2,241 total reads
Hinimok ni Pope Leo XIV ang mga obispo sa Argentina na higit na paglingkuran ang mga mahihirap, alagaan ang mga nangangailangan at suportahan ang mga programang nagpapabuti sa buhay ng kanilang mga mamamayan.
Ito ang mensahe ng Santo Papa sa kanyang pakikipagpulong at pagdarasal ng Vespers kasama ang mga obispo at synodal teams ng Argentina sa Cathedral of the Holy Trinity sa Buenos Aires.
Binigyang-diin ni Pope Leo na tungkulin ng Simbahan na itaguyod ang pagkakaisa, kapayapaan at pagkakasundo, gayundin ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa lahat ng komunidad.
“Everyone is welcome. Go and proclaim!,” ayon sa Santo Papa.
Hinimok din niya ang mga obispo na palakasin ang pagtulong sa mga pamilyang nangangailangan, mga walang trabaho, mga walang maayos na tirahan at mga napipilitang mangibang-bansa.
“We must work together to foster priestly and religious vocations, to accompany families and to care for those living in poverty, who are unemployed or who lack decent housing,” ayon kay Pope Leo.
Ayon sa Santo Papa, dapat suportahan ng Simbahan ang mga programang nagtataguyod ng marangal na trabaho, tumutulong sa mahihirap at naglilingkod para sa kabutihan ng nakararami.
Binigyang-diin din ng pinunong pastol ang kahalagahan ng paggalang sa dignidad ng bawat tao, pagbibigay-pansin sa mahihirap at pangangalaga sa kalikasan.
Hinimok ni Pope Leo ang mga obispo na panatilihing si Kristo ang sentro ng kanilang paglilingkod at isabuhay ang Ebanghelyo sa pamamagitan ng konkretong pagkilos.




