1,647 total reads
Naging kampeon ang mga Pari ng Archdiocese of Manila sa Pari-Lympics 2026 sa larangan ng basketball.
First runner-up sa palaro ang mga kaparian ng Diocese of Paranaque matapos talunin sa championship game ng RCAM Priests sa iskor na 99-72.
Ibinahagi ni Father Jerome Secillano, rector at parish priest ng National Shrine of Mary, Queen of Peace o EDSA Shrine at isa sa mga organizers ng Pari-lympics 2026 na layunin ng palaro na palakasin ang pagkakaibigan,
pagkakaisa at sportsmanship ng mga pari mula sa iba’t- ibang diyosesis sa ilalim ng Metropolitan Archdiocese of Manila.
Ayon kay Father Secillano, ilang taon ding nahinto ang paligsahan na muling binuhay kasabay ng pagdami ng mga bagong pari na nakibahagi at naglaan ng panahon para maglaro, magpahinga at magbuklod.
“Gusto natin ibalik ulit ‘yung espiritu ng camaraderie, friendship and of course sportsmanship as well as unity” pahayag ni Fr. Secillano sa Radyo Veritas.
Itinanggal namang Most Valueble Player (MVP) ng Pari-Lympics 2026 si Father Norman Gandia.
Sinabi ni Fr.Gandia na ang larong basketball ay isang paraan upang mapalalim ang samahan ng mga pari at maipakilala si HesuKristo sa ibang tao tulad ng pagpapalaganap ni San Juan Bosco ng pananampalataya sa pamamagitan ng sports.
Ang Pari-Lympics ay itinatag noong Agosto 1996 ng yumaong Jaime Cardinal Sin bilang parangal kay San Juan Maria Vianney, patron ng mga Pari.
Ipinagdiriwang ng liga ang ika-30 anibersaryo ng pagsusulong ng pagkakaisa, pagkakaibigan at sportsmanship sa hanay ng mga kapariang nasasakop ng Metropolitan Province of Manila.




