1,260 total reads
Tuloy ang nakatakdang pagbisita ni Pope Leo XIV sa Uruguay, Argentina at Peru sa Nobyembre, matapos tiyakin ng Vatican na maayos ang kalagayan ng Santo Papa kasunod ng kaniyang operasyon sa baga.
Sa pahayag ng Vatican noong Oktubre 26, walang nakitang problema sa kalusugan ng Santo Papa na makahahadlang sa kaniyang biyahe sa Latin America mula November 6 hanggang 17.
“In this respect, the Holy See Press Office confirms that the Apostolic Journey of Pope Leo XIV to Uruguay, Argentina, and Peru, scheduled for November 6-17, 2026, will proceed according to the program previously published,” ayon sa pahayag ng Holy See.
Ayon sa Vatican, maganda ang resulta ng pinakahuling pagsusuri kay Pope Leo at patuloy ang kaniyang paggaling mula sa operasyong isinagawa noong Oktubre 13.
Kinumpirma rin ng kaniyang mga doktor na naging matagumpay ang operasyon at walang naging komplikasyon. Natukoy na nasa isang bahagi lamang ng baga ang kanser at hindi na kailangan ng karagdagang gamutan para rito.
Sa kaniyang mensahe sa social media, ipinahayag ng Santo Papa ang kagalakan sa pagbabalik sa Latin America, kung saan niya ginugol ang mahahalagang bahagi ng kaniyang buhay.
Umaasa rin ang pinunong pastol na magiging pagkakataon ang pagbisita upang higit na mapatatag ang pagkakaisa ng mga tao at mapalakas ang kanilang hangaring ipalaganap ang Mabuting Balita.
“May this journey be an opportunity to open our hearts to one another, strengthen our communion as brothers and sisters, and renew our commitment to proclaiming the Gospel with joy,” ayon kay Pope Leo.
Nagpasalamat din si Pope Leo sa mga patuloy na nagdarasal para sa kaniyang paggaling, gayundin sa mga doktor at iba pang medical personnel na nangangalaga sa kaniyang kalusugan.




