8,236 total views
Hinikayat ng Diocese of Imus ang mga mananampalataya na taimtim na manalangin laban sa lumalalang init ng panahon dulot ng El Niño Phenomenon.
Sa liham sirkular, ipinag-utos ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista ang pag-usal ng Oratio Imperata sa mga Banal na pagdiriwang sa mga parokya at pamayanan, at hilingin ang pagkakaroon ng ulan upang maibsan ang init ng kapaligiran.
Ayon kay Bishop Evangelista, apektado na ng umiiral na global warming bunsod ng El Niño Phenomenon ang mga pananim, mapagkukunan ng tubig at enerhiya, lalo’t higit ang kalusugan at buhay ng mamamayan.
“Our efforts amidst this calamity are inadequate and beyond our human control. For this reason, the Oratio Imperata or Obligatory Prayer has been part of our Catholic tradition where we invoke the compassion and love of the Lord during a time of grave need and extreme calamity,” ayon sa liham ni Bishop Evangelista.
Pagbabahagi ng obispo na ang buwan ng Mayo ay panahon ng pagpapala at biyaya kung saan karaniwang nararanasan ang pagbuhos ng ulan at paglago ng mga halaman at bulaklak.
Iginiit ni Bishop Evangelista na posibleng mangyari ito sa tulong ng sama-samang pananalangin upang hilingin ang pagpapala mula sa Panginoon.
“I enjoin everyone to pray unceasingly and ask the Lord to deliver us from this calamity,” paanyaya ng obispo.
Una nang nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaari pang tumaas ang heat index sa mga susunod na araw.
Inanunsyo rin ng PAGASA na ngayong Mayo ay inaasahan ang pagpasok ng dalawang bagyo.
ORATIO IMPERATA
(Para sa Panahon ng Matinding Tag-init)Ama naming makapangyarihan, hawak mo ang aming buhay, pagkilos at pag-iral. Taglay ang kababaang-loob inaamin namin ang aming pagkukulang at pagmamalabis sa kalikasang iyong ipinagkatiwala sa amin. Batid namin ang malubhang kalagayan nito dahil sa mahabang panahon ng aming kapabayaan at paglapastangan sa kalikasan. Nagsusumamo kami, na nawa kami ay iyong tulungan at ipag-adya laban sa matinding init ng panahon na aming nararanasan. Ito ay lubos na nakapipinsala sa iba’t ibang aspeto ng aming buhay. Kung paanong pinabukal Mo ang tubig sa nauuhaw at naiinitan mong bayan doon sa ilang, Diligin mo ang tuyo naming lupain ng iyong ulan upang maibsan ang init na aming nararanasan at magbigay buhay sa natutuyong pananim at mga halaman, dumaloy muli ang sariwang tubig sa mga sapa at ilog gayun din sa iba pang likas na yaman. Tumatawag kami sa iyo, Diyos ng habag at awa. Pakinggan mo ang aming pagsamo na itinataas namin sa ngalan ni Hesukristong aming Panginoon. Amen.
Mahal na Birhen del Pilar, ipanalangin mo kami.
San Jose, ipanalangin mo kami.
Lahat kayong mga banal sa piling ng Maykapal, ipanalangin ninyo kami.