10,783 total views
Pupusan na ang paghahanda ng Diocese of Sacramento kasama ang Filipino communities sa California para sa nalalapit na ordinasyon bilang obispo ni Bishop-elect Rey Bersabal sa May 31.
Ayon kay Pontificio Collegio Filippino Rector Fr. Gregory Ramon Gaston kamakailan ay nakipagkita ito sa bagong halal na katuwang na obispo ng Sacramento kung saan sinabi nitong isang biyaya ng pananampalataya lalo na sa mga Pilipino na patuloy ang pagyabong ng misyon makalipas ang 500 taon ng kristiyanismo sa Pilipinas.
Sinabi ni Fr. Gaston na ginagampanan ni Bishop-elect Bersabal ang pagiging katuwang sa ebanghelisasyon ng simbahan nang ipadala ito sa Amerika mula sa Archdiocese of Cagayan De Oro para tulungan ang Diocese of Sacramento.
“It is a big blessing that Filipinos all over the world not only maintain their faith but also become agents of evangelization. In Sacramento, they are very much incorporated in the local parishes, contributing their Filipino traditions as well,” pahayag ni Fr. Gaston sa Radio Veritas.
Bitbit ni Fr. Gaston ang ‘zucchetto’ o ‘skull cap’ galing Roma na ibinigay kay Bishop-elect Bersabal mula kay Fr. Coke Prieto ng Archdiocese of Cagayan De Oro na kasalukuyang nag-aaral sa Roma.
Sinabi pa ng pari na dadalo sa ordinasyon ang apat na Filipinong Obispo sa Amerika na sina Salt Lake Bishop Oscar Solis, Los Angeles Auxiliary Bishop Alejandro Aclan, El Paso Auxiliary Bishop Anthony Celino, at Philadelphia Auxiliary Bishop Efren Esmilla.
Inaasahan din ang pagdalo ni Cotabato Archbishop Emeritus Cardinal Orlando Quevedo at tatlo pang cardinal kasama na si Papal Nuncio to the US Cardinal Cristophe Pierre.
Isasagawa ang episcopal ordination sa Cathedral of the Blessed Sacrament ng Diocese of Sacramento na dadaluhan din ng humigit kumulang 200 mga pari ng diyosesis kung saan 47 rito ay mga Pilipino.
Una nang pinuri ni Cagayan De Oro Archbishop Jose Cabantan ang pagtalaga ni Pope Francis kay Bishop-elect Bersabal kasabay ng pagtiyak ng mga panalangin sa bagong misyong gagampanan na maging katuwang ni Bishop Jaime Soto sa pagpapastol sa mahigit isang milyong kawan sa lugar.