8,143 total views
3rd Sunday of Lent Cycle C
Ex 3:1-8.13-15 1 Cor 10:1-6.10-12 Lk 13:1-9
Dahil po sa television, sa radio at sa social media, hindi na natin maiiwasan na malaman ang mga pangyayari sa mundo. Alam natin na may digmaan sa Ukraine ng mga tatlong taon na. Alam natin na may digmaan din sa Gaza at libo-libong mga Palestinians ang pinapatay at ginugutom doon. May civil war din sa Sudan at sa Central Republic of Congo sa Africa. Nalalaman agad natin ang malalakas na bagyo, ang malalaking baha at ang di-mapigilang mga sunog sa maraming bahagi ng mundo. Ano ang reaction natin sa mga masasamang pangyayaring ito? Nagwawalang kibo lang ba tayo? Hindi nakikialam o walang pakialam? Nababahala ba tayo na sumasama na ang mundo? Sinisisi ba natin ang Diyos bakit tayo nagkaganito? Sinisisi ba natin ang mga nabibiktima dahil masama sila o hindi sila tumatawag sa Diyos o wala silang relihiyon? Ano nga ba ang reaction natin? (Kaunting katahimikan upang magnilay ang mga tao).
Nangyari din ito noong panahon ni Jesus. May mga masamang balita noon na kumakalat. May mga taga-Galilea na habang nag-aalay sila sa templo, sila ay pinapatay ni Pontio Pilato ng mga Romano. May mga labing-walo ring mga tao na namatay sa Jerusalem. Sila ay binagsakan ng tore ng Siloe. masasamang mga tao ba? Kinarma sila ba sila? Ang pagpapatay sa mga Galileo habang sila ay naghahandog ay maaring mas lalong nagpagalit sa ibang mga tao kumakalaban sa mga mang-aaping mga Romano. Maaaring magkaroon ng maraming reactions. Ano ang sinabi sa atin ni Jesus?
Hindi niya sinisi ang Diyos. Hindi ganyan ang Diyos. Ayaw niya ang kamatayan kahit ng masasama. Hindi siya mapaghiganti. Hindi rin siya walang kibo. Alam niya ang nangyayari sa atin. Sa ating unang pagbasa nagsalita ang Diyos kay Moises at sinabi niya na nakikita niya ang labis na pagpapahirap ng mga Egipciano sa mga Hebreo. Alam nila ang tinitiis ng mga tao. Narinig niya ang kanilang mga daing. Nakita ng Diyos, alam niya, naririnig niya ang mga daing. Ganyan ang ating Diyos. Alam niya ang nangyari sa ating mundo. Nakikita niya ang mga luha at mga sugat na tinitiis ng mga tao. Naririnig niya ang mga iyak ng mga bata at mga nanay. Alam ng Diyos, at may gagawin siya! Ang ginawa niya noon ay pinadala niya si Moises. Patuloy na nagpapadala ang Diyos ng mga tao na tutulong sa kanilang kapwa. Baka isa na tayo doon na pinapadala ng Diyos.
Nanawagan siya sa atin na kumilos at huwag lang manood at magpabaya hanggang hindi natin mismo na maranasan ang kapaitan ng mga pangyayari.
Ano pa ang dapat na maging reaction natin sa mga masasamang pangyayari na nababalitaan natin? Sabi ni Jesus na ang mga ito ay babala sa atin na ang nangyari sa kanila ay maaari ring mangyari sa atin. Kaya sa halip na sisihin ang mga biktima, sa halip na magalit sa mga nagpapakasakit sa iba, o sisihin ang Diyos, tingnan natin ang ating sarili at baguhin ang ating sarili. Magbago na tayo. Baka nasa atin din ang poot na nagdadala ng away. Baka nasa atin din ang kawalang pagkilala sa Diyos at ang kakulangan ng pagsunod sa kanyang mga utos. Baka tayo rin ay walang pakialam sa kahirapan ng iba. Baka nananakit din tayo ng iba o nagsasamantala sa iba na makakayanan natin. Magsisi tayo. Kung ayaw natin ng masasamang pangyayari, tanggalin natin ang mga ugat nito sa ating puso at pag-uugali.
Huwag sana tayo maging kampante sa ating buhay kasi wala namang masasamang nangyayari sa atin. Tandaan natin na tumitingin ang Diyos. Tulad ng talinhaga ni Jesus, dinadalaw ng may-ari ang kanyang ubasan. Naghahanap siya ng bunga, bunga ng kabutihan. Handa niyang ipaputol ang mga puno na hindi namumunga. Baka naman ang buhay natin ay walang bunga ng kabutihan na inaasahan ng Diyos. Baka gusto na ng Diyos na ipaputol tayo. Nakikiusap na nga lang si Jesus, ang mga anghel, ang Mahal na Ina, at ang mga santo na bigyan pa tayo ng panahon. Namumuhay tayo sa hiram na panahon.
Kung hindi pa tayo tutugon sa mga pag-aalaga sa atin, sa mga sakramento at mga misa na inaalok sa atin, sa mga aral ng simbahan na binibigay sa atin, sa paanyaya ng mga Kriska na makiisa sa mga dasal at Bible sharing natin, baka putulin na tayo. Kaya ang pagsisisi at pagbabago ay hindi basta-bastang ipagpaliban.
Huwag nga tayo maging kampante. Sinulat ni San Pablo sa ikalawang pagbasa natin na matututo tayo sa mga Israelita noong panahon. Maraming grasya ng Diyos ang kanilang natanggap. Itinawid sila sa Dagat na Pula habang ang mga kawal na Egipciano ay nalunod sa dagat. Sa kanilang paglalakbay sa disyerto, pinakain sila araw-araw ng tinapay na galing sa langit. Uminom sila sa tubig na bumubukal mula sa bato. Pinayungan sila ng ulap sa araw upang hindi sila masunog ng init at may haliging apoy na nagbibigay sa kanila ng liwanag tuwing gabi. Ang lahat ng ito ay ibinigay sa kanila pero hindi sila naging tapat. Patuloy sila sa kanilang pagrereklamo. Pinagbintangan pa nila si Moises at ang Diyos na masama daw ang balak sa kanila. Kaya, silang lahat ay namatay sa disyerto. Doon nagkalat ang kanilang mga buto. Hindi nila pinakinabangan ang mga grasya ng Diyos.
Ito nga ang babala sa atin. Tayo ay may mga tulong mula sa Diyos na binibigay sa atin. May mga Kriska at chapel leaders tayong nagpapaalaala sa atin. May paring dumadalaw at nagmimisa sa atin. May mga sakramento na ilaalok sa atin upang matanggap natin ang biyaya ng Diyos. Nandiyan ang Salita ng Diyos sa Bibliya na pinapaliwanag sa atin. Kahit na nandiyan ang mga ito, hindi natin maaabot ang langit na para sa atin kung hindi tayo tutugon. Huwag na natin ipasabukas pa ang pagsisisi at ang pagbabago. Naghahanap ang Diyos ng bunga ng kabutihan sa atin. Tumugon na tayo sa kanya ngayon! Ngayon na ang araw ng kaligtasan!