25,702 total views
Palalawakin ng Diocese of Legazpi ang faith tourism sa lalawigan ng Albay sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan.
Ito ang tiniyak ni Bishop Joel Baylon sa nalalapit na pagdiriwang ng Magayon Festival kasabay ng pagpaparangal sa Mahal na Biheng Maria o Inang Magayon bilang babaeng puspos ng biyaya at pagpapala ‘Tota pulchra es, Maria.’
Hinikayat ni Bishop Baylon ang mga pari at mananampalataya ng diyosesis na suportahan ang religious-cultural projects na inisyatibo ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Salvation ng Joroan, Tiwi na layong payabungin ang debosyon sa Mahal na Ina.
“These endeavors aim to deepen devotion to the Patroness and Heavenly Queen of Albay, while also encouraging pilgrimages to the Shrine,” ayon kay Bishop Baylon.
Ilan sa mga gawaing inihanda para sa pagpapalago ng pananampalataya sa Diyos at debosyon sa Mahal na Birhen ang:
1. Albay Faith Tourism Forum sa April 30;
2. Inang Magayon Maritime Procession at Inang Magayon Grand Marian Procession sa May 1;
3. Inang Magayon Grand Aurora sa May 4;
4. Joroan, a Bikol Musical sa April 30, May 3, 10 at 17 at ang;
4. Visita Salvacion to ten Parishes sa Albay sa buong buwan ng Mayo.
Umaasa si Bishop Baylon sa buong suporta ng mamamayan at tagumpay ng pagdiriwang na may temang ang ‘Inang Magayon: Debosyon, Selebrasyon Partisipasyon’.
“We encourage your participation and support for these events. May your collective endeavors deepen our Marian devotion and bring us closer as one Diocese,” ani Bishop Baylon.
Ito rin ay sa pakikipagtulungan ng Albay Provincial Government at mapapabilang sa Faith Tourism portfolio ng Provincial Tourism, Culture, and Arts Office katuwang ang Department of Tourism.
Tinagurian ang mga Albayano sa pagiging Pueblo Amante de Maria o bayang namimintuho sa Mahal na Ina na bukal ng katatagan ng lokal na simbahan.