10,117 total views
Kapistahan ng Banal na Mag-anak Cycle C
Sirac 3:3-7.14-17 Col 3:12-21 Lk 2:41-52
Lahat tayo ay nagsimula ng buhay natin sa pugad ng pamilya. Ang karamihan ay may regular na pamilya pero may mga tao naman na hindi regular na pamilya ang kanilang nilakhan, wala ang isang magulang o talagang ulila sila, pero may tumayo namang mga magulang sa kanila. Kaya buhay pa sila at nagsisimba pa! Pati ang anak ng Diyos na naging tao ay lumaki rin sa isang pamilya. Si Jose ay tumayo din bilang tatay ni Jesus. Sa pamilya tayo nagsimula at ang pamilya ang nagbibigay ng katatagan at direksyon sa ating buhay. Masasabi natin na kung ano tayo ngayon, iyan ay dahil sa ating pamilya.
Sa misang ito pasalamatan natin ang Diyos sa mag-anak natin. Kahit na ano ang tingin natin ngayon sa ating pamilya, pasalamatan natin ang Diyos na nagsimula tayo sa ating pamilya. Ngayong panahon kinikilala ng lahat na mahalaga ang papel ng pamilya sa buhay ng bawat tao. Dito tayo nahuhubog. Narinig natin ang talaan ng mga mabubuting katangian na sinulat ni San Pablo sa mga taga-Colosas. “Dapat kayong maging mahabagin, maganda ang loob, mapagkumbaba, mabait at matiisin… mapagpaumanhin at mapagpatawad… at higit sa lahat, mag-ibigan kayo pagkat ito ang buklod ng ganap na pagkakaisa.” Ang mga katangiang ito ay nakukuha natin sa ating mga pamilya. Marami sa atin, una din nating nakilala ang Diyos at natutong magdasal sa ating pamilya. Sa paaaralan natututo tayo ng maraming mga subjects at maaaring makakakuha din tayo ng mga skills, pero madalas sa pamilya natin nakukuha ang mga mabubuting asal. Dito nahuhubog ang ating pagkatao. Ito ay nangyari hindi lang noong pagkabata natin. Ito ay patuloy pa rin nangyayari ngayon. Hindi lang ang mga matatanda at mga magulang ang nakaka-influensiya sa mga bata. Pati na ang mga bata ay nakaka-influensiya din sa matatanda at sa mga magulang nila. Talagang hinuhurma ang pagkatao natin sa pang-araw-araw nating buhay at karanasan sa ating pagmilya.
Ang paghuhubog na ito ay hindi lang basta-bastang nangyayari. Pagsikapan natin na maging mabuting influensiya tayo sa bawat isa. Kaya nga sinulat ni San Pablo na ang bawat isa ay may tungkulin sa pamilya. Ang mga anak ay dapat maging masunurin sa kanilang mga magulang, pero ang mga magulang din ay dapat palakihin ang kanilang mga anak ng maayos at huwag magmamalabis o magpapabaya na magagalit ang mga bata at ma-discourage. Ang asawang babae ay magpasakop sa kanilang mga asawa, at dapat mahalin ng asawang lalaki ang kanyang mga asawa tulad ng pagmamahal niya sa kanyang katawan mismo.
Ang tungkulin sa pamilya ay panghabang buhay, hindi lang sa simula. Kaya sinabi ni Sirac sa ating unang pagbasa na dapat kalingain ng mga anak ang kanilang mga magulang kahit na matanda na sila, kahit na ulianin na sila. Noong tayo ay maliliit pa, pinagpasensyahan tayo ng ating mga magulang. Pinagtiyagaan tayo kahit tayo ay pasaway noon. Ngayon naman, tayo na ang magpapasensya sa ating matatanda at mahalin at pahalagahan natin sila kahit na sila na ngayon ang pasaway at ang matitigas ang ulo. Maganda ang sinulat sa bibliya: “Ang paglingap sa inyong ama at ina sa kanilang katandaan ay hindi makakalimutan ng Panginoong Diyos. Iyan ay magiging kabayaran ng iyong mga kasalanan.”
Ang pinakabuod ng ating pagiging Kristiyano ay magmahalan kayo. Makikilala na tayo ay mga alagad ni Kristo sa ating pagmamahalan sa isa’t-isa. May pagkakataon tayo na isabuhay ang pagmamahalan na ito sa ating pamilya araw-araw. Ang sinabi din sa Bibliya na kung nasaan ang pag-ibig, nandiyan ang Diyos. Dumadating at nananatili ang Diyos sa ating tahanan sa ating pagmamahalan.
Oo, maganda ang buhay sa pamilya pero tandaan natin na wala namang perfect o ganap na pamilya. Pagsikapan natin na maging maayos ang pamilya natin, lalo na ngayong magbabagong taon na. Kumuha tayo ng New Year’s resolution na iwasan na natin ang anumang nakakasira sa relasyon natin sa isa’t-isa, pero tanggapin natin na may pagkakataon din na mayroong hindi pagkakaunawaan. Harapin na lang natin ang problema at sama-samang sikapin na ito ay solusyunan. Pati na nga ang Banal na Mag-anak ay nagkaproblema; sila rin ay hindi nagkaunawaan. Nandoon na si Jesus, ang Anak ng Diyos mismo. Nandoon na si Maria na walang kasalanan. Nandoon na si Jose na isang taong matuwid, pero nagkaproblema pa rin sila.
Ang mahalaga ay walang sisihan dahil sa problema. Hindi nagsisihan ang mag-asawang si Maria at si Jose noong matagpuan nila pagkatapos ng buong araw na paglalakbay na wala pala sa kanila si Jesus. Hindi nila ito pinag-awayan. Sa halip, sama-sama silang bumalik sa Jerusalem; isang araw naman iyang paglalakad, upang hanapin si Jesus. I-imagine natin ang pagod ng mag-asawa, ang pagkakaabala sa paghahanap sa bata sa isang malaking lunsod, at ang pangamba kung napaano na siya. Pero noong matagpuan nila si Jesus sa templo, hindi nila sinigawan o pinalo ang bata. Sa halip, kinausap si Jesus at pinaabot ang kanilang concern. “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.” Si Jesus naman ay nagpakita ng pagtataka. “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hind ba inyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Wala namang intention si Jesus na taguan sila. Akala niya na alam nila na may Amang nasa langit na dapat niya pagkaabalahan. Siguro nawala sa isip ni Maria at ni Jose na espesyal pala ang batang ito. Sa problemang ito, walang masisisi. Nagkaroon lang talaga ng misunderstanding. Bahagi iyan ng ating pagkatao. Kunin ang Banal na Mag-anak bilang modelo at humingi tayo ng tulong sa kanila na gabayan at protektahan ang ating pamilya.
Maganda ang paalaala ni Papa Fransisco sa mga pamilya. May tatlong salita na dapat ulit-ulitin sa ating pamilya. “Thank you.” Ipasalamat natin ang ating pamilya at magpasalamat tayo sa bawat isa. Marami tayong natatanggap sa bawat isa at binubuo ang ating pagkatao sa ating mag-anak. “Sorry.” Magpaumanhinan tayo. Nagkukulang tayo sa isa’t-isa. Hindi tayo perfect at walang pamilyang perfect. “Please. Palihog. Patigayon.” Makiusap sa isa’t-isa at hindi maging demanding. May malaki tayong paggalang sa bawat isa, kahit na sa mga batang makulit pa at sa mga matatanda na makulit na. Tandaan po natin: Thank you. Sorry. Please.