27,080 total views
Nag-alay ng panalangin ang humanitarian, development and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para mga opisyal at lider na namamahala sa bansa.
Kasabay ng paggunita sa Good Shepherd Sunday na itinuturing din na Pandaigdigang Araw ng Panalangin para sa Bokasyon, inalala at ipinanalangin ng Caritas Philippines sa pangunguna ng pangulo nito na si Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang pagkakaroon ng matuwid at matapat na pamamahala ng lider ng bansa.
Bahagi ng panalangin ng social arm ng CBCP ang paggabay ng Banal na Espiritu sa mga opisyal ng bayan upang tuwinang isabuhay ang paglilingkod ng dalisay at tapat para sa kabutihan ng mas nakararami o ng common good.
“This Sunday, we remember and pray for all the leaders in the country, especially our political leaders. We pray that they carefully discern the signs of times and be open to the promptings of the Holy Spirit so they become agents of common good.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Iginiit ni Bishop Bagaforo na ang mga tunay na opisyal ng bayan ay maituturing din na pastol ng lipunan na dapat magprotekta at mangalaga sa kanyang kawan mula sa kawalang katurungan at pang-aabuso o paglapastangan.
Partikular na tinukoy ng Obispo ang paninindigan ng mga opisyal ng pamahalaan sa soberenya ng bansa lalo’t higit sa sitwasyon ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Paliwanag ni Bishop Bagaforo, kabilang sa katangian ng isang mabuti at mahusay na lider ang pagkakaroon ng matibay na misyon at paninindigan sa pagsusulong ng makabubuti at ikauunlad ng sambayanan kung saan walang naisasantabing sinuman sa lipunan.
“As good shepherds bring their flock to green pastures and guard against wolves, we need leaders who will conserve and protect our patrimony, such as the West Philippine Sea for the present and future generations. Good leaders are essential and indispensable in the work of social charity to uplift the quality of life of the lost, the last and the least.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Matatandaang una ng inaprubahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa naganap na Plenary Assembly ng kalipunan noong Enero ng kasalukuyang taon ang pagdeklara sa Good Shepherd Sunday hanggang Solemnity of the Sacred Heart of Jesus bilang Good Governance Month kung saan kabilang sa pananalangin sa buong buwan ang Prayer for Peace and Social Transformation sa bansa.