22nd Sunday of Ordinary Time Cycle C
Sir 3:17-18.28-29 Heb 12:18-19.22-24 Lk 14:1.7-14
Gusto ng Diyos ang taong may mababa ang loob. Gusto din natin ng taong magpakumbaba. Kapag isang tao ay mayabang, sabi natin na mahangin siya. Umiiwas tayo sa kanya. Bakit? Dahil naka-centro siya sa kanyang sarili. Siya lang ang magaling. Palagi ang sarili ang pinapansin niya. Tumatawag siya ng pansin sa kanyang sarili. Ang akala niya ay siya lang ang magaling. Kaya tinataas niya palagi ang sarili niyang bangko. Sinusukat niya ang ibang tao ayon sa kanyang sarili.
Kung tayong mga tao ay nasisilaw sa mayayabang, ganoon din ang Diyos. Kinamumuhian niya ang mapagmataas, ngunit pinapakinggan niya at pinapansin ang mga may mababang loob. Napakinggan natin ang sinabi sa atin ni Sirak sa ating unang pagbasa: “Anak ko, maging mapagkumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin, at mamahalin ka ng Diyos at ng mga taong malapit sa Diyos.” Ang mapagkumbaba ay madaling manalig sa Diyos kasi kinikilala niya ang kanyang pagkukulang. Palagi siyang nagdarasal kasi kung aasa lang siya sa kanyang sarili, wala siyang magagawa. Anumang lakas at kakayahan niya ay galing sa Diyos. Hindi siya naka-centro sa kanyang sarili kaya handa siyang kumilala sa Diyos at sa ibang tao. Madali niyang matanggap na may mga taong mas magaling sa kanya at hindi niya ito ikinalulungkot. Kung may kagalingan siya, may kagalingan din ang iba at pinupuri niya ang Diyos na siyang pinanggalingan ng lahat ng mabuti.
Ang dalawang talinhaga ni Jesus ay tungkol sa pagpapakumbaba sa konteksto ng kainan. Sa isang handaan mas masarap ang pagkain sa presidential table o sa lamesang pangdangal. Pero hindi lang masarap na pagkain ang hinahanap ng tao. Gusto niya na kilalanin siya. Sa upuang pandangal nandoon ang mga importanteng bisita. Napansin ni Jesus na nag-uunahan ang mga tao na pumuesto doon. Ang gustong sabihin ni Jesus sa talinhagang ito na huwag tayong mag-akala tayo na ang mas importante. Hayaan natin na kilalanin at pansinin tayo kaysa tayo ang magpapansin. Ang nagpapakataas ay ibababa; ang nagpapakumbaba ay itinataas.
Huwag karangalan ang hanapin natin. Huwag nating ipilit ang ating sarili sa puwesto. Dapat basahin ito ng mga kandidato sa halalan. Maraming politiko ay pinipilit nila ang kanilang sarili sa puwesto. Ginagawa ang lahat, kasama na ang mandaya, ang magsinungaling, at mamili ng boto para lang maluklok siya kahit na sa totoo, walang naman silang kakayahan at wala namang hangaring maglingkod. Bakit hindi na lang nila hayaang kilalanin sila ng taong bayan at huwag ng manloko at mandaya?
Marami din sa atin ay matatamaan ng ikalawang talinhaga ni Jesus. Iniimbitahan natin ang iba kasi gusto nating imbitahan din nila tayo. Naging mapagbigay tayo sa iba kasi gusto din natin na tayo ay kanilang bigyan. Pero sabi ni Jesus na ang mas pansinin natin ay ang mga walang-wala, ang hindi makapag-anyaya sa atin. Diyos na ang gaganti sa kabutihan natin sa kanila. Ang hanapin natin ay hindi ang regalo o pagkilala ng tao. Ang hangarin natin ay ang pagkilala ng Diyos. Hindi pababayaan ng Diyos ang kabutihan na ginagawa natin sa hindi makapaghihiganti sa atin. Mga kapatid, may Diyos! May Diyos na nakakakita at nakakaalam sa anumang kabutihan na ginagawa natin sa iba at siya ay hindi pabaya. Mabuti siya sa mga gumagawa ng mabuti.
Sana matutunan din ito ng mga politiko. Ang karanasan natin ngayon ay ang mga politiko ay matulungin sa mga tao na bumoto sa kanila. Inaalagaan nila ang mga tao na nila. Pero kung tao na nila iyon, kanila na nila sila. Ang mas dapat nilang tulungan ay ang mga hindi bumoto sa kanila upang makuha nila ang kanilang loob. Dito nila mapapakita sa mga tao na ama at kapatid sila ng lahat, at hindi lang ng mga kakampi nila. Mas maraming boboto sa kanila sa susunod na halalan. Tularan sana nila ang Diyos na mapagbigay sa lahat.
Napakahalaga ng pagkikipagkumbaba sa ating ugnayan sa Diyos at sa kapwa. Nakakaakit ang taong mapagkumbaba. At ang kababaang loob ay hindi tanda ng kahinaan. Ito ay bunga ng katotohanan, ng pagkilala na may kagalingan din ang iba at ang lahat ng kagalingan ay galing sa Diyos. Kaya sa pagkilala natin ng kagalingan ng iba, hindi naman nababawasan ang ating kagalingan, kundi mas lalo pa nating kinikilala ang Diyos na siyang pinagmumulan ng lahat ng kabutihan.
Ang Diyos mismo ay mapagkumbaba. Hindi niya tayo sinisindak ng kanyang kapangyarihan. Sinabi sa ating ikalawang pagbasa na noong araw, lumapit ang Diyos sa mga Israelita sa pamamagitan ng lindol, ng kidlat, ng apoy at ng malakas na hangin doon sa bundok ng Sinai. Natakot ang mga tao at nakipag-usap sila kay Moises na siya na lang ang umakyat ng bundok at sabihin na lang niya sa kanila ang ipapasabi ng Diyos sapagkat natatakot silang lumapit sa Diyos. Kaya ngayon sa ating panahon, lumapit ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng isang maliit na bata, ang Santo Nino. Naging tao ang Diyos. Hindi tayo sinindak ni Jesus. Noong siya ay kinilalang hari nakasakay siya sa isang asno, hindi isang kabayong pandigma tulad ng mga hari. Ganoon na lang magpakumbaba si Jesus na naging matagumpay siya sa pagkamatay niya sa krus. Sa kanyang pagpapakumbaba doon niya tayo dinakila. Doon niya tayo binigyan ng bagong buhay.
Hanggang ngayon nagpapakumbaba ang Diyos upang akitin tayo. Ang kanyang presensiya ngayon sa atin sa Banal na Misa ay sa anyo ng tinapay. Nasa Banal na Hostia ang buong kapangyarihan at karangalan ng Diyos nating sinasamba. Huwag tayong matakot sa lumapit sa kanya at tanggapin siya. Ang mga tao lamang na mapagkumbaba ang kumikilala sa mapagkumbabang Diyos sa Banal na Misa. Sila iyong nagsisimba at tumatanggap sa kanya. Ang mga taong mayayabang ay walang panahon sa kanya. Hindi nila kailangan ang Diyos kaya hindi sila nagsisimba. Kawawa ang mga taong mayayabang. Hindi nila nakikilala ang Diyos.






