251 total views
Homilya ni Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle sa Banal na Misa
para sa ika-20 taong Aniberbersaryo ng
ANAK-Tulay ng Kabataan Foundation
November 3, 2018
Mga kapatid, gising pa kayo? (Crowd answers: Opo) may tanong ako mga bata lang ang sasagot ha, mga bata lang. Teka muna, sino ang mga bata? taas ang kamay. (Children raised hands) Ayan! O teka ha may nagpapanggap d’yan na bata ha. (laughter) Ayan yung mga bata, oh baba na. Sino sa in’yo ang birthday ay enero? Buwan ng Enero, taas ang kamay. (Children raised hands) Okay baba. Sino ang nag be-birthday, Pebrero? (Children raised hands) Yun! Sino ang may birthday ng Marso? (Children raised hands) O ayan. Sino ang may Birthday ng Abril? April? (Children raised hands) O ‘yan. Mayo? Sino ang may birthday ng Mayo? (Children raised hands) O ayun ang dami. Hunyo? (Children raised hands) Ako June din ako, June. Ay hindi nga pala ako bata. O sino July? (Children raised hands) Ayon July. Agosto? (Children raised hands) Aba marami ha! Setyembre? (Children raised hands) Oh marami ang September ha, Oktubre? (Children raised hands) Aba marami rin ha, marami. Nobyembre? (Children raised hands) Ayan ang dami. Disyembre? Ayan! Sino yung walang birthday? (Children raised hands) Uy ang dami dun, nag bibiro ba kayo? (Laughter) Hindi, nagbibiro lang… Ngayon batiin natin ang ANAK Tulay ng Kabataan, Happy Birthday! (Applause) ilang taon na ang Tulay ng Kabataan, ilan? (Crowd: 20) Sino sa inyo ang 20 years old? Kasing tanda na ng Tulay ng Kabataan. Kapag birthday ang pinagdiriwang natin, ‘pag pinanganak ano ang pinagdiriwang natin? Buhay! Pagsisimula ng buhay dito sa lupa. O tatanungin ko ulit, ano ang pinagdiriwang ‘pag birthday? Buhay! At nagpapasalamat tayo sa Diyos dahil noong isinilang, birthday ng Tulay ng Kabataan, sa loob ng 20 years, dalawampung taon, nagbibigay buhay din ang Tulay ng Kabataan. Yan ang tandaan natin, kaya tayo binigyan ng buhay ay para magbigay buhay, hindi tayo binigyan ng buhay para pumatay. Binigyan tayo ng buhay para magbigay buhay sa iba. Kaya pasalamat tayo sa Diyos sa Tulay ng Kabataan. Palakpakan natin ulit ang Tulay ng Kabataan. (Applause) Pasalamat din tayo sa Diyos, pasalamatan natin ang Diyos. (Applause). Magpasalamat tayo sa mga mabubuting tao na nagsimula at nagpatuloy ng Tulay ng kabataan, palakpak para sa kanila. (Applause) Pasalamat din tayo sa patuloy na nagsusuporta sa Tulay ng Kabataan, Yey! (Applause) Pasalamat tayo sa mga bata na ngayon ay bahagi ng Tulay ng Kabataan. (Applause)
O, sabi natin ang Birthday buhay, papano ba mabuhay? Tayong mga Pilipino mayro’n tayong biruan e, kapag may namamatay sasabihin natin, ano ba ang dahilan bakit namatay? Ang sagot nung iba “nakalimutan huminga!” Parang ang buhay ay paghinga lang, habang humihinga buhay. Totoo naman, kailangan humihinga, kailangan kumakain, kailangan nag-aaral, kailangan mayroong disenteng bahay. Mahalaga lahat ‘yon sa buhay, pero sa ating narinig na mga pagbasa, alam n’yo kung nasaan ang buhay at papaano tayo mabubuhay? Sa PAG-IBIG… basahin n’yo nga yung nasa T-shirt? Ano yung nakalagay d’yan sa T-shirt n’yo? (Crowd: Saved by Love) Save by Love! Paki basa nga ulit, (Crowd: Saved by Love) kulang e, kulang basahin ninyo… (Crowd: Saved by Love) Ano yung una? (Crowd: Hashtag Saved by Love) Anong ibig sabihin ng saved by love? Iniligtas ng pag-ibig. Inililigtas tayo sa kamatayan, ininiligtas tayo sa kapahamakan, inililigtas tayo sa panganib, ng pag-ibig. Kung saan may pag-ibig may kaligtasan, may buhay. At ang sabi ng Panginoon, “Ibigin mo ang Diyos ng buo mong isip, lakas, kaluluwa at ibigin mo ang iyong kapwa, gaya ng iyong sarili.” D’yan tayo tunay na nabubuhay at sa pag-ibig din tayo magbibigay buhay. Tayo ay nabubuhay dahil inibig tayo ng Diyos. Patuloy tayong mabubuhay ‘pag tayo ay mag-iibigan at patuloy na mamamayani ang buhay at malalabanan ang pwersa ng kamatayan kung may pag-ibig. Hanggat hindi ganap at lumalaganap ang pag-ibig, tuloy ang kamatayan. Saved by Love. Kaya mga bata pakisabi nga dun sa katabi n’yo, iniibig kita. (Crowd: iniibig kita) Ayan! Sasabihin ninyo sa inyong mga tatay at nanay, (Crowd: iniibig kita). Pakisabi nga kay Father Matthew at sa lahat ng Tulay ng Kabataan family, (Crowd: iniibig kita). Yan! Talaga! At sabihin natin sa Diyos, (Crowd: iniibig kita!) ang umiibig nabubuhay, at ang umiibig magbibigay buhay. Pero sana ito ang maging mensahe ng anibersaryong ito. Marami tayong plano pero simple lang ang plano ng Diyos, magmahalan kayo at kayo’y mabubuhay. Kung saan may pag-ibig may buhay, kung saan may pag-ibig naroon ang Diyos. Ang Diyos ng pag-ibig ay ang Diyos ng buhay.
Huling kwento, tingin dito mga bata. Sino sa in’yo ang pumapasok na sa eskwelahan? (Children raised hands) Ilan sa inyo ang elementary? (Children raised hands) Grade 1? (Children raised hands) Grade 2? (Children raised hands) ilan sa inyo kindergarten? (Children raised hands) Nursery? (Children raised hands) Ayan. Ilan sa inyo highschool? (Children raised hands) Ayun doon. Ilan sa inyo ang nasa college na? (Children raised hands) Ayun, congratulations ha. Bakit ko tinatanong? Tignan n’yo itong lugar na ito ano ito? Basketball court ito? Gym ang tawag dito. Makinig kayo, no’ng 1977, hindi pa kayo pinapanganak, dito ako gumraduate ng college. (Applause) Tandang-tanda ko pa nakaupo ako d’yan no’ng tinawag ang pangalan ko, d’yan ako naglakad, dito ko tinanggap ang aking diploma, dito ako nag bow. (Applause) Gusto kong isipin at pinapangarap na darating ang panahon, lahat kayo makakaakyat din sa ganitong entablado, at kayo ay makakaabot sa inyong pangarap at maging daan kayo ng pag-ibig at buhay para sa iba.
Tayo’y tumahimik sandali, magpasalamat sa Diyos at hingin ang biyaya. Humingi tayo ng tulong at biyaya sa Diyos na tayo ay magmahal upang makapagbigay buhay sa iba.