35,818 total reads
Inaanyayahan ang mga mananampalataya na makiisa sa dalawang araw na pagdiriwang at pasasalamat sa pagtatapos ng pambansang pilgrimage ng imahen ng Our Lady of Guadalupe mula Mexico sa December 11 at 12 sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Ayon kay Ernest De Leon Escaler, chairman ng Guadalupe Pilgrimage Committee, higit pa sa paglalakbay ng banal na imahen ang nasabing pilgrimage dahil isa itong pagkakataon upang panibaguhin ang pananampalataya at isabuhay ang pagmamahal ng Mahal na Birhen sa pamamagitan ng paglilingkod at pagmamalasakit sa kapwa.
Binigyang-diin ni Escaler na mahalagang tanggapin ng mga mananampalataya ang misyon na ilapit ang bawat isa kay Kristo sa pamamagitan ng kanilang pamumuhay at pangangalaga sa isa’t isa, lalo na sa gitna ng mga kaguluhan at hamong kinakaharap ng bansa at ng buong mundo.
Magsisimula ang pagdiriwang sa December 11 sa pamamagitan ng Banal na Misa sa ganap na alas-otso y medya ng gabi, na susundan ng magdamagang pagbabantay, pagdarasal ng Santo Rosaryo at pagpaparangal sa mga banal na imahen at sa tilma ni San Juan Diego.
Sa December 12, magtatampok naman ng Marian concert mula alas-dos hanggang alas-kuwatro ng hapon bago ang tampok na Banal na Misa sa alas-singko ng hapon bilang pagdiriwang ng kapistahan ng Our Lady of Guadalupe.
Hinihikayat din ni Pie Mabanta-Fenomeno, Media, Documentation and Public Relations Coordinator ng komite, ang mas maraming mananampalataya na makibahagi sa 12-oras na pagdarasal ng Santo Rosaryo para sa kapayapaan sa buong mundo.
Ayon kay Fenomeno, isinasagawa ang panawagan 75 taon matapos ang unang rosary rally sa Pilipinas noong 1951 sa pangunguna ni Venerable Father Patrick Peyton.
Target ng mga organizer na bumuo ng mga grupo na may hindi bababa sa 250 kalahok kada 20 minuto, kung saan maaaring magdasal, umawit, magnilay at magbahagi ng patotoo.
Maaaring makiisa ang publiko sa Quirino Grandstand o magsagawa ng sabayang pananalangin sa kanilang mga tahanan, paaralan at opisina sa pamamagitan ng livestream. Kailangan lamang magparehistro gamit ang QR code, link o email address upang makapili ng oras at makakuha ng nakalaang prayer slot.
Sa kasalukuyan, nasa walong libong mananampalataya na ang nakapagpahayag ng kahandaang makibahagi sa pagdarasal mula alas-diyes y medya ng gabi sa December 11 hanggang alas-dose ng tanghali sa December 12.
Bahagi ito ng programang “12-12-12: The Marian Hours – 12 Hours of Rosary for Peace,” na inilunsad noong November 5 at naglalayong makapag-alay ng limang milyong Aba Ginoong Maria para sa kapayapaan.
Kabilang sa mga layunin ng pananalangin ang pagsusulong ng kapayapaang nakabatay sa katarungan, pagmamahal sa pamilya, pangangalaga sa kalikasan at paglilingkod sa kapwa.
Maaaring makibahagi ang mga deboto sa mismong Quirino Grandstand, sa pamamagitan ng livestream ng Radyo Veritas at TV Maria, o sa sama-samang pagdarasal sa kani-kanilang komunidad. Maaari ring pumili ng sariling prayer schedule ang mga indibidwal at grupo o makiisa sa buong 12 oras na pananalangin.




