1,448 total views
Sinasalamin ng perjury case na inihain sa ilang human rights defenders at misyunero ng Simbahan ang patuloy na banta sa mga nagsusulong ng karapatang pantao.
Ayon kay Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm., chairperson ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), bagamat ibinasura ng korte ang perjury case ay maraming implikasyon ang kaso sa mga nagsusulong ng katarungan, pagkakapantay-pantay at kalayaan.
Ipilinawanag ng Pari na siya ring executive secretary ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) na malinaw ang hangarin ng simbahan na pagsilbihan ang mahihirap ay hindi sila ligtas sa red tagging at alegasyong kasapi ng rebeldeng grupo.
“Ang implication niyan is ma-redtag ka or mabrand ka na ganito, ganyan, alam na natin na if we start talking for justice, and equality, and freedom and equality, fairness you will always be put in a box and be branded like communist, terrorist, worst is terrorist na kung titingnan mo napaka-Christian yung intention that is to help our brothers and sisters who are in most need,” paglilinaw ng pari sa Radio Veritas.
Gayunpaman, binigyang-diin ng Pari na hindi ito magdulot ng takot o magsilbing hadlang upang isakatuparan ng mga misyunero ang kanilang misyon.
Iginiit ni Fr. Buenafe na kung mangingibabaw ang takot sa mga misyunerong lingkod ng Simbahan ay mahihinto at mawawalan din ng saysay ang kanilang misyon bilang daluyan ng biyaya, habag, awa at pagmamahal ng Panginoon para sa bawat isa.
“Huwag tayong matakot kung pangalanan man tayo, iba-brand man tao o iri-redtag man tayo, huwag tayong matakot kasi kapag natatakot tayo then maghihinto na ang misyon diba, hindi pwedeng ganun. Very clear naman yung sabi nga sa Ebanghelyo din na ‘you will be persecuted because of my name, you will be put in jail, you will be worst you will be killed but be assured that I’m always with you’ yun nalang ang pinanghahawakan natin,” dagdag pa ni Fr. Buenafe.
Unang inihayag ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) na ang patuloy na red-tagging sa iba’t ibang mga organisasyon ng Simbahan ay nagiging banta ng kapahamakan at pagsira sa integridad ng misyon ng mga misyunero.