13,853 total views
Umaasa si Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias na maging bukas ang mga kabataang pagnilayan ang bokasyon at tumugon sa tawag ng Panginoong maglingkod sa kawan.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagdiriwang ng pandaigdigang panalangin para sa bokasyon kasabay ng Linggo ng Mabuting Pastol.
Ayon sa Obispo, nawa’y pakinggan ng mga kabataan ang tinig ng Mabuting Pastol na nag-aanyayang maging tagapastol sa kristiyanong pamayanan.
“Hiniling ko sa mga kabataan na suriin at tingnan ang kanilang sarili baka sila ay tinatawag sa bokasyon ng pagpapari, pagmamadre at pagiging relihiyoso,” pahayag ni Bishop Tobias sa Radio Veritas.
Batid ng obispo na kinakailangan ng mga kabataang pastol na maging kahalili sa mga matatandang lingkod ng simbahan lalo na ang mga nagretiro na sa kanilang tungkuling pangangasiwa sa mga parokya at institusyon ng simbahan.Apela ng obispo sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak na tuklasin ang bokasyon sa halip na hadlangan.
“Sa mga magulang, huwag ninyong hadlangan ang inyong mga anak na nagnanais pumasok sa seminaryo, na gustong magpari o magmadre. Dapat gawin ay suportahan at ipanalangin sila upang gabayan ng Espiritu Santo sa kanilang discernment,” ani Bishop Tobias.
Batay sa datos ng 2024 Pontifical Yearbook at ng 2022 Statistical Yearbook of the Church tumaas sa 1.390 billion ang bilang ng mga katoliko sa buong mundo .Gayunpaman sa kabila ng 14 na milyong paglago ay bumababa naman ang bilang ng mga pari sa mula 407,872 naging 407,730 na lamang ito sa kasalukuyan na nangangahulugang 3,373 Catholics ang ipinapastol ng bawat pari.Bukod pa rito ang mahigit isang porsyentong pagbaba sa bilang ng mga seminarista na sa kabuuan ay nasa 108, 481.
Kaugnay nito magsasagawa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ng kauna-unahang National Vocation Festival sa April 27, 2024 sa Rogationist College sa Silang, Cavite na layong paigtingin ang vocation campaign at makapagtatag ng ‘Culture of Vocations’ sa bawat diyosesis sa bansa.