189 total views
Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle
Pastoral Visit at Sacred Heart Parish,
Sta. Mesa, Manila
July 29, 2018
Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, una po sa lahat tayo ay magpasalamat sa Diyos, Siya po ang nagtipon sa atin bilang isang sambayanan, at sa kaniyang salita, sa kan’yang katawan, dugo at sa espiritu na kaniyang ibibigay sa atin.
Harinawa tayo ay mapanibago bilang sambayanan at bilang mga taga-sunod kay Kristo. Ang mga pagbasa ay tungkol sa iba’t-ibang uri ng pagkagutom at pagkauhaw nating mga tao. May pagkagutom sa pagkain, may pagkagutom sa paghihilom lalo na ng mga may sakit, mga may karamdaman at may iba’t-ibang mga sugat sa buhay.Mayroon ding pagkagutom sa pagkakaisa, kapayapaan at pagkakasundo.
Sa unang pagbasa, tinapay ang kinagugutuman. Sa ikalawang pagbasa mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga Efeso, ang pagkagutom sa kapayapaan, pagkakasundo, pagkakaisa. Sa Ebanghelyo, naulit ang pagkagutom sa tinapay sa pagkain, gayundin ang pagkagutom sa paghihilom, pagpapagaling at pagkagutom sa pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Kayo po ano ang inyong nararamdaman na malalim na pagkagutom? Siguro yung iba sabi, sana maikli ang misa kasi gutom na gutom ako sa teleserye, o yung aking sinusubaybayan na kung ano man,” ano ho? O kaya meron pang gagawing iba o may pasyal pa. Iba-iba tayo parang may mga estudyante dito, sino ba ang mga estudyante pakitaas ang kamay. Ayan! Siguro kayo gutom na gutom, gusto ko may eksamin bukas. Kasi gutom na gutom ako sa pag-aaral. Gusto kong mag-aral! Sabi nung isa, (umiling) (tawanan) umaamin. Yung iba naman sabi, Sana bumagyo bukas, sana bumaha para walang pasok, para walang trabaho.
Pero sa mga narinig nating pagbasa, ang makapagbibigay ng tugon sa ating mga pagkagutom lalo na yung tunay na pagkagutom ay ang Panginoon. Huwag nating hadlangan ang Diyos na ibig tugunan ang pagkagutom ng mundo.
Sa Unang Pagbasa, gusto ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Elias na pakainin ang mga tao, pero humadlang yung kaniyang katulong sabi, dalawampu lang yung ating tinapay, isang daan yung kakain, hindi puwede yan! Sabi nung propeta, di ba sabi ng Diyos ibigay yung tinapay sa mga tao, at mayroon pang lalabis. Ang Diyos, gustong pakainin ang lahat at sapat, sapat ang kayamanan ng mundo para makakain ang lahat.
Sino ang nagpipigil para matupad ng Diyos ang kanyang plano? Tao! Ang ating mga sistema, yung iba nagtatapon ng pagkain, yung iba walang makain. Yung iba ang problema, Ang taba ko na. Ang cute naman ng problema mo, pinoproblema mo yung pagkain diyan na ayaw mong kainin samantalang yung iba ni walang makain. Yung iba bibili ng pagkain pang dalawang linggo, di naman mauubos, itatapon.
Di ba ang dasal natin, bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw. Hindi yung, bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin pang isang buwan, tapos kapag inamag, tapon! Ang Diyos gustong pakainin lahat. Sino ang ang humahadlang? Tayo, ganyan din sa ebanghelyo.
Sabi ni Hesus kay Felipe, saan ba tayo makakakuha ng ipapakain sa mga tao, limanglibo. Si Felipe, siguro accountant nagtuos agad, limang libong tao, ilang araw na suweldo ang kailangan? Sabi niya, “200 days na suweldo para makabili ng pagkain sa limang libo.
Si Andres sabi, ito lang ang meron tayo dala-dala ng bata, limang tinapay, dalawang isda. Hindi yan magkakasya sa limang libo. Pero si Hesus sabi niya paupuin, pakakanin ko. Si Hesus hindi na magtutuos, hindi na magko-compute, kung ano ang nandiyan, basta dumaan sa kaniyang mapagpalang kamay, makakakain ang lahat.
Bakit hindi makakain ang lahat? Kasi ang mga kamay sa mundo makakati! Kahit limang libong tinapay pa, kapag makati ang kamay hindi makararating sa limang tao. Samantalang ang kamay ni Hesus mapagpala, nagpapasalamat sa Diyos, nagbabahagi kaya kahit kakaunti, kasya at sobra pa. Si Hesus gusto tayong pakanin, sinong humahadlang? Ang mga mapagtuos at ang mga mapangkamkam na kamay.
Pero ang sisishin lagi ang Diyos, hindi, hindi ang Diyos ang may problema, ang may problema kung bakit may nagugutom ay mayroong mga tao at sistema na hindi nagbabahagi ng gustong ibahagi ng Diyos.
Sa ikalawang pagbasa, nauuhaw ang tao sa pagkakaisa, pagkakasundo. Gusto iyan ng Diyos, pero sino ba ang humahadlang sa pagkakaisa at pagkakasundo? Hindi ang Diyos, tayo! Sabi ni San Pablo, para may kapayapaan, pagkakaisa, dapat hayaan natin ang Espiritu Santo ang kumilos, hindi ang espiritu ng mundo, hindi yung ating makasariling espiritu.
Ang kailangan daw natin, pagpapakumbaba, pagiging mabait, pagiging matiyaga, pagiging mapagpaumanhin at mapagmahal. Yan ang kilos ng Espiritu Santo para may kapayapaan. Ang problema po, gusto natin kapayapaan pero ayaw nating hayaan ang Espiritu Santo na kumilos, gusto natin kapayapaan pero tayo ang kikilos. Kaya sa halip na pagpapakumbaba, nako payabangan! Sa halip na pagiging mabait, nambu-bully! Sa halip na pagiging matiyaga nagbibigay ng mga ultimatum!
Sa halip na magpaumanhin, wala matigas ang puso, hindi nagpapatawad, kaya walang kapayapaan at pagkakaisa, hindi natin hinahayaan ang Espiritu Santo ang magbigay ng katuparan sa ating mga pagkagutom. Mga kapatid, sa tinapay man yan, sa pagkakaisa man yan, sa kapayapaan man yan, sa paghihilom man yan, gusto ni Hesus, bigyan tayo ng tugon.
Sana huwag nating hadlangan ang kilos ni Hesus. Hayaan natin siya para mapawi ang kagutuman sa tinapay, para mapawi ang pagkagutom sa pagmamahalan, para mapawi ang pagkauhaw sa pagkakaisa at kapayapaan, huwag tayong maging hadlang sa kilos ng Diyos. Sino ang magpapakain sa madla? Hindi tayo si Hesus, tayo lang parang mga serbidor ni Hesus.
Sino ang magbubuo ng sambayanan? Ang Espiritu Santo, tayo po makikiisa sa Espiritu Santo, huwag na po tayong maging sagabal sa kilos ni Hesus at ng Espiritu Santo.
Tatapusin ko po ito sa isang kwento. Talagang minsan tinuturuan tayo ng Diyos, siya na ang kikilos, mag-o-operate lang tayo, at siya na ang gagawa ng mga milagro. Minsan ho, batang Obispo palang ako, inimbitahan ako ng isang grupo ng mga mongha. Alam niyo ba ang mga mongha, yung mga contemplative sisters, meron silang International Congress, puro mongha galing sa iba’t-ibang bansa na dito gagawin sa Pilipinas. Inimbitahan ako magbigay ng conference, kung puwede raw araw-araw, isang linggo.
Sabi ko doon sa organizer, hindi ko ho kaya yan yung araw-araw akong pupunta. Puwede ho ba bigyan niyo nalang ako ng isang araw, magle-lecture ako buong araw, kaysa sa pabalik-balik, pitong araw, seven hours, pupunta ako diyan seven hours, mag-le-lecture ako.
Hindi pa mata-traffic, hindi pa ano, pumayag. Sa totoo po, napagod ako. Pitong oras ka ba namang maglecture. Oras-oras iba ang topic, parang sinasabi sa kanila, ngayon ho Lunes. O ngayon imagine ninyo Martes na, O ngayon ho, Miyerkules na, o lecture.
Ano naman ang isa pang kahirapan kasi po yung mga madreng mongha, napaka tahimik hindi ko ho alam kung nakikinig, kung natutulog, walang reaction sa talk ko. Kapag nag-joke ako, “hmmmm, hmmmm!” Mga ganun lang hindi ko alam kung anu ba? Hindi katulad niyo o tingnan niyo kung tumawa kayo kita ang ngala-ngala. Alam kong gising kayo ano ho? Pero sige bigay ka bigay.
Noong alas singko na ng hapon ako’y nagpaalam na aalis na ako. Yung organizer hinabol ako, dahil mongha pati yung pagtakbo niya mabagal kasi akala niya nasa adoration chapel siya ano ho? Kaya nakasakay ako kaagad sa sasakyan, tapos sabi niya, Bishop! Bishop sandali po! May inaabot na sobre, sabi ko Sister hindi po, hindi ho.
Sabi niya, sige na maghapon naman kayong napagod. Sabi ko Sister hindi, regalo ko sa inyo, sabi naman niya, di kung ayaw ninyo gamitin po ninyo for charity, i-share ninyo. Sige po kung para sa charity, tinanggap ko, umalis na po ako.
Eto na ang tukso ng demonyo, noong hawak-hawak ko yung sobre, napansin ko medyo marami yatang laman. Di umalingawngaw sa utak ko yung sinabi ni sister, napagod naman kayo bishop,” sabi ko ,Oo nga napagod nga ako, siguro naman puwede naman akong kumuha ng kahit kaunti, napagod ako tapos nagbibiyahe pa ako, magga-gasolina pa ako.Di habang ang maling kaisipan ay umaandar, kumilos ang Diyos, nag-ring yung aking telepono at ang tumawag ay isang dating seminarista.
Sabi Chito, naalaala mo pa ba ako? Oo, magkasama tayo pano kaba makakalimutan? Ano ko siya, nauna sa akin mga three years, nauna sa akin pero lumabas, sabi niya, Chito nahihiya man ako pero ang asawa ko kasi ay may cancer. Ako’y teacher, alam mo naman ang suweldo ng teacher sa public school, sabi niya puwede mo ba akong matulungan? Di hawak ko yung telepono sa isang kamay, hawak ko yung sobre sa isang kamay at tumitingin ako doon sa sobre nung tinatanong niya, puwede mo ba akong tulungan? Sabi ko, puwede? biglang gumaralgal ang aking ano, Sabi niya, salamat, salamat. Sabi niya kasi kailangan bukas mag-ano, mag-chemo therapy, meron bang LBC kaya diyan?
Sabi ko, wala ako sa bahay hindi ko alam kung may LBC dito, pagtingin ko sa labas, LBC. Talaga po namang, sabi ko merong LBC, (namamaos na boses). Sabi niya ite-text ko sa iyo yung aking address, at ano. Di bumaba po ako, kinakaladkad ko yung paa ko papunta sa LBC at dun ko na binuksan yung sobre at talagang medyo malaki-laki ho yung laman, di ibinigay ko lahat.
Sabi nung babae sa counter, ano po ang bayad sa pagpapadala ay 1500, anu ba yon babawasan ko pa ba yung ibibigay?(Tawanan) Di dukot ako ngayon sa aking pitaka, wala na akong nakuha sa sobre nabawasan pa yung aking dala-dala.
Pero naipadala ko, nung dumating na ako dun sa tinitirahan ko sa Tagaytay, naikuwento ko dun sa mga pari na kasama ko yung nangyari, tumayo yung isang pari, hinaplos-haplos ang aking balikat at sabi, Si bishop, si bishop, napaka tanga.
Sabi ko naman, totoo nga pero alam niyo nung gabi na yon, parang nakatulog ako ng nakangiti, parang iba yung kapayapaan at kaligayahan na nadama ko. Katangahan pero alam mong meron kang nagawa na hinahadlangan ko na sana pero gumawa ang Diyos ng paraan na hindi ako maging hadlang.
Alam ba ninyo, two weeks later pinatay yung kaibigan ko na yon. Nagtuturo siya sa classroom, may pumasok na mga armadong tao at pinagbabaril siya. Siguro kung hindi ko ibinahagi yung hinihingi niyang tulong hanggang ngayon hindi ko mapapatawad ang sarili ko.
Baka may humihingi ng tulong, baka huling pagkakataon na at yun po ay nangyari siguro mga 2003, alam ho ninyo hanggang ngayon buhay ang kanyang asawa. Hindi ko po kilala ang asawa niya pero panaka-naka, nagti-text, bumabati, pasko, easter, at minsan humihingi ng tulong para sa kanyang gamot. Hindi po ako yun, yung palakpak ninyo para sa Diyos yun, siya talaga ang ibig magbahagi. Siya po talaga ang ibig magbigay buhay, pero tayo minsan, natutukso, humadlang sa kanyang ibig gawin.
Naranasan ko yung matukso na ganoon, pero may ibayong kapayapaan at kaligayanan kapag umayon tayo sa gusto ng Diyos, maraming mabubuhay, maraming makakakain, maraming maiibsan ang pagkauhaw, marami ang makatatagpo ng kapayapaan at pakikipagkasundo sa Diyos.