8th Sunday of the Year Cycle C
Sir 27, 4-7 1 Cor 15:54-58 Lk 6:39-45
Ang ating buhay ay puno ng pagdedesisyon. Kahit sa anong bagay dapat tayong magdecide. Pati na lang sa pagbili ng sabon, kailangan magdecide. Anong sabon ba ang bibilhin ko? Ganoon din sa pagluto ng pagkain, ano ba ang lulutuin. Saan ano kukuha ng iluluto ko? Ordinaryong pang-araw-araw na desisyon lang iyan. Hindi na tayo masyadong nag-iisip diyan. Pero may mga mahahalagang desisyon na dapat din natin pag-isipan – ano bang kurso ang kukunin ko? Papasok ba ako sa ganitong trabaho? Saan ba ako lilipat ng bahay? Mahahalagang desisyon na ito. Kailangan din tayo magdecide tungkol sa tao. Kakaibiganin ko ba siya o hindi? Paniniwalaan ko ba siya? Pagkakatiwalaan ko ba siya ng aking mga sekreto? Magiging boyfriend ko ba siya? Magpapakasal ba ako sa kanya? Mabibigat na desisyon na ito. Ano kaya ang maaaring gumabay sa atin sa mga choices na ito?
Mas lalong nagiging mahirap magdesisyon ngayon sa mahahalagang usapin kasi mahirap malaman ang katotohanan. Mahirap na nga magpasya, pinapahirapan pa tayo ng mga fake news. At ginagamit pa ang AI para gumawa ng fake news! Gusto tayong linlangin. Kaya marami ang nabubudol.
May mga ilang palatandaan sa Bibliya na maaaring makatulong sa ating paggawa ng wastong desisyon. Sinasabi sa Bible na suriin ang iba’t-ibang Espiritu. May mga masasamang espiritu na nagpapanggap na mabuti. Pati na nga ang demonyo ay nagpapanggap na anghel. Ang layunin ng tukso ay lituhin tayo para makagawa tayo ng masama. Kaya magsuri tayo nang mabuti. Kung mabigat ang dedesisyunan natin, bibigyan natin ito ng panahon upang pagnilayan at dasalan. Huwag magpadalus-dalos sa pagpapasya.
Sikapin natin na tayo ay hindi maging instrumento sa pagkakamali ng iba. Kaya tayo mismo ay huwag basta-bastang magbigay ng payo kung hindi naman tayo sigurado. Baka malinlang pa natin ang iba. Kaya kung wala o kakaunti ang ating alam, huwag na tayong magsalita. Para tayo niyang na isang bulag na gumagabay sa bulag. Suriin muna natin ang ating sarili bago tayo magbigay ng payo sa iba o mag-correct sa iba. Hindi tayo makakatanggal ng puwing sa mata ng iba kung may troso na humahadlang sa ating paningin. Kung may bias o prejudice tayo mahirap na makapagbigay ng maayos at objective na payo. Tulad ng ayaw nating tayo’y lituhin, iwasan din natin na magkaroon ng maling desisyon ang iba dahil sa atin.
Tungkol naman sa pagtitiwala sa iba… Maaasahan ba ang payo ng iba? Ang katuruan nila? Ang kanilang sinasabi? Marami ngayon ang mga preachers kuno at iba’t-ibang turo ang kanilang kinakalat. At marami din silang nadadala dahil sa madulas at mabulaklak nilang pananalita. Tingnan natin hindi lang ang sinasabi nila. Suriin din natin ang kanilang buhay. Malalaman nga ang puno sa kanyang bunga. Malalaman kung matamis ang manggang ito sa pagkain ng kanyang bunga. Mabuti ba ang puno ng santol? Kumain ka muna sa kanyang bunga. Matamis ba o hindi? Maaasahan ba ang taong ito? Tingnan mo ang kanyang pamumuhay. Kung maayos ang kanyang ugali, ang kanyang pamilya, ang kanyang business, maaaring maaasahan natin na maayos na tao ito.
Kailangan natin ang ganitong pagsusuri sa panahon ng election. Huwag lang natin pakinggan ang adds ng isang politiko, ni tingnan lang ang mukha niya sa mga karatula. Maaaring doktorin ang mukha ng isang tao upang ipalabas na siya ay pogi o maganda, na siya ay bata pa, na siya ay maamo. Magkaroon ng lifestyle check. Kamusta ba ang pamumuhay niya? Tapat ba siya sa kanyang pamilya? Kung hindi siya tapat sa asawa niya, paaano siya maging tapat sa bayan? Kung nagpapadala siya sa kanyang bisyo, hindi niya mapanghahawakan ang kanyang responsibilidad. Saan ba nanggagaling ang kanyang pera? May lehitimong business ba siya?
May sinasabi din si Sirak sa unang pagbasa natin. Sinabi sa atin: Huwag munang purihin ang isang tao hanggang hindi siya makapagsasalita sapagkat doon mo po makikilala ang tunay niyang puso’t diwa. Sa pangungusap ng isang tao, damdamin niya’y nahahalata. Mahalaga ito sa pag-iibigan at sa magkasintahan. Sa mga kwento, sa mga pahayag, sa kanyang mga biro mahahalata natin ang kanyang pagkatao. Sinabi ni Sirak, ang pagkatao ng sinuma’y makikita sa usapan. Kaya magbigay ng panahon sa pag-uusap upang makilala ang isang tao. Kapag nakilala na natin siya, magdesisyon tayo kung maniniwala pa tayo sa kanya, kung tatanggapin ko ba siya na habang buhay na partner ko, o kung maipag-uubaya ko ba ang aking bansa o ang aking lalawigan sa kanyang pangangalaga.
Gawin natin na maayos ang ating mga desisyon. Naaapektuhan ang iba at tayo mismo sa ating mga desisyon – maging iyan ay sa halalan, o sa pagkakaibigan, o sa pagpapamilya, sa pagbibusiness. Upang maging maayos ang desisyon, suriin natin ang pagkatao ng bobotohin natin, o maging business partner natin o maging kasintahan at maging asawa natin. Tingnan natin ang kanyang buhay. Alamin natin ang kanyang ugali. Pakinggan natin at suriin ang kanyang mga sinasabi. Kinalanin muna natin siya, bago pagkatiwalaan.
Maganda ang sinabi ni Jesus: “Ang mabuting tao ay nakapagdudulot ng mabuti sapagkat tigib ng kabutihan ang kanyang puso; ang masamang tao ay nakapagdudulot ng masama, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso. Sapagkat kung ano ang bukam-bibig, siyang laman ng dibdib.”






