366 total views
Nanawagan si San Pablo Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. sa mga diyosesis at parokya sa bansa na magtatag ng mga youth center bilang ligtas na lugar para sa mga kabataan sa gitna ng lumalalim na hamon ng isolation, kakulangan ng accompaniment, at labis na pag-asa sa teknolohiya.
Sa isinagawang dayalogo ng mga obispo ng Episcopal Commission on Youth sa mga youth ministers at directors sa First National Youth Directors Assembly, binigyang-diin ni Bishop Maralit ang pangangailangang magkaroon ng mga lugar kung saan maaaring magtipon, magbahaginan, at mahubog sa pananampalataya ang mga kabataan.
“If you do not yet have youth centers, I would really recommend that we establish them; first at the diocesan level, and, if possible, even at the parish level,” ayon kay Bishop Maralit, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Youth.
Paliwanag ng obispo na maraming young adults at teenagers ang naghahanap ng mga “safe spaces” kung saan maaari silang makatagpo ng pagtanggap, gabay, at makabuluhang ugnayan.
“These young adults are looking for safe spaces in their lives right now. And it’s not only young adults who are searching for these; even teenagers are looking for places to gather and find a safe space,” ani Bishop Maralit.
Ayon sa obispo, ang mga youth center ay hindi lamang pasilidad kundi paraan ng ebanghelisasyon at mga lugar ng pakikinig, paghubog, at accompaniment na makatutulong sa mga kabataang naghahanap ng direksyon sa buhay at sa pananampalataya.
“Even those who are not actively involved in the Church, when they become part of these kinds of places, begin to develop an interest. They start asking questions, they find answers, and eventually become involved,” dagdag pa ng obispo.
Kaugnay nito, binigyang-diin naman ni Iba Bishop Bartolome Santos Jr., vice chairman ng CBCP-ECY, ang pangangailangang tugunan ng Simbahan ang lumalawak na impluwensya ng artificial intelligence o AI na nagdudulot ng krisis sa pakikipagkapwa at pagiging malapit sa Diyos.
“The next enemy we have to make as our footstool is the crisis brought by technology—the crisis of AI, the crisis of accompaniment, and the crisis of intimacy,” ayon kay Bishop Santos.
Babala ng obispo na mas maraming oras na ang ginugugol ng mga kabataan sa AI at digital platforms kaysa sa kanilang pamilya, mga kaibigan, at maging sa kanilang relasyon sa Panginoon.
“The crisis of accompaniment happens when loneliness and depression are dealt with by AI rather than through a close personal relationship with God and family,” ani Bishop Santos.
Dahil dito, itinuturing ng mga lider ng youth ministry na mahalagang magkaroon ng mga konkretong lugar at programa kung saan maaaring samahan ang mga kabataan sa kanilang paglalakbay sa pananampalataya, makabuo ng tunay na pagkakaibigan, at mapalalim ang kanilang ugnayan sa Diyos.
Binigyang-diin din ni Bishop Maralit na ang lahat ng youth centers ay dapat sumunod sa umiiral na safeguarding policies ng Simbahan upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga kabataan.
“We already have safeguarding policies, and these centers must comply with them,” saad ng obispo.
Kabilang sa mga pangunahing tinalakay sa kauna-unahang National Youth Directors Assembly ang muling pagrepaso sa Kalakbay Handbook o Kalakbay 2 formation module, ang pagpapalakas ng partisipasyon at paghubog ng mga kabataan sa mga usaping sosyo-politikal, at ang pagpapaigting ng young adult ministry bilang tugon sa nagbabagong pangangailangan ng kabataang Pilipino.
Nagsilbi rin ang pagtitipon bilang pagkakataon para sa dayalogo ng mga youth directors, youth ministers, at mga obispo hinggil sa mga hamon at oportunidad sa youth ministry, kabilang ang pangangailangang paigtingin ang accompaniment at lumikha ng mga ligtas na espasyo para sa kabataan.
Dinaluhan ng mahigit 100 youth directors at youth ministers mula sa 62 diyosesis at 15 Federation of National Youth Organizations ang kauna-unahang National Youth Directors Assembly na naglalayong palakasin ang pagtugon ng Simbahan sa mga pangangailangan at hamon ng kabataan sa kasalukuyang panahon.






