1,317 total reads
Muling binuksan ng Commission on Elections (COMELEC) ang walong-buwang voter registration period bilang paghahanda sa 2028 national and local elections, kung saan inaasahang aabot sa tatlong milyon ang mga bagong aplikasyon at iba pang transaksiyon sa pagpaparehistro.
Sa panayam sa programang Barangay Simbayanan, sinabi ni COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na bukas ang pagpaparehistro para sa mga bagong botante, magpapalipat ng rehistro, magpapa-reactivate ng deactivated registration at mag-a-update ng kanilang personal na impormasyon.
Kabilang dito ang mga nag-asawa na nais gamitin ang apelyido ng kanilang asawa, dating overseas voters na nais bumoto sa lokal na halalan sa 2028, at mga nais magpalit ng lumang litrato sa kanilang voter record.
“Lahat ng mga magiging bagong botante, ‘yung magpapa-transfer, natanggal sa listahan dahil sa deactivation, magpapa-reactivate na, ‘yung magpapa-update, lalong-lalo na po ‘yung nag-asawa na at nais gamitin ‘yung apelyido ng kanilang asawa, eto na po ang tamang panahon,” Bahagi ng pahayag ni Laudiangco sa Radyo Veritas.
Pinayuhan din ni Laudiangco ang mga aplikante na kumpletuhin ang Application Form No. 1, na libreng makukuha sa mga tanggapan ng COMELEC o maaaring i-download sa kanilang website, kung saan kailangan ding magdala ng government-issued ID na may litrato, pangalan, tirahan at petsa ng kapanganakan.
Ayon kay Laudiangco, hindi tinatanggap ang cedula, barangay certification, private company ID at police clearance bilang kapalit ng valid ID, habang may alternatibo para sa mga walang identification card sa pamamagitan ng affidavit of identification.
Paliwanag ni Laudiangco, kailangan lamang itong ipa-notaryo o sumpaan sa tanggapan ng piskalya.
“Paalala rin po doon sa mga walang IDs, huwag po kayong mawalan ng loob, e talagang pwede po ‘yung affidavit of identification kung saan isang kabarangay ninyo o kaya kamag-anak na doon din rehistradong botante sa inyong barangay, siya po ang mag-e-execute nito,” Dagdag pa ni Laudiangco.
Tinataya namang tatlong milyon ang maaaring madagdag sa bilang ng mga botante, at malaking bahagi nito ay inaasahang magmumula sa kabataan.
“At nakikita po natin lagi na mga 50 to 60% po niyan, laging kabataan ‘yung bulk ng mga nagpaparehistro po,” Ayon kay Laudiangco.
Pagbabahagi ni Laudiangco, bukas ang mga tanggapan ng COMELEC mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
Ipinagpapatuloy din ang Special Register Anywhere Program sa mga piling mall, paliparan, terminal, paaralan at tanggapan ng pamahalaan upang makapagparehistro ang mga nasa ibang lugar ngunit nais manatiling botante sa kanilang sariling probinsya.
Mayroon ding off-site o satellite registration tuwing Sabado, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, kung kailan dinadala ng mga lokal na tanggapan ng COMELEC ang serbisyo sa mga barangay at iba pang komunidad.
“Halimbawa, kayo po’y nandito sa Metro Manila, nag-aaral, nagtatrabaho, ngunit kayo po talaga ay residente ng Cebu at nais manatiling botante ng Cebu, hindi na po kayong kailangang umuwi ng Cebu para lang dito,” Paliwanag ni Laudiangco.
Samantala, maaari namang personal na alamin ng mga botante ang status ng kanilang rehistro sa COMELEC main office o sa lokal na tanggapan kung saan sila nakarehistro, sapagkat hindi basta ibinibigay ang impormasyong ito sa pamamagitan ng telepono, email o Messenger upang mapangalagaan ang kanilang data privacy.
“Hindi po namin binibigay ang impormasyon basta-basta diyan dahil ayaw po namin ma-kompromiso ang inyong data privacy at masigurado natin ‘yung datos,” Ani Laudiangco.
Hinikayat din ng COMELEC ang publiko na bisitahin ang kanilang opisyal na website at social media pages para sa mga iskedyul, registration sites at iba pang impormasyon.
Sa pananaw ng Simbahan, mahalaga ang pakikilahok sa halalan bilang bahagi ng responsableng pagkamamamayan at pagsusulong ng kabutihang panlahat kung saan partikular din hinihikayat ang mga kabataan, na magparehistro at gamitin ang kanilang karapatang bumoto nang may wastong kaalaman, malinis na konsensiya at malasakit sa kinabukasan ng bansa.




