37,398 total reads
Nagpahayag ng pakikiisa at suporta ang mga obispo ng Western Visayas at Romblon sa paninindigan ng Diocese of Kalibo laban sa pagsusugal at operasyon ng casino sa Boracay, Malay, Aklan, dahil sa posibleng epekto nito sa pamilya, dignidad ng tao at kabutihang panlahat.
Sa kanilang pahayag nitong Nobyembre 4, 2026, sinuportahan ng mga obispo ang pastoral statement ni Kalibo Bishop Cyril Villareal at kinilala rin ang pakikiisa ng Archdiocese of Capiz.
Binigyang-diin ng mga Obispo na tungkulin ng Simbahan na ipagtanggol ang dignidad ng tao, pangalagaan ang pamilya at itaguyod ang kabutihang panlahat, lalo na ang kapakanan ng mahihirap at bulnerableng sektor.
Ayon sa mga Obispo, hindi lamang personal na desisyon ang pagsusugal dahil maaaring maapektuhan nito ang buong pamilya at komunidad.
Kabilang sa mga tinukoy ng mga Obispo na posibleng bunga ng pagkagumon sa sugal ang paglubog sa utang, pagkaubos ng ipon, alitan ng mag-asawa, pagpapabaya sa mga anak at pagkasira ng buhay-pamilya.
Binigyang-diin din nila ang babala ng Catechism of the Catholic Church, bilang 2413, na ang labis na pagkahumaling sa pagsusugal ay maaaring mauwi sa pagkaalipin.
Nagpahayag din ang mga Obispo ng pangamba sa posibleng paglala ng mga suliraning panlipunan tulad ng pagsasamantala sa mga bulnerableng tao, prostitusyon, human trafficking, pag-abuso sa ipinagbabawal na gamot at iba pang krimen.
Nilinaw nilang hindi awtomatikong nagaganap ang mga ito sa bawat casino, subalit hindi rin dapat balewalain ang mga panganib na maaaring idulot nito.
Kinilala naman ng mga obispo ang kahalagahan ng turismo, pamumuhunan at trabaho sa Boracay, ngunit iginiit na dapat nakasentro sa tao ang pag-unlad.
Binigyang-diin nilang maaaring makamit ang pag-unlad sa pamamagitan ng responsableng turismo, marangal na hanapbuhay, pangangalaga sa kalikasan at mga oportunidad na magpapatatag sa mga pamilya at komunidad, nang hindi umaasa sa operasyon ng casino.
“Development must serve the human person, not sacrifice human dignity and family welfare for profit,” ayon sa kanilang pahayag.
Dahil dito, umapela ang mga Obispo sa Pambansang Pamahalaan, Pamahalaang Panlalawigan ng Aklan, Pamahalaang Bayan ng Malay at mga kinauukulang sektor na pag-aralan ang pangmatagalang epekto ng operasyon ng casino, pakinggan ang mga komunidad at unahin ang kapakanan ng mga pamilya at bulnerableng mamamayan.
Hinimok din nila ang mga pamayanang Katoliko at lahat ng taong may mabuting kalooban na itaguyod ang marangal na paggawa, responsableng paggamit ng yaman at pagtulong sa mga taong nahihirapan dahil sa pagkagumon sa sugal.
Binigyang-diin ng mga obispo ang kanilang panawagan: “No to gambling casinos in Boracay. Yes to development that protects families, dignifies work, and serves the common good.”
Kabilang sa mga lumagda sa panibagong pahayag ng suporta sa pagtututol sa pagtatayo ng mga pasugalan sa Boracay sina Jaro Archbishop MIDYPHIL BILLONES na siya ring Apostolic Administrator ng Diocese of Kabankalan, Jaro Archbishop Emeritus Jose Romeo Lazo, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, Bacolod Bishop Louie Galbines, San Jose de Antique Bishop Marvyn Maceda, Bacolod Bishop Patricio Buzon, Capiz Archbishop Victor Bendico, Romblon Bishop Narciso Abellana, Kalibo Bishop-Emeritus Jose Corazon Tala-oc, Kalibo Bishop Cyril Villareal.
Sa katuruang panlipunan ng Simbahan, ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang nasusukat sa kita at pamumuhunan, kundi sa kung paano nito pinangangalagaan ang dignidad ng tao, pinatitibay ang pamilya at isinusulong ang kabutihang panlahat.




