![]()
5th Sunday of Ordinary Time Cycle A
Is 58:7-10 1 Cor 2:1-5 Mt 5:13-16
Kayo ang asin sa sanlibutan. Kayo ang ilaw sa sanlibutan. Bakit pinagsama ni Jesus ang asin at ang ilaw? Ano ba ang magkapareho sa dalawa? Ang asin at ang ilaw ay kapwa may epekto. Nalalaman kung may asin at kung may ilaw. Nagbibigay ng alat ang asin at nabibigay ng liwanag ang ilaw. Pero hindi kailangan ng maraming asin para malasahan ang alat. Hindi rin kailangan ng malaking apoy para magkaroon ng liwanag. Kahit na kakaunti lang malalaman na ang kanilang epekto. Ang asin ay kailangang matunaw para magkaroon ng epekto. Ang apoy ay mauupos para magbigay ng liwanag. Kapwa silang nauubos o nawawala para mapakinabangan.
Inihahambing tayo ni Jesus sa asin at sa ilaw. Kung minsan naiisip natin, iisa lang ako. Kakaunti lang kami. Paano kami nagkakaroon ng epekto sa iba, sa aming simbahan o sa aming barangay, lalo na sa ating lipunan? Huwag po nating isipin na wala tayong bisa o wala tayong pakinabang kasi kakaunti o maliit lang tayo. Tayo ay asin. Tayo ay ilaw. Pero kailangan tayong magbigay ng sarili para magkaroon ng epekto. Kailangan natin magbigay ng panahon, kailangan tayong magpagod, mag-effort. Kailangan tayo magbigay ng pera. Sa maiksing salita, kailangan tayong magtaya upang tayo ay may pakinabang. Kailangan tayong mamatay sa ating sarili upang makapagbigay tayo ng buhay.
Si Pablo noon ay galing sa Atenas kung saan nagtitipon ang mga magagaling na mag-aaral at mga guro sa bansa ng Grecia na kilala sa kanyang mga philosophers at mga mangangaral. Nagsalita si Pablo sa Aeropago. Nandito nagtitipon ang mga tao upang makinig sa mga bagong ideas. Nagsalita dito si Pablo tungkol kay Jesus, na siya ang nagpatunay na siya ay pinadala ng iisang Diyos dahil sa kanyang muling pagkabuhay. Pinagtawanan siya at iniwanan ng mga tao kasi para sa kanila walang kabuluhan at walang saysay ang muling pagkabuhay. Nabigo si Pablo as Atenas. Kaya pagdating ni Pablo sa Corinto mula sa Atenas, nawalan si Pablo ng tiwala sa kanyang sarili. Baka naman tanggihan uli siya.
Kaya sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto na nagpahayag siya hindi sa paggamit ng nakakaakit na mga salita o magagaling na pangungusap tulad ng ginagawa ng mga magagaling magtalumpati. Natututo na siya na hindi magpasikat. Simple lang ang mga salita at pangungusap na ginamit niya sa Corinto. Wala siyang ibang pinahayag kundi si Hesukristo na pinako sa krus. Hindi na niya pinatamis ang kanyang pananalita. At tinanggap naman ng mga taga-Corinto ang kanyang mga salita. Tumimo sa puso nila ang mensahe kaya masasabi niya na ang pananampalataya ng mga taga-Corinto ay hindi galing sa kagalingan ng tao kundi nababatay sa patotoo ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan ng Diyos. Maliit na ilaw lamang siya, mahina ang kanyang pananalita ngunit nakabigay ng liwanag sa mga tao at nagdala ng pananalig sa Diyos. Kaunting asin lang siya pero nagbigay ng lasa sa buhay ng mga tao. Totoo nga ang sabi ni Hesus na kayo ang ilaw at ang asin ng sanlibutan.
Paano tayo nagiging ilaw? Wika ni Hesus, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at papurihan ang inyong Amang nasa langit. Nagbibigay ng liwanag ang ating mabubuting gawa.
Sa ating unang pagbasa, narinig natin ang mabubuting gawa na kinatutuwaan ng Diyos – pakainin ang nagugutom, patuluyin sa ating mga tahanan ang mga dayuhan, bigyan ng damit ang mga walang damit, tulungan ang nangangailangan.
Mayroon tayong tinatawag na 7 corporal works of mercy. Ang mga ito ay pagpapakain sa nagugutom, pagpainom sa mga nauuhaw, pagbigay ng damit sa mga hubad, pagpatuloy sa mga walang tirahan, pagbisita sa mga may sakit, pagdalaw sa mga nasa bilangguan, at pagpalibing sa mga patay. Mayroon din tayong 7 spiritual works of mercy. Ang mga ito ay ang pagbigay ng payo sa mga nag-aalinlangan, pagturo sa mga walang alam, pagbigay ng babala sa mga nagkakamali, pagbigay ng aliw sa mga nalulumbay, pagpatawad na nakagawa ng masama, pagtiis sa kahirapan na binibigay ng iba sa atin, at ang pagdarasal sa mga patay at sa mga buhay. Ang mga pangkatawan at mga pangkaluluwang gawain ng kabutihan na kinikilala nating 7 corporal works of mercy and 7 spiritual works of mercy ay mga talaan ng paggawa ng mabuti.
Ang mga mabubuting gawang ito ay nagbibigay ng liwanag sa paligid natin. Nabibigyan tayo ng pag-asa kapag nakakakita tayo ng mga taong gumagawa ng kabutihan. Sumisigla ang buhay natin sa mga kabutihan na ating nararanasan at ating naggagawa. Kapag nakita ng mga tao ang kabutihan natin, nagbibigay din tayo na kabuluhan sa buhay ng iba. Dahil sa mga ito nagiging asin at ilaw tayo ng mundo.






