1,740 total views
Patuloy na buksan ang puso upang tulungan ang mga higit na nangangailangan.
Ito ang pagninilay ni Fr. Jazz Siapco, direktor ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission sa banal na Misa bilang paggunita sa ikatlong anibersaryo ng pagliligalig ng Bulkang Taal sa Batangas.
Ayon kay Fr. Siapco na bagamat tatlong taon na ang nakakalipas, nararamdaman at nasasaksihan pa rin ng mga residente ng lalawigan ang pagtutulungan ng bawat isa upang muling makaahon sa mga pagsubok na sinapit kasunod ng pagsabog ng Taal Volcano.
Paliwanag ng pari na ang banal na Misa para sa anibersaryo ng Taal Volcano eruption ay iniaalay din para magpasalamat sa lahat ng mga tumulong para sa kapakanan ng mga apektadong residente.
“Itong misang ito ay misa ng pasasalamat para sa kaligtasan para sa napakaraming tao bagama’t hindi lahat ay pinalad. Pasasalamat para sa ilang taon ng ating response, ng ating malasakit para sa Batangas… Sa araw na ito, binabalikan natin at nagpapasalamat tayo sa libo-libong volunteers na nagtulong-tulong para tulungan ang mga Batangueño noong mga panahong iyon,” ayon kay Fr. Siapco.
Nagpapasalamat at kinilala din ng LASAC ang mga lokal na pamahalaan sa Batangas dahil sa patuloy na pagsisikap na matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya tulad ng housing projects.
Ito’y para sa 880 pamilya na tatlong taon na ang nakakalipas ngunit nananatili pa rin sa anim na evacuation centers dahil hindi na pinahintulutang makabalik pa sa kanilang mga tirahan sa Taal Volcano Island.
“There are still 880 families who are still in need of help. They’re still in evacuation centers. They could not go back to the island anymore, and we continue to build homes for them outside the volcano and we need help. Harden not your hearts,” saad ni Fr. Siapco.
Enero 12, 2020 nang muling magligalig ang Bulkang Taal—43 taon makalipas ang huli nitong pagsabog noong taong 1977.
Itinaas sa Alert level 4 status ang bulkan dahil sa patuloy na pagsabog na naging sanhi ng mga pagyanig at pagbuga ng abo na umabot sa mga karatig na lalawigan.
Umabot naman sa 39 ang naitalang nasawi sa kasagsagan ng Taal volcano eruption na karamiha’y sanhi ng pagkabalisa at atake sa puso habang lumilikas, at ang iba naman ay dahil sa pagtangging sumunod sa panuntunan sa paglikas.