Solemnity of St. Peter and Paul St. Peter’s Pence Sunday
Acts 12:1-11 2 Tim 4:6-8.17-18 Mt 16:13-19
Noong taong 64 nagkaroon ng matinding pag-uusig na nangyari sa Roma laban sa mga Kristiyano. Gusto ng Emperador na si Nero na pagandahin ang lunsod ng Roma. Magtatayo siya ng mga magagandang buildings. Pero kailangan muna niyang paalisin ang mga tirahan ng mga tao na basta na lang nagsulputan sa lunsod na walang kaayusan. Upang magawa ang plano siya, nagkaroon ng matinding sunog sa lunsod. Ilang araw na nasusunog ang mga bahay ng mga tao. Maraming nakakita na sinadya ang sunog na ito. Ang laki ng galit ng mga tao. Ang ginawa ni Nero ay binintang niya ito sa mga kristiyano. Kaya nagkaroon ng matinding pag-uusig sa mga Kristiyano sa lunsod ng Roma. Pinahuli at pinapatay ang matagpuang kristiyano. Ang obispo noon ng Roma ay si Pedro. Pinahuli niya si Pedro at ipinako sa krus doon sa burol ng Vaticano. Ang isa pang leader ng mga Kristiyano na natagpuan sa Roma ay si Pablo. Dahil sa siya ay isang mamamayang Romano, hindi siya ipinako sa krus. Siya ay pinugutan ng ulo. Ang dalawang leaders na ito, si Pedro at si Pablo ay kapwa pinatay sa Roma. Ngayong araw ang kapistahan nila, ang dalawang haligi ng simbahan ng Roma.
Naging haligi si Pedro kasi siya ang pinagkatiwalaan ni Jesus ng kapangyarihan sa simbahan. Si Jesus noon ay nagkaroon ng survey sa mga alagad niya. Maraming mga tao ang lumalapit kay Jesus. Bakit kaya? Ano ba ang akala nila sa kanya? Kaya tinanong ni Jesus ang mga alagad, sino ba ako ayon sa mga tao? Ano ba tingin nila sa kanya? Ipinahayag ng mga alagad ang mga bali-balita tungkol kay Jesus ayon sa sabi-sabi ng mga tao. Kakaiba siya sa pangkaraniwang mga leaders nila. Siya ba kaya si Juan Bautista na pinapugutan ng ulo ni Herodes pero muling nabuhay? Isa kaya siya sa mga propeta noong nakaraang panahon na inaasahan nilang darating sa wakas ng panahon – si Elias, si Jeremias o ang propeta na tulad ni Moises? Maraming opinion ang mga tao tungkol kay Jesus.
Pero tinanong ni Jesus ang mga apostol na pinili siya at kasa-kasama niya ng mga tatlong taon na. Kayo naman, sino ba ako ayon sa ninyo? Napigilan ang mga apostol. Hindi nila inaasahan ang tanong na ito. Ang nagsalita ay si Simon: “Kayo ay ang Kristo, ang anak ng Diyos na buhay.” Ang Kristo ay ang matagal nang ipinangako ng Diyos na isang itinalaga na ipadadala niya sa kanyang bayan. Sinabi na niya ito mga isang libong taon nang nakaraan, noon pang panahon ni David at ni Moises pa nga. Hindi lang Kristo ang pagkakilala sa kanya ni Simon. Kinilala pa siyang anak ng Diyos na buhay. Tumpak ang kanyang sagot, pero sinabi ni Jesus na tama ang pagkakilala sa kanya ni Simon, hindi dahil sa siya ay mas magaling kaysa mga kasama niya. Ang pagkilalang ito ay galing sa Diyos Ama. Pinili ng Diyos Ama si Simon na magkaroon ng ganitong malalim na pagkakilala kay Jesus. Dahil dito, si Jesus naman ay pinili din niya si Simon na maging matatag na haligi ng simbahan. Pinalitan ang kanyang pangalan. Hindi na siya Simon kundi Pedro na – ang ibig sabihin ng pangalang Pedro ay Bato. Sa Pedrong ito, sa Batong ito, itatayo ni Jesus ang kanyang simbahan. Magiging matatag ang simbahang ito na hindi ito madadaig ng anumang kasamaan sa lupa. Binibigyan pa siya ng kapangyarian ng susi. Ang papahintulutan niya sa lupa (ang papapasukin niya) ay papayagan din sa langit. Ang ipagbabawal niya (sasarhan) sa lupa ay ipagbabawal din sa langit.
Dahil dito kinilala si Simon Pedro na leader ng mga apostol at leader ng simbahan. Dahil sa siya ang kilalang leader binabantaan siya ng mga komokontra sa simbahan. Sa ating unang pagbasa, noong nakita ni Herodes, ang anak ng Herodes na gustong ipapatay ang sanggol na si Jesus, na natuwa ang mga tao na pinapatay niya si Santiago, gusto din niyang ipapatay si Simon Pedro. Hinuli siya at ipinabilanggo upang maiharap sa mga leaders ng mga Hudyo. Mahigpit ang pagkabihag kay Pedro. May apat na guardia sa paligid niya at may kadena pa sa kamay at paa niya. Pero sa gabay ng anghel, nakalaya siya. Hindi pa panahon ni Pedro na mamatay. Pinapatnubayan din siya ng Diyos. Leader yata siya ng simbahan.
Sa ating ikalawang pagbasa naman, isinalaysay ni Pablo kay Timoteo na malapit nang magtatapos ang kanyang buhay. Pero mapayapa ang kanyang loob. Tapat siya sa kanyang misyon. Naipahayag niya ang Magandang Balita kung saan siya pinadala ng Panginoon. Iniligtas siya ng Diyos sa maraming kahirapan at kapahamakan upang magampanan niya ang kanyang gawain. Siya nga ay nasa Roma bilang isang bilanggo pero patuloy pa rin siyang nagpapahayag. Doon din niya napatotohanan ang kanyang katapatan kay Jesus. Doon siya pinugutan ng ulo sa Roma.
Si Pedro at si Pablo ay hindi lang haligi ng simbahan sa Roma. Sila din ay ang haligi ng ating pananampalataya. Hindi nagsawa si Pedro at si Pablo na magpahayag tungkol kay Jesus. Hindi lang sila naglakbay sa malalayong lugar. Hindi lang sila nagsalita at namuno. Ganoon ka-totoo ang kanilang mensahe na ang dugo nila ang naging testigo ng katotohanan ng kanilang ipinahayag. Pinakita nila ang kanilang pag-ibig kay Jesus hanggang kamatayan.
Ipinagdiriwang natin ang araw ng dalawang dakilang santong ito upang palakasin ang ating katapan sa pananampalatayang katoliko. Maging tapat tayo sa Santo Papa, ang kahalili ni Pedro. Si Papa Leon ay ika 267 na kahalili ni Pedro. Patuloy tayong pinangungunahan ni Pedro sa pamamagitan ng ating Santo Papa ngayon. Patuloy din ang pangangalinga ng Santo Papa sa mga Kristiyano, lalo na iyong nangangailangan. Kaya mayroon tayong second collection ngayon sa buong simbahang katoliko sa buong mundo para po makatulong sa Santo Papa sa pagtugon sa iba’t-ibang pangangailangan ng mga mahihirap sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Kasama tayo sa pagkawang gawa ng Santo Papa.






