11,764 total views
Hinamon ng rektor at kura paroko ng Diocesan Shrine and Parish of San Isidro Labrador sa Pulilan, Bulacan ang mga mananampalataya na makibahagi sa misyon ni Kristo.
Ito ang paanyaya ni Fr. Dario Cabral sa bawat isa kasabay ng pagdiriwang sa kapistahan ng patron ng mga magsasaka na si San Isidro Labrador at ika-230 Pistang Bayan ng Pulilan nitong Mayo 15.
Tema ng pagdiriwang ang “Pakikibahagi sa misyon ni Kristo” kung saan ayon kay Fr. Cabral ay layong bigyang-halaga, hindi lamang ang pagpapalaganap ng mabuting balita, kun’di maging ang pag-aalay ng panalangin para sa mga magsasaka at pagkakaroon ng masaganang ani sa bukiring bayan ng Pulilan.
“Binigyan natin ng linaw ang misyon na ito ay hindi lamang pamamansag ng mabuting balita, bagamat ito ‘yung pinakasentro ng ating pakikibahagi ng misyon. Pero gayundin ay binigyan namin ng diin dito sa mga pagninilay at sa pagdiriwang ang pagpapahalaga, pag-iingat, at pagsisinop sa ating kalikasan, sa ating mga kabukiran, at sa pagsasaka,” ayon kay Fr. Cabral.
Paliwanag ng pari na pinagtuunan sa mga Misa Nobenaryo ang pananalangin para sa kalikasan, kabukiran, at ang patuloy na masaganang ani para sa mga magsasaka sa tulong ng patnubay ni San Isidro Labrador.
Dagdag ni Fr. Cabral na sa pamamagitan ng pagsasaka ay naipapakita pa rin ang pakikiisa at pagtugon sa misyon ng Panginoon tungo sa kabanalan katulad ng ipinamalas ni San Isidro sa pamamagitan ng paggawa.
“Hindi lamang ito pagdiriwang ng tradisyon, kung hindi ng presensya ng Diyos na laging nasa atin at saan man naroroon lalo’t higit sa mga kabukiran at mga naglilinang ng bukid,” ayon kay Fr. Cabral.
Kabilang naman sa mga itinampok sa pagdiriwang ang Kneeling Carabao kung saan umabot sa humigit-kumulang 300 kalabaw ang nakilahok mula sa Pulilan gayundin mula sa mga karatig na lugar.
Isinasagawa ang tradisyunal na pagpapaluhod sa mga kalabaw sa harapan ng simbahan tuwing ika-14 ng Mayo, bisperas ng kapistahan ni San Isidro, bilang simbolo ng pagpapakumbaba at pagpapasalamat sa mga natanggap na biyaya sa nagdaang taon.
Samantala, pinangunahan din ni Malolos Bishop Dennis Villarojo ang Misa Concelebrada para sa karangalan ni San Isidro, katuwang sina Fr. Cabral, bikaryo paroko, Fr. Renato Brion, Jr., at mga pari ng diyosesis.
Nakatuwang din ng parokya sa pagdiriwang ng Pistang Bayan ngayong taon ang Hermano Mayor na si Pulilan Association of Barangay Captains President Dennis M. Cruz.