777 total reads
Naninindigan si Novaliches Bishop Roberto Gaa sa pananagutan ng pamahalaan sa wastong paggamit ng buwis ng mamamayan.
Sa kanyang pagninilay sa ika-29 Linggo sa karaniwang panahon at ika-100 pandaigdigang linggo ng Misyon, iginiit ni Bishop Gaa na dapat gamitin ng pamahalaan ang pondo sa kapakinabangan ng mamamayan at kaayusan ng lipunan.
Ayon sa Obispo, hindi lamang obligasyon sa pamahalaan ang pagbabayad ng buwis, kundi paraan din ng pagtulong sa kapwa at paglilingkod sa Diyos.
“Mas malalim sana ang ating pagtingin doon sa pagbibigay ng buwis. Totoo, binibigay kay Cesar ang sa Cesar, pero kahit ‘yung binibigay natin kay Cesar ay sa Diyos. Malalim ‘yung kahulugan ng binibigay natin, hindi lang siya pagbubuwis. ‘Yan ay tulong sa ating kapwa. Nagbibigay siya ng tama dahil sa kaayusan ng sambayanan, dahil sa kaayusan ng lipunan,” ayon sa pagninilay ni Bishop Gaa.
Nagbabala naman si Bishop Gaa sa maling paggamit ng pampublikong pondo para sa pansariling interes, sa halip na sa mga serbisyong dapat pakinabangan ng mamamayan.
Hinimok naman ni Bishop Gaa ang publiko na maging mapanuri at makilahok sa mga usapin tungkol sa paggamit ng buwis, dahil may pananagutan ang bawat isa na tiyaking napupunta ito sa tama.
“Isang malaking kahangalan ‘yan kapag ang buwis ay hindi ginagamit para sa kaayusan ng lipunan, kung ito ay pumupunta lamang sa bulsa ng ilang tao, at hindi nakikinabang ang sambayanan. Nakakalungkot kasi sila ang pinili natin na maglagay ng kaayusan, sila ‘yung nagdudulot ng kaguluhan. Kaya nga ba sinasabi natin, hindi lang ‘to kasalanan sa tao, kasalanan din ‘to sa Diyos.
Mayroon po tayong responsibilidad sa tao at sa Diyos sa ibinabayad nating buwis. Hindi lamang tayo ay magbigay, pero sana’y pumupunta ‘to sa tama, pumupunta ‘to sa kaayusan ng lipunan,” bahagi pa ng pagninilay ni Bishop Gaa.
Sinasabi ng ensiklikal na Caritas in Veritate ni Pope Benedict XVI ang pananagutang panlipunan at pagtataguyod ng tunay na pag-unlad ng tao sa pamamagitan ng katarungan at kabutihang panlahat.




