13,130 total views
Manindigan at matapang na harapin ang pagsubok tulad ni San Floriano.
Ito ang hamon ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mga kawani ng Bureau of Fire Protection sa Banal na Misa para sa Kapistahan ni San Floriano sa BFP National Headquarters sa Quezon City.
Ayon kay Cardinal Advincula, ang pagsasakripisyo at paninindigan ni San Floriano sa kanyang pananampalataya nawa’y magsilbing inspirasyon sa mga bumbero upang patuloy na isaalang-alang ang kaligtasan ng lahat sa mga sakuna tulad ng sunog.
Si San Floriano ang itinuturing na pintakasi ng mga bumbero o tagapamatay-sunog.
“Pinili niyang manindigan sa kanyang pananampalataya kahit pa kapalit nito ang harapin ang kamatayan niya. Beloved firefighters, your profession too requires a similar spirit of sacrifice. You put your own lives on the line in order to save others. Sa inyong dalisay na sakripisyo, nagiging daan kayo ng buhay para sa iba at kaligtasan kahit sa gitna pa ng sakuna,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Dalangin naman ni Cardinal Advincula ang patuloy na paggabay ni San Floriano sa mga bumbero na ang bawat pagsubok na kakaharapin ay maging daan upang higit na pag-alabin ang pagnanais na maglingkod at maging tagapagligtas ng sambayanan.
“Hayaan natin ang kanyang tapang na gumabay sa atin sa kabila ng mga nakaambang panganib. Nawa’y ang kanyang tibay ng pananalig ay himukin tayo sa pagmamahal na magtatawid sa ating paglilingkod,” ayon sa kardinal.
binigyang-diin naman ni BFP Chaplaincy chief, Fr. (FSSupt.) Randy Baluso, T’Ocarm., DSC ang kahalagahan ng paggabay ni San Floriano bilang patron ng mga bumbero, nang sa gayo’y magampanan ang misyon para sa kapwa at makamtan ang pagpapala at pangako ng Panginoon tungo sa buhay na walang hanggan.
Nagpapasalamat din si Fr. Baluso, sa
mga mananampalatayang patuloy na nag-aalay ng panalangin para sa kaligtasan ng mga bumbero, gayundin sa mga nakibahagi sa pagnonobena at pagdiriwang ng kapistahan para sa karangalan ni San Floriano.
“Sa ngalan po ng Bureau of Fire Protection family, we would like to thank you also for your constant prayer especially for our brothers and sisters who are working for the benefit of our countrymen especially sa mga whose continue saving lives and protecting properties,” ayon kay Fr. Baluso sa panayam ng Radio Veritas.
Maliban kay Fr. Baluso, nakatuwang din ni Cardinal Advincula sa Banal na pagdiriwang sina BFP Deputy Chief Chaplain Fr. (FSupt.) Rochar Dulay; at Post Chaplain Fr. (FSInp.) Raymond Tapia.