad sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, ipinaliwanag ni John Leo Algo, National Coordinator ng Aksyon Klima Pilipinas at Philippine Delegate sa 31st United Nations Climate Change Conference o COP31, na ang nakatakdang pagtitipon ay pagpupulong ng mga bansang kasapi ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) upang talakayin at tugunan ang krisis sa klima.
Binigyang-diin ni Algo na kabilang ang Pilipinas sa mga bansang lubhang bulnerable sa epekto ng climate change, na makikita sa mas matitinding extreme weather events, gaya ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda at banta ng matinding tagtuyot dahil sa El Niño na pinalalala ng global warming.
Ayon kay Algo, hindi dapat nakatuon lamang sa agarang pagtugon sa mga sakuna ang climate action kundi sa mga solusyong magdudulot ng pangmatagalang pagbabago.
“Ang pundasyon ng pag-aksyon laban sa krisis sa klima o climate change ay ang pag-i-inform, pagpapaalam at pagpapatunawa sa taong-bayan na hindi po ito dapat tugunan lamang kapag may paparating na sakuna. Dapat tugunan ito ng pangmatagalan o long-term transformative solutions.” Bahagi ng pahayag ni Algo sa Radyo Veritas.
Binigyang-pansin din ni Algo ang pangangailangan ng mas malawak na transparency sa mga programa ng pamahalaan, partikular sa mga proyektong may epekto sa kalikasan.
Inihayag ni Algo na may mga hakbangin ang gobyerno na hindi gaanong napag-uusapan dahil natatabunan ng iba pang usapin, kabilang ang kontrobersiya sa flood control projects.
Partikular ding tinukoy ni Algo ang usapin ng pagmimina at ang kakulangan ng malinaw at kumpletong impormasyon tungkol sa Pax Silica na nangangailangan ng transparency sa mga kasunduang may kaugnayan sa likas na yaman.
Ipinaliwanag ni Algo na mahalaga ang mga critical minerals sa paggawa ng mga teknolohiyang ginagamit sa renewable energy gaya ng solar power, gayunman hindi aniya dapat isakripisyo ang kalikasan at kapakanan ng mga mamamayan sa ngalan ng energy transition.
Tinukoy din ni Algo ang mga halimbawa sa Sibuyan at Dupax kung saan kailangang suriin kung tunay na makatarungan ang mga epekto ng pagmimina sa mga komunidad.
“Hindi kapag tayo po ay nagpapatupad ng mga ganitong programa, siyempre kailangan po natin para sa teknolohiya, sa solar for example at iba pang renewable energy, pero kailangan hindi na isasantabi ang kapakanan ng mamamayan,” Dagdag pa ni Algo.
Iginiit ni Algo na hindi lamang pagmimina ang dapat suriin kundi pati ang malalaking proyektong pang-imprastraktura, gaya ng pagpapatayo ng mga highway, na maaaring magresulta sa pagputol ng mga puno at pagsasantabi sa pangangailangan ng mga lokal na komunidad.
Ayon sa kanya, kailangang baguhin ang pamamaraan ng pamahalaan upang hindi laging mauna ang interes ng mga kumpanya at malalaking proyekto kaysa sa pangangailangan ng mga mamamayang direktang maaapektuhan.
“So, paano po ang local needs? Dapat po community-based,” Ani Algo.
Dagdag pa ni Algo, mahalagang mapakinggan at mabigyan ng puwang ang iba’t ibang organisasyon ng civil society, kabilang ang mga grupong nakatuon sa pagmimina, kabataan at faith-based advocacy, upang maiparating ang magkakaibang usapin at panawagan sa mga talakayan tungkol sa klima.
Sa naganap na send-off Mass para sa mga delegadong Pilipino na lalahok sa 31st United Nations Climate Change Conference o COP31 noong November 5, 2026 sa Kalookan Cathedral, binigyang-diin ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David na ang pangangalaga sa kapaligiran ay usapin ng pananampalataya, katarungan at dignidad ng tao.
Kabilang sa mga dadalo sa COP31 si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, pangulo ng Caritas Philippines, na nagsabing nais nilang maiparating ang hinaing ng mga magsasaka, katutubo at mangingisdang nanganganib ang kabuhayan dahil sa pang-aabuso sa kalikasan.
Gaganapin ang COP31 sa Turkey mula November 9 hanggang 20, 2026 kung saan inaasahang tatalakayin ng mga bansa at iba pang sektor ang mga hakbang laban sa climate change.




