3,501 total views
Solemnity of the Most Holy Trinity Cycle C
Basic Ecclesial Community Sunday
Prv 8:22-31 Rom 5:1-5 Jn 16:12-15
Kapag tayo ang nanonood ng TV o anumang palabas sa YouTube o sa Tiktok, kapag may nakita tayo na isang manlalaro, o isang politiko, o isang tao na nag-aantanda ng krus, sinasabi natin na siya ay Katoliko. Ang mag-aantada ng krus ay isang pahiwatig ng ating pananampalataya sa iisang Diyos na Ama, Anak at Espiritu Santo. Ito ay pangkaraniwang gawain ng mga Katoliko. Ginagawa natin ito kasi ito ay isang maiksing dasal. Ang tinatanda ng ating kamay ay krus. Inaala-ala natin na tayo ay iniligtas ng pagkamatay ni Jesus sa Krus. Kinukrusan natin ang ating katawan. Ang sinasabi ng ating bibig ay “Sa ngalan ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo.” Kinikilala natin kung sino ang Diyos na nagliligtas sa atin. Ang krus ay tanda ng pagmamahal ng Diyos sa atin na siya ay namatay sa krus para sa atin. Ang Diyos na ito ay Isa’tlong Diyos – Isa at Tatlo, ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. Huwag po natin itago o ikahiya ang pag-aantanda ng Krus. Malalim po ang katotohanan na pinapahiwatig nito.
Ngayong Linggo po ay ipinagdiriwang natin ang ating Isang Tatlong Diyos. Iisa nga ang Diyos pero ang isang Diyos na ito ay Ama, Anak at Espiritu Santo. Paano natin ito nalaman? Dahil sa pagpapahayag ni Jesukristo, ang Diyos Anak na naging tao. Hindi naman natin ito malalaman kung hindi sinabi sa atin ni Jesus. Narinig natin sa ating ebanghelyo ang sinabi ni Jesus: “Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan niya kayo na maunawaan ang buong katotohanan…. Sa akin magmumula ang ipapahayag niya sa inyo…Ang lahat ng sa Ama ay akin.” Dito narinig natin ang tatlo, ang Espiritu Santo na magpapaunawa, si Jesus na nagsasalita ng katotohanan at ang Ama na pinanggalingan ng lahat ng katotohanan. Tatlo sila pero iisa lang ang kanilang pagkilos. Iyan din ang ating narinig sa sinulat ni Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Ang nagpawalang sala sa atin ay ang ating pananalig kay Jesukristo. Sa pamamagitan ni Jesus tinatamasa natin ang kagandahang loob ng Diyos Ama. Ang kagandahang loob na ito ay ibinubuhos sa ating puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Nandiyan uli ang Isa’tlo.
May kaugnayan tayo sa bawat isang persona ng Diyos. Ang Ama ni Jesus ay Ama din natin. Bilang Ama, pangangalagaan niya tayo. Hindi siya magpapabaya sa atin. Siya ang pinanggalingan ng lahat ng kabutihan. Ang Diyos Anak ay ating kapatid. Naging tao siya. Naging tulad siya sa atin. Masusundan natin si Jesukristo kasi tao siya tulad natin. Ang Espiritu Santo ay nagbibigay sa atin ng kakayahan na mahalin ang Diyos sa pagsunod natin sa kanyang mga utos. Hindi natin masasabi na hindi natin kayang matularan si Jesus. Ang kanyang Espiritu ay kumikilos sa atin.
Ang Diyos ay iisa at magkaiba. Iisa sila sa pagiging Diyos. Pero iba ang Diyos Ama, kaysa Diyos Anak, kaysa Diyos Espiritu. Ang kanilang pagiging isa ay hindi bumura sa kanilang pagkakaiba. Ganoon din, ang kanilang pagkakaiba ay hindi naging hadlang sa kanilang pagiging isa. Kahit magkaiba pa sila nagiging isa sila sa kanilang sama-samang pagmamahalan at pagkilos.
Ito po ay isang hiwaga. Ito ay misterio. Ang ibig sabihin nito ay hindi natin itong lubos na maunawaan, pero inaanyayahan tayo ng misterio na makiisa. Pagsikapan nating isabuhay ang misterio at hindi gaano unawain lamang. Paano natin ito maisasabuhay? Sa ating pakikiisa sa Diyos. Mahalin at paglingkuran natin ang ating Diyos Ama, sundin natin si Jesus na Diyos Anak na naging tao, at hayaan nating magpadala tayo sa udyok ng Espiritu Santo. Palagi siyang kumikilos sa ating buhay.
Maisasabuhay din natin ang misterio ng Isa’tlo sa ating pakikiisa sa simbahan. Ang pinakamaliit na unit ng simbahan ay ang BEC – Basic Ecclesial Community – o ang Kriska, ang Kristiyanong Kapitbahayan. Ito ay binubuo ng mga sampu o dalawampung pamilya na magkapitbahay. Dahil sa sila ay magkapitbahay, madaling magsama. Kaya nagkakaisa sila sa pagdarasal, nagkakaisa sa pagtutulungan, at nagkakaisa sa pagbabahaginan ng kanilang karanasang Kristiyano. Tulad ng Isa’tlong Diyos, ang bawat miyembro ng Kriska ay magkaiba. Ang iba ay bata, ang iba ay lolo na, ang iba ay nag-aaral, ang iba ay nagtratrabaho sa opisina at ang iba naman ay nasa bahay lang. Kahit na magkaiba, sila ay nagkakaisa. Sila ay nagtutulungan sa kanilang buhay at sa kanilang pananampalataya. Kaya nga taon-taon tuwing kapistahan ng Isa’tlong Diyos, iyan din ang BEC Sunday. Ang ating Isang-Tatlong Diyos ay ang inspirasyon at huwaran ng ating mga Kriska o BEC – magkaiba ngunit nagkakaisa.