3,238 total views
1st Sunday of Lent Cycle C
Dt 26:4-10 Rom 10:8-13 Lk 4:1-13
Ang kuwaresma ay isang katangi-tanging panahon ng simbahan. Sa panahong ito naghahanda ang buong simbahan sa pinakadakilang pangyayari ng ating kaligtasan – ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. Ang tawag dito ay MISTERIO PASKAL. Ito ay hindi lang isang pangyayari sa buhay ni Jesus. Ito ay isang pangyayari sa buhay nating lahat sa ating pakikiisa kay Jesus mula pa noong tayo ay bininyagan. Tayo ay nakiiisa sa kanyang pagkamatay upang matanggap natin ang kanyang bagong buhay. Namamatay tayo sa buhay ng kasamaan, sa buhay na nadadala ng mga hilig ng laman, upang tayo ay mabuhay ayon sa kalooban ng Diyos na nagdadala ng tunay na kaligayahan dito sa ating buhay at sa buhay na walang hanggan.
Naranasan ng mga Israelita ang misterio paskal sa kanilang kasaysayan. Kapag nagdadala sila ng kanilang handog sa Diyos, sinasalaysay nila ang kanilang karanasan bilang isang bayan.
Napakinggan natin ito sa ating unang pagbasa. Sila ay nagsimula na maliit na grupo lamang na mga Arameo na tinawag ng Diyos. Napunta sila sa Egipto kung saan sila dumami pero pinagsamantalahan naman sila ng mga Egipciano. Pinahirapan sila at inalipin. Pero tumawag sila sa kanilang Diyos at sila ay nilikas sa lupaing iyon. Naglakbay sila sa disyerto ng apatnapung taon. Doon sila hinubog upang maging bayan ng Diyos. Dinala sila sa lupain ng Canaan na ipinangako sa kanila. Lumago sila doon at ngayon nakakapagdala na sila ng mga alay na galing sa lupang iyon upang sambahin ang kanilang Diyos. Ito ang kanilang karanasan ng paghihirap at ng kaligtasan. Itinawid sila ng Diyos mula sa pagiging alipin patungo sa pagiging bayan niya.
Ang ating karanasan ng misterio paskal bilang mga Krisyano ay ang ating pagtawid mula sa kasalanan tungo sa pagiging mga anak ng Diyos. Nagsimula ito sa ating binyag at isinasabuhay natin ito araw-araw sa ating pamumuhay na may pananalig sa Diyos. Napakinggan natin sa sinulat ni Pablo: “Kung ipahahayag ng iyong labi na si Jesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya’y binuhay ng Diyos, maliligtas ka.” Oo, maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon at sumusunod sa kanya.
Upang makapasok tayo sa pagpapanibagong ito, hinuhubog, hinuhorma tayo ng panahon ng Kuwaresma. Ang tatlong gawain natin sa panahong ito ay ang panalangin, ang pagpepenitensiya at pagkawang gawa. Paghindian natin ang hilig ng ating laman. Kaya kailangan nating disiplinahin ang ating sarili. Iyan ang layunin ng penitensiya at pag-aayuno. Paghindian ang sarili upang makatugon tayo sa pangangailangan ng iba sa ating pagkawanggawa. Tulungan natin ang iba. Lumabas tayo sa ating pagkamakasarili. Kailangan din natin ng disiplina sa sarili upang makalapit tayo sa Diyos at maitaas natin ang ating sarili sa panalangin.
Tinutulungan tayo ng Diyos sa pagpapanibagong ito. Marami tayong nakikita na kasamaan na nangyayari sa ating lipunan sa buong mundo. Nandiyan na ang digmaan, nandiyan na ang kasakiman ng mga lideres, nandiyan ang pagwawalang kibo ng marami, nandiyan na ang panloloko sa mga tao ng mga politiko, nandiyan ang paninira sa kalikasan. Sa harap ng mga kasamaang ito, parang wala tayong magagawa. Wala naman tayo sa posisyon na baguhin ang kalakaran ng mundo at ang ugali ng iba, pero may kakayahan tayo na baguhin ang ating sarili. Nagsisimula ang pagbabago sa bawat isa sa atin. May pag-asa na baguhin ang mundo kung magbago ang bawat isa sa atin.
Kaya nga gusto ng Diyos na magbago tayo at tinutulungan niya ang bawat isa sa atin sa pagkakaroon ng bagong buhay ayon sa buhay ni Jesus. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng tukso. Ano, ng tukso? Oo, ng tukso, kasi ang tukso ay isang paraan ng pagsubok ng Diyos sa atin upang ilapit tayo sa kanya. Sinabi ni Apostol Santiago sa kanyang liham: “Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo’y dumaranas ng iba’t ibang uri ng pagsubok. Dapat ninyong malaman na napatatatag ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo’y maging ganap at walang pagkukulang.”
Si Jesus mismo ay dumaan sa tukso at pagsubok bago siya magsimula ng kanyang misyon. Doon siya sinubok sa disyerto habang siya ay nagdadarasal at nag-aayuno ng apatnapung araw. Si Satanas mismo ang sumubok sa kanya. Ang tukso sa kanya ay siya ring mga tukso sa atin: tukso na gamitin ang ating kakayahan para sa ating sarili lamang – gawin tinapay ang bato kasi anak naman siya ng Diyos. Tukso na maging mayabang at magpasikat – tumalon sa taluktok ng templo kasi aalalayan naman siya ng Diyos. Tukso ng kayamanan at kapangyarihan kahit na sa anong paraan, kahit na sambahin ang Diyablo mismo. May mga taong ginagawa ito. Gumagamit sila ng masasamang paraan upang yumaman o manalo sa eleksyon.
Hindi nagpadala si Jesus sa mga tukso. Napagtagumpayan niya ang mga ito. Pumasa siya sa mga pagsubok. Pinakita niya ang kanyang katapatan sa Diyos. Paano niya nagawa ito? Ang mga sandata na ginamit ni Jesus ay ang panalangin, ang pagpenitensiya, at ang Salita ng Diyos. Nagdasal si Jesus at nag-ayuno sa disyerto. Sinangga niya ang bawat tukso ng Salita ng Diyos. Dito niya nakita ang kalooban ng Diyos na kanya namang sinunod. Ang mga sandata na ito ay nasa atin din. Kaya nga hinihikayat tayo ng panahon ng Kuwaresma na magpenitensiya, magdasal at magbasa ng Bibliya.
Pumasok po tayo sa disiplina ng Kuwaresma upang mapasaatin ang bagong buhay ng Diyos. Maging totoo sana tayong mga anak ng Diyos ayon sa larawan ni Jesus, ang anak ng Diyos na naging tao. Naging tao siya upang mapasatin ang buhay niya na magdadala sa atin sa langit, ang tahanan ng Ama. Maging tapat tayo sa ating binyag. Maging tunay tayong mga anak ng Diyos.