306 total views
Homily May 21, 2023
Ascension Sunday Cycle A World Communication Sunday
Acts 1:1-11 Eph 1:17-23 Mt 28:16-20
Umakyat na si Jesus sa langit. Iniwan na niya tayo. Iyan ang akala ng marami ngayon at maaaring iyan din ang akala ng mga alagad noong nakatingala sila na sinusundan ng kanilang mga mata ang pag-akyat ni Jesus sa langit. Bye…bye. Wala na siya. Nandoon na siya sa Ama. Hindi ito ang tamang pag-intindi ng pag-akyat ni Jesus sa langit. Ito ang huling salita ni Jesus sa ebanghelyo ni Mateo na ating narinig: “Tandaan ninyo: Ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan.” Kaya hindi tayo iniwan ni Jesus. Nagbago lang ang paraan ng kanyang presensiya sa atin.
Sinasabi natin sa ating creed: “Sumasampalataya ako na si Jesus ay umakyat sa langit at naluluklok sa kanan ng Ama.” Ano ang ginagawa niya sa kanan ng Ama? Doon siya patuloy na namamagitan para sa atin. At makakaasa tayo sa kanyang pamamagitan kasi alam niya ang ating kalagayan. Dala niya ang ating pagkatao sa harap ng Ama, kaya makakaasa tayo na hindi nawala, bagkus mas lalo pa ngang lumalim ang kanyang pagmamalasakit sa atin. Ang mga nasa langit ay hindi hiwalay sa atin. Patuloy ang kanilang pagtulong sa atin. Sinabi ni Sta. Teresa na sa langit mas magiging busy pa siya sa pagdarasal para sa atin, mas marami pa siyang matutulungan mula doon kaysa nandito siya sa lupa. Lalo na si Jesus! Hindi na lang ang mga taga-Galilea o taga-Jerusalem ang naaabot na. Naaabot na niya ang lahat ng tao sa buong mundo at sa lahat ng panahon kasi nasa langit na siya. Kaya hindi tayo hiniwalayan ni Jesus kasi nandoon na siya sa kanan ng Ama.
Oo, ipinagdarasal niya tayo. Kaya itaas natin ang ating mga pangangailangan sa kanya. Pero lalung-lalo nang ipinagdarasal niya tayo na magawa natin ang huling utos niya na gawin natin. At ano iyon? Na gawin nating alagad niya ang lahat ng bansa, na binyagan natin ang lahat sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo, na turuan natin ang mga tao na sumunod sa pinag-uutos niya, na maging saksi niya tayo sa lahat. Gusto ni Jesus na ipagpatuloy natin ang kanyang gawain. Umakyat na siya sa langit na hindi pa tapos ang kanyang misyon kasi ito ay patuloy niyang ginagawa sa pamamagitan natin sa simbahan na katawan niya. Si Jesus pa rin ang gumagawa nito ngunit kasama na tayo at sa pamamagitan na natin. Ganoon kalaki ng kanyang tiwala sa atin. Huwag sana natin siyang biguin!
Pero huwag tayong matakot na hindi natin ito kaya kasi nangako siya na dahil sa kanyang muling pagkabuhay nasa kanya ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa at ito ay ibinigay niya sa atin. Makapangyarihan ang nag-utos sa atin at ang kapangyarihan niya ay kumikilos sa atin. Ang dasal ni San Pablo ay siya din sanang dasal natin. Ano iyon? “Sana liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo…. ang walang hanggang kapangyarihan niya sa atin na mga nananalig sa kanya.” Kumikilos sa atin ang kapangyarihan ni Jesus, ang kapangyarihan na muling bumuhay sa kanya. Alam ba natin ito? Ito ay kumikilos sa atin upang magampanan natin ang ipinagagawa niya sa atin. Makakayanan natin ang ating misyon hindi dahil sa ating galing o tapang, kundi dahil sa kapangyarihan din na galing sa kanya!
Isa rin sa nagpapalakas ng ating loob ay ang pag-asa na binubuhay sa atin ng pag-akyat ni Jesus sa langit. Minsan sinabi ni Jesus na siya ay aalis upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Ang bahay ng kanyang Ama ay may maraming silid. Ipaghahanda niya tayo doon ng lugar at babalik uli siya para tayo ay kaunin upang kung nasaan siya, tayo din ay duroon. Ang kapistahang ito ay nagbibigay sa atin ng pag-asa. Babalik uli siya at isasama tayo kung nasaan siya. Hindi ba ito rin ang sabi ng dalawang anghel sa mga alagad noong nakatingala sila na sinusundan ang pag-akyat ni Jesus sa langit na parang iniwan na sila? “Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong pag-akyat niya.” Babalik uli siya! Pinanabikan natin ito. Umaasa tayo rito. Aakyat din tayo sa langit. Makalangit tayo!
Inuudyok po tayo ng ating kapistahan ngayon sa dalawang direksyon. Una, dito sa lupa. May misyon tayo. Iniwan sa atin ang kapangyarihan ni Jesus upang ipagpatuloy natin ang misyon na pagpalaganap sa kaharian ng Diyos sa lahat. Marami-rami pa ang aabutin natin. Walong bilyon na ang mga tao sa mundo at hindi pa umaabot sa dalawang bilyon ang mga kristiyano. Kaya kailangan tayong magsipag. At huwag tayong matakot. Nangako siya na magiging kasama niya tayo hanggang sa wakas.
Ang pangalawang direksyon. Hinihikayat tayo ng kapistahan na tumingala sa langit at hangarin na makasama tayo doon ni Jesus. Doon sa langit matutupad ang lahat ng ating pinagsisikapan at inaasam. Hindi natin na-i-imagine ngayon ang kagandahan, ang kabutihan at ang kaligayahan na inihanda ng Diyos para sa atin. Kaya huwag tayong matakot sa anumang kabiguan o kahinaan o sa anuman ngang pagkakamali. Maitutuwid ang lahat sa langit.
Ang Ascension Sunday ay ang World Communications Sunday. Ito ay itinatag ni St Paul VI noong 1967 upang kilalanin ang progress na ginawa ng mga tao sa pagpalawak ng komunikasyon. Marami na ang naaabot ng mga tao ngayon sa social media. Sana ito ay gamitin sa pagtupad ng misyon natin na abutin ang lahat ng Magandang Balita. Pero mag-ingat tayo kasi nagagamit din ang social media na magpalaganap ng kasinungalingan. Sa halip na pag-isahin ang mga tao ng media of communication, pinaghihiwalay pa at pinag-aaway pa tayo. Hindi katotohanan ang kumakalat kundi kasinungalingan. Hindi pag-iibigan at pagtutulungan kundi hidwaan.
Huwag po natin ayawan ang social media. Bahagi na ito ng buhay. Mag-ingat lang tayo na hindi tayo mapasama nito. Kailangan ng disiplina upang hindi tayo masilo at maging addict nito. Huwag tayo maniwala sa lahat ng balita na natatanggap natin. Marunong dapat tayo magsuri at hiwalayin ang mabuti sa masama. Huwag tayong magkalat ng kasinungalingan at ng kasamaan. Sa halip, gamitin natin ang social media upang lalong maintindihan ang mensahe ni Kristo. Napakarami ding mabubuting pahayag dito, at tumulong tayong i-share ang magaganda at mabubuti.
Speak the truth in love. Ito ang paksa ng World Communications Day natin. Magsalita tayo ng katotohanan nang may pag-ibig. Ipahayag natin ang katotohan upang umiral ang pagmamahal at hindi ang alitan. Kapag nagsama ang katotohanan at ang pag-ibig, nandiyan ang Magandang Balita, naipapahayag natin si Kristo.