8,298 total views
Humiling ng panalangin si Archbishop Rex Andrew Alarcon kasunod ng pagluklok bilang ikalimang arsobispo ng Archdiocese of Caceres sa Bicol region.
Sinabi ng arsobispo na mahalaga ang mga panalangin ng mamamayan upang manatiling gabay ang Panginoon sa kanyang pagpapastol sa mahigit isang milyong kawan na ipinagkatiwala ng simbahan sa kanyang pangangalaga.
Ito ayon sa bagong talagang arsobispo ay sa pagsisikap na maisabuhay ang mga halimbawa ni Hesus sa pagpapastol sa kawan nang may kababaang loob at pagpapadama ng diwa ng habag at awa.
“May I request you to pray for these three intentions. First, that I may remain close to the Good Shepherd so that his vision becomes my vision. His path is the way I should walk. My values, methods, style, and approaches may be patterned after His, that I may have the heart of the Good Shepherd,” ani Archbishop Alarcon.
Batid ng arsobispo na kaakibat ng panibagong misyon sa simbahan ang malaking hamong gagampanan upang higit na maisulong ang pagpapalago ng pananampalataya ng mamamayan.
Ipinagkatiwala ni Archbishop Alarcon sa Panginoon ang kanyang misyon kasabay ng kahilingang maisabuhay ang mga gawi ni Maria at Jose na sumunod sa kalooban ng Diyos na maging magulang ni Hesus nang magkatawang tao sa sanlibutan.
“The second intention, that I may have the availability, the trust, patience, and perseverance of Mary, so that I may not seek my own, but those who are entrusted to me. The third, that I may have the obedience, the courage, and the generosity of Joseph. Joseph stayed with Mary, at the most difficult moments of our life. And be Jesus. May the Lord grant that I faithfully and joyfully serve the flock even at the most difficult moments,” giit ni Archbishop Alarcon.
Tiniyak ng arsobispo na maging mabuting katiwala sa kawan ni Hesus gayundin ang pakikiisa at kahandaang makipagtulungan sa lahat ng sektor ng lipunan kabilang na ang lokal na pamahalaan para sa pagsusulong at pagtataguyod sa ikabubuti ng mamamayan.
“I am not the Church, we are the Church. So this is an invitation for us to work together, and to appreciate, to celebrate together the giftedness we have received,” saad ng arsobispo.
February 22 nang italaga ng Papa Francisco si Archbishop Alarcon bilang ikalimang arsobispo ng Caceres na hahalili kay Archbishop Emeritus Rolando Tria Tirona na nanilbihang arsobispo sa lugar sa nakalipas na 12 taon.
Pinangunahan naman ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang rito ng installation at canonical possession ni Archbishop Alarcon sa Metropolitan Cathedral and Parish of St. John the Evangelist.
Dumalo sa pagdiriwang ang may 30 mga obispo kabilang na si Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula, CBCP Vce President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara; at Archbishop Adolfo Tito Yllana, apostolic nuncio to Israel at apostolic delegate to Jerusalem and Palestine.
Bukod pa rito ang 150 mga pari at humigit kumulang sa tatlong libong mananampalataya na malugod tumanggap sa bagong arsobispo ng Caceres.
Inordinahang pari si Archbishop Alarcon noong 1996 sa Archdiocese of Caceres kung saan kabilang sa kanyang tungkulin ang pagiging parochial vicar ng Naga Cathedral at private secretary to Archbishop Leonardo Legazpi.
Nagtapos ng Licentiate in Church History sa Pontifical Gregorian University sa Roma at naglingkod bilang formator ng Holy Rosary Major Seminary, assistant director ng Family Ministry, at director ng Stewardship Program nang bumalik sa Caceres noong 2001.
Inordinahang obispo noong March 19, 2019 at nailuklok sa Diocese of Daet noong March 20.
Kasalukuyang pinamunuan ng arsobispo ang CBCP Episcopal Commission on Youth habang ito rin ang pinakabatang arsobispo ng Pilipinas sa edad 53 taong gulang.