7,840 total views
Naniniwala si Tagbilaran Bishop Alberto Uy na mas mapagtibay ang pamayanang nakaugat sa pag-ibig, habag at paggalang sa sakramento ng pag-iisang dibdib.
Ito ang mensahe ng obispo kasunod ng pag-usad ng House Bill No. 9349 o Absolute Divorce Act sa mababang kapulungan kung saan inaprubahan ito ng mga mambabatas sa pamamagitan ng viva voce.
Ayon kay Bishop Uy dapat na tutukan ng mga mambabatas ang pagbalangkas ng mga polisiyang magpapatatag sa bawat pamilya sapagkat ito ang tunay na pundasyon sa isang nagbubuklod at mapayapang pamayanan.
“I urge members of Congress to reconsider the proposed divorce bill and instead focus on promoting policies and programs that support marriage, strengthen families, and protect the well-being of all members of society,” bahagi ng pahayag ni Bishop Uy.
Nanindigan ang obispo na malinaw na paglabag sa katuruan ng simbahan ang isinusulong na diborsyo kaya’t bilang punong pastol ay patuloy nitong itataguyod ang misyon at turo ni Hesus kabilang na ang pagtatanggol sa kasagraduhan ng sakramento ng pag-iisang dibdib.
“As the Bishop of Tagbilaran, it is my duty to uphold the teachings of Jesus and defend the sanctity of marriage, which is a sacred union between a man and a woman,” ani Bishop Uy.
Iginiit ng obispo na lalabagin ng panukalang diborsyo ang turo ni Hesus na kahalagahan ng commitment, pagpapatawad at pagkakasundo na magpaptibay sa pagsasama ng mag-asawa.
Bukod pa rito ang hindi magandang epekto sa mga bata na ayon sa pag-aaral kadalasang nakararanas ng emotional distress, academic difficulties at iba pa.
“A society that values strong, stable families is a thriving society. Divorce weakens the fabric of society by eroding the foundation of the family unit. It leads to social fragmentation, increased poverty, and a host of other societal ills. By promoting divorce, we are contributing to the breakdown of social cohesion and the erosion of moral values,” giit ni Bishop Uy.
Binigyang diin ng opisyal na sa halip isulong ang diborsyo ay tutukan ang ibang pamamaraan pang matugunan ang suliranin sa pagsasama ng mag-asawa tulad ng annulment o declaration of nullity sa halip na diborsyo.
Gayundin ang marital counseling para sa mga mag-asawa upang matugunan ang kanilang suliranin at matulungang maghilom at muling magkasundo.
Mariin ang paninindigan ng simbahan laban sa diborsyo sa halip ay iginiit ang kasagraduhan ng kasal na ayon sa ebanghelyo ni San Mateo kabanata 19 talata anim ‘Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya’t ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.’