16,191 total views
Suportado ng development at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang desisyon ng Supreme Court na ang red-tagging ay isang banta sa karapatan ng mga Pilipino.
Ayon kay Caritas Philippines’ president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, maituturing ang desisyon ng Korte Suprema na malaking pagbabago para sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao at mahalagang hakbang patungo sa mas ligtas na bansa.
“Red-tagging has instilled fear and silenced dissent for far too long. The Supreme Court’s ruling sends a clear message that such tactics will not be tolerated,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Inihayag naman ni Caritas PH vice president, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, na kaakibat ng red-tagging ang pangamba at pagbabanta sa mga nais lamang ipaglaban ang karapatan ng bawat mamamayan.
Sinabi ni Bishop Alminaza na ang pasya ng Korte Suprema ay malaking kapanatagan upang mapangalagan ang Pilipinong nagsusulong ng kapayapaan at katarungan.
Kahit si Bishop Alminaza ay napabilang na rin sa red-tag list dahil sa kanyang paninindigan at pagtutol sa mga maling layunin ng pamahalaan.
“Being red-tagged can have serious consequences. But as a follower of Christ, I find inspiration in His teachings to love one another and fight for justice. ‘Sicut Christus vivit’ – ‘As Christ lives’ – is my motto. It guides me to continue serving the most vulnerable, even in the face of threats,” pagbabahagi ni Bishop Alminaza.
Binigyang-diin ng Caritas Philippines na ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman ay kinikilala ang red-tagging bilang banta sa karapatan ng mga Pilipino, at nagbibigay naman ng katarungan sa mga biktima ng pang-aapi.
Hinikayat naman ng institusyon ang pamahalaan at pwersa ng militar na itaguyod ang hatol ng Korte Suprema at tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino, sa kabila ng iba’t ibang paniniwala sa pulitika, bilang karapatan para sa malayang pagpapahayag.
“We call on all sectors of society to work together to foster a more tolerant and respectful environment where open discourse and dissent are encouraged,” ayon kay Bishop Bagaforo.(michael)