5,707 total views
Inihayag ng opisyal ng Archdiocese of Manila Office of Communications na kinilala simbahan ang pag-usbong ng makabagong teknolohiya sa lipunan.
Ayon kay Radio Veritas Vice President, AOC Director Fr. Roy Bellen, biyaya ng Panginoon ang mga pag-unlad tulad ng ‘artificial intelligence’ na maaring gamitin ng simbahan sa pagpapaigting ng ebanghelisasyon gamit ang media.
“Ang Artificial Intelligence gaya ng maraming bagay na na-imbento sa mundo we still acknowledge ito ay grasya at biyaya ng Diyos. Katunayan ito mismo ang diwa ng Inter Mirifica yung unang dokumento na inilabas about social communications ng Vatican 2, na lahat ng means of communications ay regalo ng Diyos sa atin para magampanan ang ating tungkuling ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng dako ng mundo,” pahayag ni Fr. Bellen sa Radio Veritas.
Ang mensahe ng opisyal ay kaugnay sa pagdiriwang ng simbahan ng 58th World Day of Social Communications sa May 12 kung saan pinagnilayan ng simbahan ang temang ‘Artificial Intelligence and the Wisdom of the Heart: Towards a Fully Human Communication.’
Batid ni Fr. Bellen na katulad ng ibang bagay ang AI ay isang biyaya kung ito ay ginagamit sa wasto at mabuting pamamaraan subalit ito rin ay banta at mapanganib kung gagamitin para sa ikasisira ng kapwa at lipunan.
“Isa po ang AI sa mga bagong teknolohiya na ginagamit even sa media gaya po ng ibang teknolohiya ito ay maaring gift o maaring maging curse o sumpa kaya napakaimportante na ang gumagamit ng ganitong mga bagay ay mga taong mayroong formation, magandang conscience and of course may sapat na kaalaman paano ito gagamitin,” saad ni Fr. Bellen.
Tinuran ni Fr. Bellen na ang pagdiriwang ng simbahan sa World Social Communications Day ay pagkakataong paalalaahanan ang bawat isa na mas palawakin ang kaalaman sa paggamit ng makabagong teknolohiya upang matiyak na ito ay magamit sa kabutihan.
“This World Comm Day is a reminder at the same time it’s an encouragement na sana continue to form our conscience and hone our skills,” sabi ng opisyal.
Ibinahagi ni Fr. Bellen na ang Social Communication practitioner’s ng mga parokya ng arkidiyosesis ay sumailalim sa taunang updates, trainings at formation program hindi lang para skills training kundi mahubog ang espiritwalidad sa tunay na misyong gagampanan sa simbahan na pagpapahayag ng pananampalataya.
Una nang sinabi ni Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr., chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Communications na hindi dapat umasa ang tao sa paggamit ng AI lalo’t may kakayahan itong mamanipula ang pagkakilanlan ng isang indibidwal tulad ng pagkopya sa itsura at boses.
Iginiit ni Bishop Maralit na mas may kakayahan ang tao na mag-isip para ikabubuti ng kapwa at buong pamayanan.
Batid ng simbahan ang mabubuting dulot ng pag-usbong ng teknolohiya tulad ng A.I subalit paalala nito sa mamamayan ang ibayong pag-iingat sa paggamit nito dahil maaring magdulot ito ng panganib at kapahamakan ng sinuman.