14,990 total views
Umapela ang Diyosesis ng Tagbilaran sa mamamayan at mga lokal na opisyal ng Bohol upang iligtas sa mapaminsalang pag-unlad ang Danajon Bank Double Barrier Reef.
Ayon kay Bishop Alberto Uy, tungkulin ng bawat isa na isaalang-alang ang pangangalaga sa mga itinuturing na mahalagang kayamanan ng bansa upang mapanatili ang likas na ganda at masaksihan ng mga susunod pang henerasyon.
“As custodians of this invaluable natural wonder, it is incumbent upon us to exert every effort within our means to ensure its protection and preservation for generations to come,” pahayag ni Bishop Uy.
Nababahala si Bishop Uy na labis na mapinsala ang nasabing barrier reef ng binabalak na Negros-Cebu-Bohol-Leyte o NECEBOLEY Interlink Bridge Project na layong pag-ugnayin ang apat na isla ng Visayas.
Hawak ng AG&P Industrial at Visayas Neceboley Interlink Holdings Corp. (VNHIC) ang mega infrastrature project na tinatayang nagkakahalaga ng $15-bilyon.
Mahahati sa dalawang bahagi ang proyekto kung saan nakatuon ang unang bahagi sa pagbubuo at operasyon ng nasa 238-kilometrong toll road expressway bridge na mag-uugnay sa apat na malalaking isla ng Visayas.
Habang ang ikalawang bahagi naman ay may sukat na may 568 ektarya para sa land reclamation at horizontal foreshore and offshore development.
“We implore all stakeholders, particularly our Government Leaders, to prioritize the conservation of the Danajon [Bank] Double Barrier Reef above all else. Any proposed development initiatives that pose a threat to this irreplaceable gift of nature must be met with resolute opposition and unwavering commitment to its preservation.,” saad ni Bishop Uy.
Hamon naman ni Bishop Uy sa mamamayan ang pagkakaisa at pagtutulungan sa pagtupad sa misyong iniatas ng Diyos bilang mga katiwala ng sangnilikha.
Matatagpuan ang Danajon Bank Double Barrier Reef sa hilagang baybayin ng Bohol, na itinuturing ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) na natatangi sa Pilipinas at Southeast Asia, at isa sa anim na double barrier reefs sa buong mundo.