1,665 total reads
Nanawagan si Pope Leo XIV sa mga lider ng iba’t-ibang relihiyon na itaguyod ang kapayapaan sa pamamagitan ng panalangin, diyalogo at pag-uusap sa halip na karahasan at digmaan.
Sa kanyang video message sa International Meeting for Peace sa Assisi, Italy, iginiit ng Santo Papa na hindi kailanman maituturing na banal ang digmaan, kundi ang kapayapaan lamang.
“War can never be waged in the name of God. For us believers, ‘to fight in the name of religion means attacking religion itself.’ There is no such thing as a holy war: only peace is holy,” ayon sa mensahe ng Santo Papa.
Binigyang-diin ng Papa na mahalagang labanan ang paggamit sa relihiyon upang bigyang-katwiran ang digmaan at karahasan.
Ang tatlong araw na pagtitipon, na nagtapos nitong Martes, ay inorganisa ng Community of Sant’Egidio sa temang Unarmed and Disarming Peace.
Kasabay nito ang ika-40 anibersaryo ng World Day of Prayer for Peace na pinangunahan ni Saint John Paul II noong Oktubre 27, 1986.
Dagdag pa ni Pope Leo,”I would very much like to have been with you at the tomb of Saint Francis on this important anniversary, to see your faces and bear witness together to the fact that living as brothers and sisters is already possible!”
Hindi nakadalo ang Santo Papa sa pagtitipon sa payo na rin ng kanyang mga doktor, habang nagpapagaling makaraan ang operasyon sa kaniyang baga.
Ayon kay Pope Leo, kailangang maging daan ang mga relihiyon sa pagsusulong ng diyalogo at pagkakaunawaan upang maputol ang siklo ng karahasan.
Hinimok din ng pinunong pastol ang mga mananampalataya na patuloy na manalangin para sa pagbabagong-loob ng mga nagtataguyod ng digmaan at terorismo.
Binigyang-diin ng Santo Papa na sa kabila ng tila kahinaan ng panalangin sa harap ng kapangyarihan ng mundo, nananatili itong mahalagang lakas ng mga mananampalataya sa pagsusulong ng kapayapaan.
Nanawagan din si Pope Leo na sa halip na maghanda para sa panibagong digmaan, dapat pagsikapan ng mga bansa na muling itatag ang kapayapaan sa buong mundo.




