100,617 total reads
Mga Kapanalig, mag-iisang taon na mula nang ilabas ng International Criminal Court (o ICC) ang warrant of arrest para kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa. Muli, ang warrant of arrest na ito ay para papanagutin siya sa kanyang partisipasyon sa madugong giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Anim na buwan naman na ang nakalilipas mula nang magtago siyang muli matapos ang ilang buwang hindi pagpapakita at pagtatrabaho bilang mambabatas. Naalala ba ninyo ang nangyaring gulo sa Senado noong Mayo? Maraming buhay ang nalagay sa panganib para lamang itakas si Senador Bato.
Ngayon, nag-alok na ang Department of the Interior and Local Government (o DILG) ng limampung milyong pisong pabuya sa sinumang makaaresto sa puganteng mambabatas. Tinagurian na nga siyang “most wanted person” sa Pilipinas. Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, mahabang panahon at maraming pagkakataon na ang ibinigay sa senador para sumuko, pero wala daw ipinakita si Senador Bato kundi kaduwagan sa pamamagitan ng pagtakas at pagtatago. “Now the gloves have to come off,” babala ni Secretary Remulla.
May impormasyon daw na natanggap ang kalihim ng DILG na si Senador Bato ay “armed and dangerous.” Kaya kung puwersahan daw na kukubkubin ang lugar na pinagtataguan niya, magkakaroon daw ng “bloodbath.” Dadanak daw ang dugo sa dami ng madadamay. Handa naman daw ang Philippine National Police (o PNP) sakaling umabot sa ganitong pangyayari ang paghahain nila ng arrest warrant sa mambabatas. Huwag naman na sana.
Hindi ito mangyayari kung nakipagtulungan lang ang mga kakampi niyang senador noong huhulihin na si Senador Bato nang sumulpot siya sa Senado. Hindi ito mangyayari kung naging mapagbantay talaga ang mga awtoridad para hindi siya makatakas at makapagtagong muli.
Higit sa lahat, hindi tayo hahantong dito kung ang batayan ng pagboto ng marami sa atin ay ang kakayahan at integridad ng isang tao, hindi ang kanyang kasikatan, kapit sa maimpluwensya at makapangyarihan, at katapatan o loyalty sa iniidolong personalidad.
Ang mga ibinoboto natin ay hindi mga hari at reyna na pinagsisilbihan at handa nating ipagtanggol kahit pa mali ang kanilang ginagawa. Oo, iginagalang natin dapat sila, pero hindi sila inilalagay sa pedestal na titingalain at susundin lang kung ano ang kanilang gusto. Hindi kinukunsinti ang kanilang mga ginagawang labag sa batas o umaapak sa dignidad ng tao. Hindi dapat tayo magbulag-bulagan sa mga hindi makatao at hindi makatarungang estilo ng pamamahala.
Kung gagamitin natin ang mga prinsipyo ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan, nakabatay sana ang pulitika—kasama rito ang pagpili natin ng mga lider—sa kagustuhan nating itaguyod ang kabutihang panlahat o common good. Sabi nga ni Pope Francis, “Politics is a lofty vocation and one of the highest forms of charity.” Isa ito sa mga pinakamataas na anyo ng paglilingkod at pagkakawanggawa dahil hinahangad nito ang kabutihang panlahat.
Pero mahirap itangging salungat dito ang kultura ng pulitika na meron sa ating bayan ngayon: Sikat ka? Ihahalal ka namin! Loyal ka sa idolo namin? Nasa iyo ang boto namin! Kababayan ka namin? Sagot ka namin sa eleksyon! Ang nakalulungkot, nauuwi ang ganitong batayan ng pagpili ng mga lider sa bulag na pagsunod—parang pagsamba na nga—na humahantong naman sa pagprotekta sa kanila mula sa pananagutan ng batas.
Mga Kapanalig, ang ating mga iboboto sana ay mga “most wanted person” hindi sa batas kundi sa serbisyo publiko. Tandaan natin ang paalalang ito sa Mga Kawikaan 29:2, “Kapag matuwid ang namamahala, nagagalak ang bayan; ngunit kapag masama ang namumuno, dumaraing ang bayan.” Huwag tayong mag-ambag pa sa pagdaing ng bayan sa pamamagitan ng pagboto sa mga taong hindi kayang humarap sa batas.
Sumainyo ang katotohanan.




